Nakapagdesisyon na ang Batang Ate na Dalhin na Lamang ang Kapatid sa Bahay-Ampunan; Sa Huli’y Isang Panalangin Niya ang Diringgin ng Maykapal
“Lenlen, kumapit ka lang sa ate. Pilitin mong huwag bumitiw at malapit na tayo sa palengke. Kaunting lakad na lang at maibaba na kita,” saad ng labing isang taong gulang na si Jessa sa kaniyang apat na taong kapatid.
“Ate, gusto ko na ng dede. Nagugutom na ako,” tugon naman ng bata.
“Sandali na lang, Lenlen. Pangako ko sa’yo pagdating natin ng palengke ay makakadede ka na rin,” sambit muli ng nakatatandang kapatid.
Hindi alintana ng payat na pangangatawan ni Jessa ang pagbubuhat sa kaniyang kapatid na si Lenlen. Kahit na malayo ang kaniyang lalakarin mula sa kanilang barung-barong sa tabi ng kalsada papuntang palengke ay matiyaga niyang binibitbit ang kaniyang kapatid. Wala na kasi silang mga magulang dahil nasawi mula sa isang karamdaman ang kanilang ina samantalang ang kanilang ama naman ay napabalitang matagal nang nakakulong sa piitan.
Dahil dito ay si Jessa na ang tumayong magulang para sa nakababatang kapatid na si Lenlen.
Pagdating sa palengke ay isang malakas na sigaw ang bumungad kay Jessa mula sa amo niyang si Aling Sylvia.
“Kanina pa kita hinihintay dito, Jessa! Aba’y anong oras na at ngayon ka lang. Ibaba mo na ‘yang kapatid mo at tulungan mo na akong magkaliskis ng mga isda! Naturingang may katu-katulong ka pero pabigat din pala!” inis na wika ng ginang.
“Pasensiya na po kayo, Aling Sylvia. Iaayos ko lang po itong si Lenlen tapos po ay agad na po akong magtatrabaho,” paghingi ng paumanhin ng bata.
Agad na nagmadali si Jessa na iupo sa gilid ang kaniyang kapatid at nang masigurado na niya na maaayos ito ay saka siya tumulong kay Aling Sylvia sa pagtitinda ng isda.
“Kapag palagi kang darating ng ganitong oras ay mapipilitan akong tanggalin ka, Jessa. Hindi naman malaki rin ang kinikita ko sa pagtitinda ng isda. Nakiusap ka lang sa akin na tulungan kita kaya pumayag akong magtrabaho ka sa akin. Pero huwag ka namang maging pabigat!” wika muli ng ginang.
“Bakit kasi hindi mo na lang iwan ang kapatid mo sa bahay o sa kapitbahay n’yo nang sa gayon ay makakilos ka nang maayos?” dagdag pa ni Aling Sylvia.
Hindi na lamang umimik itong si Jessa. Kabisado na kasi niya si Aling Sylvia na iginigiit nito ang kaniyang gusto. Tumango na lamang siya at saka nagpatuloy sa kaniyang pagtatrabaho.
Nang maubos ang kanilang paninda ay inabot ni Aling Sally ang pitumpung pisong sahod ni Jessa.
“Pasensiya na kayo ulit, Aling Sylvia. Sisikapin ko po na hindi na maulit ang nangyaring ito,” muling paghingi ng paumanhin ni Jessa.
“Alam mo sa totoo lang nahihirapan ako sa sitwasyon n’yong magkapatid. Bakit kasi hindi mo na lang ipaampon iyang si Lenlen? Bata ka pa at hindi mo dapat kinakargo ang responsibilidad sa kaniya. Ibigay mo siya sa bahay-ampunan nang sa gayon ay may pamilyang kumupkop sa kaniya at maging maayos ang kaniyang buhay,” suwestiyon ng ginang.
“Hindi ko po kayang mawalay sa kapatid ko, Aling Sylvia. Siya na lang po kasi ang pamilya na mayroon ako at ganun din naman po siya. Ako na lang po ang mayroon si Lenlen. Titiisin ko po ang hirap basta hindi po kami maghiwalay,” tugon naman ng bata.
“Hindi kayo mapapakain ng kapatid mo ng emosyon mong iyan, Jessa. Paano na lang kung magkasakit ka o kaya si Lenlen? Paano kayong dalawa? Kaya kung ako sa iyo ay ipaampon mo na siya. Hindi kaya ng isang batang kagaya mo ang responsibilidad na maging isang magulang,” dagdag pa ng ginang.
Kahit ano ang sabihin ni Aling Sylvia ay hindi man lamang niya nakitaan si Jessa na pinanghihinaan ng loob. Sa isang banda ay naaawa rin siya kay Jessa dahil dapat ay naglalaro ito ngunit kailangan niyang magtrabaho sa murang edad upang mabuhay lamang ang sarili at kapatid.
Hanggang isang araw ay humahangos si Jessa na nagtungo sa bahay ni Aling Sylvia. Umuulan ng gabing iyon ngunit mababanaag mo sa mukha ni Jessa ang pag-aalala at umaagos na luha mula sa mga mata nito.
