Inday TrendingInday Trending
Simpleng Malasakit ang Ipinakita Niya Noon sa Kapitbahay; Ito ang Iginanti Nito Makalipas ang Ilang Taon

Simpleng Malasakit ang Ipinakita Niya Noon sa Kapitbahay; Ito ang Iginanti Nito Makalipas ang Ilang Taon

“Ano, anak, masarap ba?” tanong ni Rosa sa kaniyang anak na si Kristy habang sinusubuan niya ito ng gulay na nilaga niya para lamang may maiulam sila nang gabing iyon.

Nang ngumiti ang bata at sabik na tumango ay nagkatinginan ang mag-asawa. Pakiramdam niya ay babagsak anumang oras ang kaniyang luha dahil sa awa hindi lang para sa anak kundi sa buong pamilya.

“Pasensiya na anak, ha. Babawi si Tatay. Kapag nakasweldo na ako, bibilhan kita ng mas masarap na pagkain. Fried chicken!” pangako ng asawa niyang si Carlos sa anak na maganang kumakain.

“Okay lang po, Tatay. Masarap naman ang kangkong. Masustansiya pa!” inosenteng sagot naman ni Kristy.

“Pasensiya na. Gagawa ako ng paraan,” baling nito sa kaniya bago nito hinawakan ang kaniyang kamay.

Tumango siya sa asawa. Alam niyang ginagawa nito ang lahat ng makakaya nito para matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Ang kaso nga lang, parang kahit anong mangyari ay hindi sila makaahon sa hirap. Napakababa ng sweldo nito mula sa pinapasukang pabrika na kung minsan ay nahuhuli pa ang bayad. Hindi ito sumasapat sa lahat ng kailangan nila lalo na’t napakamahal ng mga bilihin.

Madalas ay dumarating sila sa pagkakataong wala silang makain. Mabuti na lamang at mayroon silang maliit na espasyo sa likod ng bahay kung saan ay pinagtulungan nilang magtanim ng mga halaman na karamihan ay mga gulay. Ito ang nagsisilbing madalas na takbuhan nila kapag walang-wala na sila.

Maya-maya ay may mahihinang katok sa kanilang pinto. Agad naman siyang tumayo para tingnan iyon. Bumungad sa kaniya ang kapitbahay. Ang binatilyong si Buboy.

“Aling Rosa, pasensiya na ho kayo, pero baka ho pwede hong makahiram ng pera sa inyo kahit magkano lang? Wala ho kasi kaming pambili ng bigas man lang,” pakiusap nito.

Agad naman siyang nakaramdam ng habag dito lalo na’t alam rin niya kung gaano kahirap ang buhay ng bata. Namayapa na ang ina nito, habang ang ama naman ay nagtatrabaho sa Maynila at minsan lang din makapagdala ng pera. Naiwan sa labing-anim na taong gulang na si Buboy ang responsibilidad ng pag-aalaga sa mga nakababatang kapatid nito. Kasabay ng pagkayod ng binatilyo ay ang pag-aaral.

Balita niya pa ay matalino ang bata kaya naman sigurado na ang scholarship nito para sa kolehiyo.

“Ibabalik ko rin ho sa makalawa,” dagdag pa nito.

Gayunpaman, maawa man siya sa binatilyo ay hindi rin nagkakalayo ang kanilang sitwasyon. Pareho silang kapos na kapos sa pera.

“Pasensiya ka na, Buboy. Hindi rin nakasweldo ang Kuya Carlos mo kaya’t wala rin akong ipahihiram sa’yo. Sinubukan mo na ba si iba nating kapitbahay?” usisa niya.

Laglag ang balikat na tumango nang marahan ang lalaki.

“Wala rin daw ho silang maipahihiram, eh. Ayos lang po, Aling Rosa. Salamat po,” malungkot na tugon nito.

Nakaramdam ng hindi maipaliwanag na lungkot si Rosa. Alam niya kasi ang pakiramdam ng matulog nang walang laman ang sikmura.

Akmang tatalikod na ito nang isang ideya ang pumasok sa isipan niya.

“Sandali lang. Hintayin mo ako riyan.”

Dali-dali siyang kumuha ng supot at namitas ng kung ano-anong gulay sa bakuran. Sinamahan niya rin ito ng isang gatang na bigas at bente pesos bago iyon iniabot sa binatilyo.

“Pasensiya ka na talaga at ito lang ang makakayanan namin. Pagtiyagaan niyo nang magkakapatid kaysa naman matulog kayo nang gutom.”

Abot-abot ang pasasalamat nito Buboy sa kaniya.

“Balang-araw, mababayaran ko rin ho ang kabutihan niyo sa akin at sa aming magkakapatid,” wika pa nito bago tuwang-tuwang umuwi.

Nang tuluyan nang makaalis ito ay napasulyap siya sa halos paubos na na lagayan ng bigas. Ngunit nang lingunin niya ang asawa ay ngumiti lamang ito at tumango.

