Inday TrendingInday Trending
Walang Kumpansya ang Biyenan sa Kaniyang Manugang na OFW; Hindi Niya Akalaing Isang Araw ay Magbabago ang Buhay Nito

Walang Kumpansya ang Biyenan sa Kaniyang Manugang na OFW; Hindi Niya Akalaing Isang Araw ay Magbabago ang Buhay Nito

“Ma, ano po itong sinasabi ni Luis na tinitipid n’yo raw sila sa pagkain? Hindi po ba ay kakapadala ko lang noong isang linggo? Bakit wala na po silang makain?” sunod-sunod na tanong ni Jenny sa kaniyang biyenan habang kausap niya ito sa telepono.

“Aba’y nagsumbong na pala sa iyo itong magaling mong anak! Para sabihin ko lang sa’yo, Jenny, ‘yung sampung libong ipinapadala mo buwan-buwan ay hindi sapat para sa dalawang anak mo gayong nag-aaral pa sila! Anong tingin mo sa akin, may mahika na kaya kong doblehin ang perang ibinibigay mo?” sambit naman ni Aling Sally sa kaniyang manugang.

“Wala naman po akong sinasabi gano’n, ma. Ang sa akin lang po ay hindi n’yo naman po dapat tipirin sa pagkain ang mga bata. Ano po bang nangyari sa pensyon ng asawa ko? Kahit po apat na libo lang iyon ay malaking dagdag na rin po iyon para sa kanila,” saad muli ng ginang.

“Ano ba ang ipinapahiwatig mo, Jenny? Parang sinasabi mo sa akin na ako lamang ang nakikinabang sa lahat ng perang dumarating sa akin ah! E, kung ihahambing nga sa nakukuha ko mula sa mga anak ko ay kakarampot ang ibinibigay mo! Ewan ko nga ba kasi kay Joey bakit ikaw pa ang napiling pakasalan. Kung iba sana’y maayos ang buhay ng mga bata at baka sakaling buhay pa ang anak ko! Kung wala ka nang sasabihin, Jenny, tapusin na natin ang pag-uusap na ito!” galit na galit na sambit muli ni Aling Sally.

Dalawang taon na simula nang namayapa kasi ang asawa ni Jenny na si Joey dahil sa isang aksidente sa pinagtatrabahuhan nito. Upang buhayin naman ang kaniyang mga anak ay napilitang mamasukan bilang isang domestic helper itong si Jenny sa ibang bansa.

Noon pa man ay tutol na tutol na si Aling Sally kay Jenny para sa kaniyang anak. Bukod tangi kasi si Jenny na walang pinag-aralan sa mga naging manugang ni Aling Sally kaya’t ikinahihiya niya ito. Idagdag pa riyan ang sinapit ni Joey.

“O, ‘nay, bakit po parang may kaaway kayo? Ano po ba ang nangyari?” tanong ng manugang na si Rita kay Aling Sally.

“Kapal ng mukha kasi ni Jenny. Tumawag dito sa akin at pinapakwenta lahat ng nagagastos ng mga anak niya. Akala mo kung magbigay ay milyon-milyon!” galit na sambit pa ng matanda.

“Bakit kasi hindi n’yo na lang sabihin sa kaniya na kung wala siyang tiwala sa inyo ay ipaalaga niya sa mga kamag-anak niya ang mga anak niya?! Buhay pa naman ang mga magulang niya, ‘di ba? Bakit pinagsisiksikan niya ang mga iyan dito?” saad pa ng manugang.

“Ewan ko ba diyan kay Jenny! Nasa ibang bansa lang ay akala mo na kung sino. Katulong lang naman siya do’n at napakaliit pa ng sahod. Ni wala nga siyang inaabot na para sa akin kahit man lang pampalubag loob sa pag-aalaga ko sa mga anak niya! Makikita rin niyan at babalikan siya ng karma,” dagdag pa ng biyenan.

Ngunit ang totoo ay matagal nang iminumungkahi ni Jenny kay Aling Sally na ibigay na ang pangangalaga ng mga bata sa kaniyang mga magulang. Itong si Aling Sally ang ayaw magbigay sa mga bata sapagkat kahit paano ay nakikinabang kasi siya sa ipinapadala ng manugang at sa pensyon naman ng kaniyang yumaong anak.