“Pasensiya na po kayo, Aling Sylvia, pero wala na po kasi akong matakbuhan. May sakit po si Lenlen. Inaapoy po siya ng lagnat at hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko. Tulungan n’yo po ako, Aling Sylvia. Parang awa n’yo na po. Kahit habang buhay po akong magsilbi sa inyo!” pagtangis ng bata.
Agad na pinuntahan ni Aling Sylvia ang kinaroroonan ng kapatid ni Jessa. Naaawa siya nang makita ang pinagtagpi-tagping tolda at mga karton na ginawa lamang ni Jessa para lamang may matuluyan silang magkapatid.
“Hindi bagay ang mga batang kagaya niyo dito sa lansangan. Magpunas kaang sarili mo, Jessa, at magpalit ka na ng damit. Dadalhin natin sa ospital itong si Lenlen,” saad ni Aling Sylvia.
Dali-dali nilang isinugod sa ospital si Lenlen. Walang patid naman ang pag-iyak ni Jessa nang makita ang kaaawa-awang kalagayan ng kaniyang kapatid.
Nilapitan niya si Aling Sylvia upang kausapin.
“Payag na po ako sa sinasabi n’yo, Aling Sylvia. Kaysa po may mangyaring masama kay Lenlen dahil hindi ko po siya maalagaan ay dadalhin ko na lang po siya sa bahay-ampunan. Tulungan n’yo po ako nang sa gayon ay masigurado ko pong magiging maayos ang kalagayan n’ya doon,” halos hindi na maintindihan ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Jessa dahil sa labis na pag-iyak.
“Hindi ko po kaya na magkahiwalay kami ni Lenlen pero titiisin ko po dahil mahal ko po ang kapatid ko. Sana lang isang araw ay hindi siya magalit sa gagawin kong ito. Sana magtagpo pa rin ang mga landas namin at tanggapin pa rin niya ako bilang kapatid,” ngumangawang sambit pa ni Jessa.
Dahil sa pagkahabag ay niyakap na lamang ni Aling Sylvia itong si Jessa.
“Hayaan mo at mauunawaan ka niya, Jessa. Gagawin mo lang naman ito dahil alam mong ito ang tama at makakabuti para sa kaniya,” tugon naman ng ginang.
Ilang araw ding nanatili sa ospital si Lenlen upang magpalakas. Hanggang sa tuluyan na itong gumaling.
Magkahalong tuwa at lungkot naman ang nararamdaman ni Jessa. Masaya siya dahil wala ng sakit ang kaniyang kapatid ngunit nalulungkot din siya dahil ito na ang hudyat ng napipinto nilang paghihiwalay.
“Sana ay maintindihan mo ako sa gagawin kong ito, Lenlen. Lahat ng gagawin ko ay para sa ikakabuti mo,” pabulong na sambit ni Jessa habang pinipigilan niya ang kaniyang pagluha.
Nang makita niya si Aling Sylvia ay napayuko na lamang siya.
“Handa ka na ba, Jessa?” tanong ng ginang.
“Kahit kailan po ay hindi ako magiging handa, Aling Sylvia. Pero kakayanin ko po ito. Magsisikap po ako sa buhay nang sa gayon ay mabawi ko ang kapatid ko,” tugon naman ni Jessa.
Napangiti na lamang si Aling Sylvia sa tinuran ng bata.
“Jessa, hindi na kayo kailangan pang maghiwalay ng kapatid mo. Simula ngayon ay ako na ang aampon sa inyo. Doon na kayo sa bahay namin titira at ako na ang inyong magiging bagong ina. Pagtutulungan natin ang lahat para nang sa gayon ay magkaroon kayo ng maayos na pamumuhay,” pahayag ni Aling Sylvia.
Bumuhos bigla ang mga pinipigilang luha ni Jessa sa sinabing ito ni Aling Sylvia.
“Totoo po ba ‘to, Aling Sylvia? Tunay po bang hindi na namin kailangan pang maghiwalay ni Lenlen? Kahit po maging kasambahay n’yo ako ay ayos lang po sa akin basta hindi kami maghiwalay ng kapatid ko!” patuloy sa pagtangis ang bata.
“Hindi mo kailangang gawin ‘yun, Jessa. Ako na ang bahala sa inyong magkapatid. Simple man ang buhay na maibibigay ko ay titiyakin ko namang masasaayos ko ang buhay n’yo. Mabuti kang bata at mapagmalasakit ka sa iyong kapatid. Hinahangaan kita kaya nagdesisyon ako na ako na lang ang aampon sa inyo. Hindi man ako mayaman pero iaalis ko kayo sa lansangan,” wika pa ni Aling Sylvia.
Niyakap ni Jessa si Aling Sylvia dahil sa labis na kaligayahan. Iniuwi na ng ginang ang magkapatid sa kaniyang bahay. Simula noon ay namuhay sila bilang isang pamilya.
Tinuring ni Aling Sylvia ang mga bata bilang tunay niyang mga anak. Pinag-aral niya ang mga ito at pinagsikapan na mabigyan ng magandang buhay.
Bilang ganti naman ay nagpakabuti at nagsumikap din sina Jessa at Lenlen.
Walang hanggan ang pasasalamat ni Jessa sa Panginoon dahil binigyan silang magkapatid ng bagong liwanag sa buhay sa pamamagitan ni Aling Sylvia.