Inday TrendingInday Trending
Desidido na ang Kabit na Hindi Magpunta sa Lamay ng Kaniyang Iniibig; Isang Pahintulot ang Kaniyang Natanggap Mula sa Pamilya Nito

Desidido na ang Kabit na Hindi Magpunta sa Lamay ng Kaniyang Iniibig; Isang Pahintulot ang Kaniyang Natanggap Mula sa Pamilya Nito

“Ang kapal talaga ng mukha mong malandi ka! Maninira ka ng pamilya! Hanggang ngayon pala ay hindi mo pa rin nilalayuan ang asawa ko, hayop ka! Lumabas ka riyan sa bahay mo at harapin mo ako, Aileen! Ang kapal ng mukha mong kabit ka!” galit na galit na sinugod ni Tessa ang bahay ng kalaguyo ng kaniyang asawang si Danny.

Nagkukumpulan na ang halos lahat ng kapitbahay ni Aileen sa labas at laman na siya ng mga usapan dahil sa ginawang pagsugod na ito ni Tessa sa kaniya. Sa loob kasi ng limang taong pagsasama nila Tessa at Danny ay ilang beses na rin niyang nahuli ang mister at ang kabit nito na nagpapalitan ng matatamis na mga mensahe. Ang pinakamasakit pa kasi dito ay kaibigang matalik ni Tessa noon itong si Aileen.

Habang nagsisigaw si Tessa sa labas ng bahay ay pilit na tinatapangan ni Aileen ang kaniyang sarili upang tuluyang harapin ang asawa ng kaniyang karelasyon.

“Tessa, pumasok ka muna sa bahay at saka tayo mag-usap,” pakiusap ni Aileen kay Tessa.

“Ang kapal din ng mukha mong kausapin ako nang ganyan, Aileen! Sinisira mo ang pamilya ko! Layuan mo na ang asawa ko!” bulyaw pa ng ginang.

“Kayong lahat! Itago niyo ang mga asawa n’yo at baka madagit pa ng malanding ito. Hindi n’yo alam baka mamaya ay inaahas na rin kayo ng mas makati pa sa higad na babaeng ito!” muling sigaw naman ni Tessa sa mga kapitbahay ni Aileen.

Hiyang-hiya na pumasok si Aileen sa loob ng kaniyang bahay. Hindi niya maiwasan na maluha sa lahat ng pinagsasasabi sa kaniya ng dating kaibigan.

Nang malaman naman ng kumareng si Katya ang nangyari kay Aileen ay agad itong nagtungo sa bahay nito upang damayan.

“Mare, hindi pa ba sapat ang kahihiyan na ito para lang lumayo ka na kay Danny? Baka sa susunod ay hindi lang ito ang abutin mo,” saad ni Katya sa kaibigan.

“Alam mo kung ilang beses ko nang nais na lumayo kay Danny. Pero hindi ko rin naman mapigilan ang sarili ko sa tuwing nagmamakaawa siya sa akin. Alam mong sa buhay ko ay siya lang ang minahal ko, Katya,” tugon naman ng ginang.

“Kahit na, Aileen. Mali pa rin ang ginagawa n’yo ni Danny. Kung mahal ka talaga niya ay hihiwalayan niya ang asawa niya para sumama sa’yo. Pero tingnan mo? Hanggang ngayon ay kabit ka pa rin,” wika muli ni Katya.

Masasakit man ang mga salita na binitiwan ng kaniyang kaibigan ay batid ni Aileen na tama ang sinasabi nito. Ngunit dahil sa pagmamahal ay hindi magawang bitawan ni Aileen ang kaniyang relasyon kay Danny.

Hanggang sa umabot na nga ng dalawampu’t isang taon ang kanilang bawal na pag-iibigan. Tumanda na si Aileen nang hindi nagkaroon ng sariling pamilya at kaakibat na rin nito ang masasakit na sinasabi sa kaniya ng mga tao.

At sa loob ng mahabang taon na iyon ay patago pa rin ang pagkikita nila ni Danny.

Dahil nga nagkakaedad na ay hindi maiwasan ng dalawa na mag-usap tungkol sa kanilang relasyon.

“Bakit nakatitig ka lang sa akin? May dumi ba ako sa mukha?” nakangiting tanong ni Aileen kay Danny.

“Wala naman. Bigla ko lang napansin na unti-unti na rin palang tumatanda ang mukha mo. Matagal na tayong magkarelasyon pero parang tulad pa rin ng unang beses tayong magkita ang pagmamahal ko sa’yo,” tugon naman ng ginoo.

“Naisip ko lang, Aileen, paano kaya kung mam@tay na ako? Lahat naman tayo ay doon ang kahahantungan. Pupunta ka ba sa burol ko?” tanong naman ni Danny kay Aileen.

“Ano ba naman ‘yang mga tanong mo? Matagal pang mangyayari ang bagay na ‘yan! Saka isa pa, huwag kang magsalita nang ganyan!” sambit naman ni Aileen.

“Tulad nga ng sinabi ko, lahat naman ay doon ang hantungan. Nais ko lang malaman kung pupunta ka ba sa lamay ko at iiyak ka habang nasa tapat ng aking kabaong?” tanong muli ni Danny.

“Iiyak lang ako pero hindi ako makakapunta, Danny. Alam mo naman ang sitwasyon natin at isa pa, tingin mo ba ay papayagan ako ng misis mo at ng mga anak mo na lumapit man lang sa burol mo? Dadalawin na lang kita sa iyong libingan. Araw-araw kitang dadalawin sapagkat alam kong doon lang tayo magiging malaya na magkita,” saad naman ni Aileen.