Dahil hindi na rin nakayanan pa ni Jenny ang lahat ng masasakit na sinasabi sa kaniya ng kaniyang biyenan ay naglabas siya ng sama ng loob sa kaniyang inang si Merced.

“Anak, kunin mo na kasi ang mga bata at dito na lang sila. Mas maaalagaan ko ang mga anak mo at mas matatahimik din ang isip mo. Bigyan mo lang kami ng karapatan ng tatay mo at kami na mismo ang kukuha sa mga bata doon sa biyenan mo,” wika naman ni Aling Merced.

Dahil dito ay lumakas ang loob ni Jenny. Tinanggap niya ang alok ng kaniyang ina na sila na ang mag-alaga sa kaniyang mga anak. Labis naman ang galit ni Aling Sally sa naging desisyong ito ng manugang.

“Pinapamukha n’yo sa akin na hindi ko kayang alagaan ang mga apo ko? Kung nagpapadala sana nang maayos ‘yang anak n’yo ay hindi sana magugutom ang mga ‘yan!” galit na sambit ni Aling Sally.

“Kaya nga para hindi na maging problema sa iyo, balae, kukunin na namin ang mga bata at kami na ang mag-aalaga. Sabi rin ni Jenny ay kuhain namin ang ATM card kung saan bumabagsak ang pensyon ng kaniyang asawa para magamit din sa mga pangangailangan ng mga bata,” saad pa ni Aling Merced.

Ngunit mariin ang naging pagtanggi ni Aling Sally sa pagbigay ng pensyon na nakukuha mula sa yumaong anak. Hindi na nakipagtalo pa si Aling Merced. Iniwan na niya ang ATM card at hinayaan na si Aling Sally sa gusto nito.

“Mapapanatag na ang isip mo, anak. Narito na ang mga bata. Huwag mo nang isipin ang lahat ng sinasabi ng pamilya nila dahil kami na ang bahala sa mga anak mo. Magtrabaho ka na nang matiwasay r’yan, anak, at huwag mo na kaming alalahanin,” saad pa ni Aling Merced sa anak.

Sa sandaling pagkakataon ay natahimik ang buhay ni Jenny mula sa mga isyu galing sa pamilya ng kaniyang asawa. Ngunit ilang araw pa lang ang nakakalipas ay may nakakarating sa kaniyang balita. Ang masakit pa dito ay galing pa ito mismo sa bibig ng kaniyang biyenan.

“Mare, kalat na nga dito na ginagamit mo raw ang katawan mo d’yan sa ibang bansa para kumita ka ng pera. Saka ginigipit mo raw ang padala kay Aling Sally kaya siya na mismo ang nagpakuha sa mga anak mo. Pinagmumukha niyang kawawa ang sarili niya pati ang mga anak mo dahil wala ka raw pakialam sa mga bata,” kwento ng kumareng si Ditas.

“Pabayaan mo na siya, Ditas. Kahit ano pang gusto niyang sabihin ay wala na akong pakialam. Alam ko at ng pamilya ko ang katotohanan,” tugon na lamang ni Jenny.

Hindi natapos ang mga intrigang ibinabato kay Jenny mula sa kaniyang biyenan.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Aling Sally na tuluyan na ngang uuwi ng Pilipinas itong si Jenny.

“Talagang may sa malas ‘yang babaeng iyan! Tingnan mo at ang inaalagaan niyang matanda ay nasawi rin! Kung hindi ko lang alam na may sakit ang matandang banyagang iyon ay iisipin ko na may kinalaman si Jenny sa pagkasawi no’n! Ganoon kasama ang ugali ng babaeng iyon. Tingnan n’yo nga at pinabayaan na lamang sa akin ang mga anak niya. Mabuti na lang at hindi ako nagpalamang at pinasundo ko sa mga magulang niya ang mga anak niya!” tsismis ni Aling Sally sa kaniyang mga kumare.