“Ayos lang ‘yan. Makakagawa pa tayo ng paraan. Ang mga batang iyon, hindi na,” wika nito.

May dalawa pang nakababatang kapatid si Buboy samantalang ito naman ay nasa hayskul. Salat man ang pamumuhay nila ay parati niyang tinutulungan ang magkakapatid dahil kung siya ang magulang ng mga batang ito ay madudurog ang kaniyang puso kung walang tutulong sa mga bata.

“Maraming salamat po sa lahat ng tulong niyo sa amin, Aling Rosa, Mang Carlos. Ibabalik ko po ang lahat ng iyon sa tamang panahon,” pangako nito.

“Hindi na kailangan. Mag-aral ka nang mabuti at mag-iingat kayo doon,” bilin niya sa binatilyo.

Iyon ang araw na aalis ang magkakapatid sa kanilang probinsiya. Mukhang maayos ang nakuhang trabaho ng ama ng mga ito sa Maynila kaya naman sinundo nito ang magkakapatid. Maging ito ay labis ang pasasalamat sa kanilang mag-asawa.

Simula noon ay wala na siyang naging balita sa magkakapatid.

Lumipas ang ilang taon, subalit tila ayaw man lamang silang ngitian ng kapalaran. Nagkasakit kasi nang malubha ang kaniyang mister. Kinailangan nitong operahan nang ilang beses kaya naman nabaon sila sa utang. Maging ang kaniyang anak ay napilitan nang magtrabaho habang nag-aaral.

Sa huli ay wala rin siyang ibang pagpipilian kundi ang ibenta ang kanilang bahay. Habang nag-eempake sila ay tila madudurog ang kaniyang puso habang naririnig niya ang mahinang paghikbi ni Kristy.

“‘Nay, saan na tayo pupunta ngayon?” nag-aalalang tanong ni Kristy.

“Hindi ko alam, anak, pero wala naman tayong ibang magagawa. Kailangan natin ang pera para mabayaran ang ospital,” problemadong saad niya.

Matapos silang mag-empake, sa huling pagkakataon ay pinasadahan niya ng tingin ang bahay kung saan sila tumira nang ilang taon. Ang lugar kung saan sila bumuo ng pamilya at napakaraming magandang alaala.

Nang marinig niya ang paghinto ng isang sasakyan sa tapat nila ay sinalubong niya sa pinto ang bagong may-ari ng kanilang tahanan.

“Magandang umaga po. Aling Rosa,” bati ng isang pamilyar na lalaki na may maayos na porma. Tindig pa lang nito ay alam niya nang may sinasabi ito sa buhay.

“Kayo po siguro ang bagong may-ari ng bahay namin. Magandang umaga po,” pilit ang ngiting bati niya sa lalaki.

Umiling ang lalaki bago inabot sa kaniya ang isang papel. Nang tingnan niya ay nagtaka siya nang makita ang titulo ng lupa na naibigay niya na sa nakausap niyang ahente ng bahay.

“Bakit niyo po ibinabalik sa akin ‘to?” takang takang tanong niya sa lalaki.

“Dahil kayo pa rin po ang may-ari nitong bahay. Binili ko po para sa inyo.”

Napamulagat siya habang nakatitig sa lalaki. Nang ngumiti ito sa kauna-unahang pagkakataon ay noon niya napagtanto kung sino ang lalaking kaharap. Kaya pala pamilyar ito sa kaniya!

“Buboy?” namimilog ang matang bulalas niya.

“Ako nga po, Aling Rosa! Isa na po akong engineer ngayon!” pagbabalita nito.

Hindi siya makapaniwala! Ang dating payating binatilyo na kapitbahay nila ay isa nang makisig na inhinyero!

“Wala na ho kayong dapat alalahanin, Aling Rosa. Sa inyo pa rin po ang bahay na ito,” nakangiting wika ng binata.

Abot-abot ang pasasalamat niya sa binata. Akala niya ay tapos na ang surpresa ngunit mas lalong hindi niya inasahan ang sumunod na sinabi nito.

“Ako na rin ho ang magbabayad sa mga ginastos ni Mang Carlos sa ospital.”

Tuluyan na siyang napaluha sa labis na galak at pasasalamat.

“Hindi ba’t sobra-sobra naman yata ito? Paano namin ito mababayaran sa’yo, Buboy?” naiiyak na tanong niya sa kaharap.

Isang ngiti ang pumaskil sa labi nito.

“Matagal niyo na po akong nabayaran. Hindi ng pera, ng bigas, o ng gulay. Ang malasakit niyo lang po sa amin noon ay sapat na. Maraming maraming salamat po, Aling Rosa. Kahit minsan ay hindi ko nakalimutan ang kabaitan niyo sa aming magkakapatid.”

Kay laki ng pasasalamat ni Rosa. Hindi niya inakala na ang kakarampot na tulong na minsan niyang ibinato sa kapitbahay ay babalik sa kanila sa paraang sobra sobra, at sa panahong kailangang kailangan nila!

Advertisement