Lumipas ang mga araw at hindi nawala sa isipan ni Aileen ang pag-uusap nilang iyon. Napapadalas din kasi ang pagtatanong ni Danny tungkol sa ganitong bagay. Hanggang sa isang araw ay lubhang nag-aalala si Aileen sa huling mensaheng natanggap niya sa ginoo.

“Bakit parang hindi ka mapakali riyan, Aileen? Ano ba ang nangyayari sa’yo?” tanong ng kumareng si Katya.

“Kanina pa kasi hindi sumasagot si Danny. Ilang araw na niyang dinadaing sa akin na masakit daw ang katawan niya lalo ang batok niya. May binuhat daw kasi siya noong isang araw na mabigat at simula noon ay hindi na mabuti ang pakiramdam niya. Kinukumusta ko ngayon pero hindi pa sumasagot. Hindi naman siya gano’n,” pag-aalala ni Aileen sa karelasyon.

“Huwag kang mag-isip nang masama. Baka mamaya ay natutulog lang. Ang hirap din ng kalagayan mo, Aileen, ano? Nag-aalala ka pero wala kang magawa dahil hindi pwede. Paano mong natitiis sa haba ng panahon na ganiyan ang sitwasyon n’yo ni Danny?” wika naman ng kaibigan.

“Simula noong minahal ko siya ay tinanggap ko na ang lahat ng bagay na kaakibat ng pagmamahal ko sa kaniya. Tinanggap ko nang hindi ako ang prayoridad niya kung hindi ang mga anak niya. Isa pa, ako lang naman ang nakikihati kaya alam ko dapat kung saan ako lulugar. Labis ko siyang mahal kaya kaya kong magtiis,” tugon naman ni Aileen.

Buong araw na naghintay si Aileen sa tawag o mensahe man lamang ni Danny ngunit wala kahit isa. Hanggang sa bigla na lamang tumunog ang telepono niya nang madaling araw.

Masaya siyang nakita ang pangalan ni Danny na tumatawag. Pagsagot niya ng telepono ay isang boses ng babae ang kaniyang narinig. Boses ito ng tunay na asawang si Tessa.

“Wala na si Danny, Aileen. Wala na tayong pag-aagawan pa. Naubusan ng hangin ang kaniyang utak dahilan para siya ay maparalisa at tuluyang sumakabilang buhay. Mabilis ang pangyayari. Hindi ko rin ito inaasahan,” bungad agad ng ginang.

Nanlambot ang mga tuhod ni Aileen sa mga sinabi ni Tessa. Pilit niyang hinihiling na isa lamang itong masamang panaginip.

“Hindi ako tumawag para makipag-away sa’yo. Nais ko lang sabihin na malaya kang makakapunta sa burol ni Danny dahil ito ang kaniyang huling kahilingan. Sa tagal ng inyong relasyon ay napatunayan ko na ikaw talaga ang mahal niya. Hanggang sa huling hininga niya ay ikaw pa rin ang mahal niya. Nais ko ring humingi ng tawad sa iyo. Ako ang sumira ng pagkakaibigan natin dahil sa pang-aagaw na ginawa ko kay Danny sa’yo. Dapat noon pa lang ay hinayaan ko na siya sa’yo nang sa gayon ay naging malaya kayong maging maligaya. Pero naging madamot ako. Naging makasarili ako. Tinakot ko siya na kakasuhan kita at hindi ako titigil hanggang hindi ka makukulong kaya hindi niya nilisan ang pamilya namin,” paliwanag pa ni Tessa.

Hindi alam ni Aileen ang kaniyang sasabihin dahil pinipilit pa rin niyang iproseso sa kaniyang utak ang lahat ng pangyayari. Hindi siya makapaniwala na sa ganitong paraan lang magwawakas ang matagal na nilang relasyon ni Danny.

Upang bigyan ng respeto ang pamilya ni Tessa at maiwas ito sa kahihiyan ay dumalaw na lamang si Aileen sa burol ni Danny isang madaling araw na walang ibang tao. Dahan-dahan siyang lumapit sa kabaong at marahan niyang tinitigan ang mukha ni Danny. Hindi na naiwasan pa ni Aileen ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.

“Narito na ako, mahal. Hindi man tuluyang malaya pero narito ako. Napakasakit ng pagkawala mo, mahal. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang bukas nang wala ka,” pagtangis ni Aileen.

Sa puntong iyon ay naluha na rin si Tessa. Huli man ay hinayaan na lamang ng ginang na makasama ni Danny si Aileen sa huling mga sandali.

“Malaya ka nang mamahalin ni Danny sa kabilang buhay. Ikaw ang tunay na nagpapasaya sa kaniya. Tanggap ko na na ikaw ang tunay niyang mahal,” saad ni Tessa sa ginang.

Hindi na nakipaglibing pa itong si Aileen bilang respeto muli sa pamilya ni Tessa. Ngunit tinupad niya ang kaniyang pangako kay Danny na araw-araw niya itong dadalawin sa puntod nito.

“Hanggang sa muli nating pagkikita, Danny. Nawa’y sa kabilang buhay ay maging malaya na tayong mahalin ang isa’t isa,” bulong ni Aileen sa puntod ng ginoo.

Advertisement