“Talagang walang maaabot sa buhay iyang si Jenny dahil walang pinag-aralan. Sinayang lang ng anak ko ang buhay niya diyan sa babaeng iyan! O ‘di ngayon ay nakuha niya ang karma niya at nawalan siya ng trabaho!” dagdag pa ng ginang.

Tuluyang nakabalik na si Jenny sa Pilipinas at nagdesisyon na hindi na siya babalik pa sa pagtatrabaho sa ibang bansa para makasama rin ang kaniyang mga anak.

Nang malaman ni Aling Sally na nasa bahay na nila si Jenny ay sinadya pa niya ito upang harapin at ipamukha ang ginawang desisyon nito na ipakuha ang mga anak.

“Nakarma ka tuloy dahil akala mo ay habambuhay kang may trabaho. Hindi pa kasi malaki ang sahod mo ay ubod ka na ng yabang. Akala mo ay pinagdadamutan ang mga anak mo kaya ayan ang napala mo,” saad ni Aling Sally sa manugang.

“Talagang nagpunta pa kayo dito para pagsalitaan lang ako? Ayos lang po na nawalan ako ng trabaho. Magandang pagkakataon po ito para mapunan ko ang mga taon na wala ako sa piling ng mga anak ko. Masisigurado ko na nasa maayos silang kalagayan. Saka alam ko po na hindi n’yo ibinigay para sa mga anak ko ang pensyon ng ama nila. Ayos lang po, sa inyo na lang po iyon dahil kaya ko pong buhayin ang mga anak ko kahit na magkasambahay ako ulit kaysa lumapit sa inyo. Hindi ko alam kung paano n’yo naaatim na tikisin ang mga apo n’yo gayong may ipinapadala naman akong pera para sa kanila,” pahayag naman ni Jenny.

“Tingnan natin kung saan kayo pupulutin ng mga anak mo. Lalo na ang nanay nila ay isang kagaya mong wala namang pinag-aralan! Ayos lang na nasa inyo na ang mga bata para wala na rin akong koneksyon sa iyo kahit na alam kong wala namang magandang bukas na naghihintay para sa kaniya kung sa piling mo lang!” wika naman ni Aling Sally.

Nagpatuloy ang masasakit na salita ni Aling Sally laban kay Jenny at sa pamilya nito. Pilit na nagpapakatatag si Jenny kahit na sa puntong iyon ay hindi niya alam kung paano na bubuhayin ang kaniyang mga anak.

Hanggang sa isang araw ay nakatanggap na lamang ng magandang balita itong si Jenny. Hinahanap daw siya ng mga kamag-anak ng matandang amo sapagkat may iniwan daw itong pamana sa ginang.

Hindi makapaniwala si Jenny sa balitang kaniyang natanggap. Lalo niyang ikinagulat nang malaman niyang bukod sa sampung milyong piso ay pinamanahan pa siya nito ng ilang ari-arian!

“Sabi ng mga anak ng amo ko ay tanggapin ko raw ang lahat ng iyon bilang pasasalamat sa pag-aalaga ko sa kanilang ama. Hindi ko talaga akalain na sasagutin agad ng Diyos ang mga panalangin ko! Makakaasa sila na gagamitin ko ang pamana sa akin sa tama upang maiayos ko ang buhay ng mga anak ko,” saad ni Jenny sa kaniyang ina.

Hindi nagtagal ay natanggap na ni Jenny ang ipinamana sa kaniya ng dating amo. Sa isang iglap ay bigla na lamang nagbago ang buhay ng mag-iina.

Simula noon ay hindi na naging problema pa ni Jenny ang pagbibigay ng magandang kinabukasan para sa kaniyang mga anak. Ginamit niya ang kaniyang nakuhang pera para makapagpatayo ng kanilang sariling bahay at mga apartment na ginawa niyang negosyo.

Sa kabilang banda naman ay natameme na lamang si Aling Sally habang pinapanood niya ang pag-asenso ng kaniyang manugang. Hindi niya akalain kasi na ang manugang na kaniyang minamata at minamaliit ay tinitingala na dahil maganda na ang buhay nito.

Advertisement