Inday TrendingInday Trending
Malas ang Tingin ng mga Kamag-Anak sa Ulilang Dalaga; Matatameme Sila sa Swerteng Mangyayari sa Buhay Nito

Malas ang Tingin ng mga Kamag-Anak sa Ulilang Dalaga; Matatameme Sila sa Swerteng Mangyayari sa Buhay Nito

“Ang galing mo talaga, Elaine! Hanga talaga ako sa’yo kasi mantakin mo halos hinakot mo ang lahat ng parangal. Ang dami mong mga medalya. Siguro kung ako ang nagkaroon kahit isa man lang niyan ay matutuwa rin sa akin si lola,” saad ni Blessy sa kaniyang pinsan.

“Kung ginalingan mo rin sana sa pag-aaral ay baka nakakuha ka ng parangal. Kaso kahit ano naman ang gawin mo ay hindi mo pa rin ako matatalo. O siya, aalis na ako at pupunta pa ako sa mga kaibigan ko. Ang sabi nila lolo at lola ay may hinanda raw silang salu-salo para sa akin kaya iimbitahan ko ang mga kaklase natin,” pagtataray naman ni Elaine sa kaniyang pinsan.

Basta na lamang tinalikuran ni Elaine ang napahiyang pinsan at saka nagtungo sa kaniyang mga kaibigan.

Bata pa lamang ang dalawa ay palagi na silang kinukumpara sa isa’t isa. Palaging ipinagmamalaki ng kanilang mga kamag-anak itong si Elaine dahil nga sa angking talino nito. Samantala, kahit kailan naman ay hindi nakakuha ng kahit anong parangal itong si Blessy ngunit hindi naman din siya bumabagsak sa klase.

Palaki parehas ng lola ang magpinsan. Isang domestic helper kasi ang nanay ni Elaine sa ibang bansa at nagtatrabaho naman sa Maynila ang kaniyang ama. Samantalang si Blessy naman ay naulila na sa ama at ang kaniyang ina naman ay sumama sa ibang lalaki.

Hindi maiwasan ang mga pangungutya sa sitwasyon ni Blessy. Madalas kasi ay sinusumbat ng mga kamag-anak sa kaniya ang lahat ng nangyari sa kaniyang buhay.

Pag-uwi ay nakaramdam ng kaunting inggit si Blessy dahil sa salu-salong inihanda ng kaniyang lola para kay Elaine. Nagtapos din naman siya ng high school nang araw na ‘yon pero wala man lamang handa o regalo para sa kaniya. Ni hindi nga siya nakarinig ng pagbati mula sa kaniyang mga kamag-anak.

Pagkakita sa kaniya ng kaniyang Lola Sabel ay agad siya nitong inutusan.

“Blessy, ano pa ang tinutunganga mo riyan? Magpalit ka na ng damit at tulungan mo ako rito. Mamaya ay dadating na ang mga bisita ng pinsan mo. Baka may kasama pa siyang mga guro kaya maghanda na tayo!” utos ng matanda.

Agad na sumunod naman si Blessy sa pinag-uutos ng kaniyang Lola Sabel.

Ilang sandali pa ay nagdatingan na nga ang mga bisita.

Taas noo naman si Elaine habang winawasiwas ang mga nakuhang medalya at mga sertipiko.

Habang masayang nagkakainan ang lahat ay kaliwa’t kanan naman ang pag-uutos nila kay Blessy.

“Blessy, binigyan mo ng pagkain ‘yung guro n’yo pero hindi ka naman nag-abot ng maiinom! Anong klaseng utak ang mayroon ka? Lumabas ka roon at bigyan mo siya ng maiinom!” sambit ni Lola Sabel sa dalaga.

Habang inaabot ni Blessy ang inumin sa kanilang guro ay narinig niya si Elaine at mga kaibigan nito na masayang nag-uusap.

“Para ngang hindi ko pinsan ‘yang si Blessy. Siguro ay ampon lang iyan. Mantakin mo sa aming magpipinsan ay siya lang ang bukod tanging nagtapos ng elementarya o hayskul nang wala man lamang natanggap na medalya! Tapos siya lang din ang wala nang magulang sa amin. Naturingan na Blessy ang pangalan pero sobrang malas naman!” natatawang pahayag ni Elaine.

Napayuko na lamang si Blessy nang marinig niya ang malakas na tawanan ng magkakaibigan.

Buong buhay ni Blessy ay tiniis niya ang lahat ng pangungutya at masamang turing sa kaniya ng kaniyang mga kamag-anak. Minsan ay hindi niya maiwasan na maisip kung ano kaya ang sitwasyon kung mayroon pa siyang mga magulang.

Dahil sa kakapusan din ng pamilya ay hindi na nagawa pang makapag-aral ng kolehiyo nitong si Blessy. Nakikiusap siya sa kaniyang mga tito at tita na tulungan siyang pag-aralin ngunit tumanggi ang mga ito.

“Magtrabaho ka na lang nang makatulong ka naman sa Lola Sabel mo. Aba’y napakatagal mo na ring naging pasanin sa amin,” sambit ng nanay ni Elaine.

Upang hindi maging pabigat ay napilitan na lamang magtrabaho itong si Blessy bilang isang kahera sa isang convenience store habang si Elaine naman ay nag-aaral ng kursong Business Management sa kolehiyo.

Isang araw, kakauwi lamang ni Blessy galing sa trabaho ay nadatnan niya si Elaine at ilang mga kabarkada nito na dati rin niyang mga kaklase. Nagulat ang lahat nang malamang huminto na pala sa pag-aaral itong si Blessy at nagtrabaho na lang.

“Hindi naman talaga bagay kay Blessy ang mag-aral. Noon pa man, ‘di ba, mahina na ang utak niyan? Masasayang lang ang pera nila Lola Sabel at mama sa kaniya kapag pinag-aral pa ‘yan! Ang malas-malas kasi niyang babaeng ‘yan. Nasawi na ang tito ko ay iniwan pa ng malanding nanay niya. ‘Yan tuloy at walang magulang na umaasikaso sa kaniya! Ang malas talaga!” tumatawang pangungutya naman ni Elaine.

Muli ay napahiya ang dalaga. Lalo pang ikinasama ng loob ni Blessy ang pagdawit ni Elaine sa kaniyang mga magulang. Dahil sa lahat ng ito, sa unang pagkakataon ay lumaban na si Blessy kay Elaine. Kinompronta niya ang pinsan at pilit na pinapabawi ang mga sinabi nito.

“Totoo naman ang lahat ng sinabi ko, Blessy! Ikaw ang malas dito sa pamilya natin! Saka malandi naman talaga ang nanay mo! Baka nga hindi mo napapansin ay magkaugali kayo!” sigaw ni Elaine sa dalaga.

Nang hindi na makatiis si Blessy ay hinablot niya ang buhok ni Elaine at doon ay nilabanan niya na ito. Nang makita naman ni Lola Sabel ang pag-aaway ay inawat niya agad ang dalawang dalaga.

“Siya po ang nauna, Lola Sabel. Nagkukwentuhan lang po kami ng mga kaibigan ko tapos ay bigla niya po kaming sinugod. Akala po ata ay siya ang pinag-uusapan namin. Ganyan talaga po iyang si Blessy kapag hindi kayo nakatingin. Malaki kasi ang inggit niya sa akin dahil pinag-aaral po ako at siya ay hindi,” pagsisinungaling ni Elaine.

Sinegundahan naman ng mga kaibigan ang naging pahayag ng dalaga.

Pilit mang magpaliwanag ni Blessy ay hindi siya pinakinggan ng kaniyang lola. Lubos ang galit ng matanda sa dahil sa nangyari sa kaniyang paboritong apo.

“Lumayas ka dito, Blessy! Tutal kaya mo naman na ang sarili mo. Wala nang dahilan pa para manatili ka dito sa bahay! Lumayas ka na at ayaw ko nang makita pa ang pagmumukha mo. Wala na kaming pakialam sa iyo kung ano man ang mangyari sa buhay mo!” bulyaw ni Lola Sabel.

Labis na nasaktan si Blessy sa ginawang pagpapalayas sa kaniya ng sarili niyang lola. Kahit na walang mapupuntahan ay umalis nga si Blessy. Mabuti na lamang at mayroon siyang trabaho at nakapag-ipon ng kahit kaunti.

Tumira muna si Blessy sa isang boarding house. Kahit na masikip ang lugar na kaniyang inuupahan ay sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng tunay na kalayaan. Mula noon ay pinagtuunan ni Blessy ang kaniyang sarili.

Lumipas ang mga taon at wala man lamang isang mensahe o pangungumusta ang kaniyang natanggap mula sa kaniyang mga kamag-anak.

Isang araw ay muling nagkrus ang landas ng magpinsan sa convenience store.

“Sabi ko na ay dito pa rin kita matatagpuan. Galing ako sa malaking building diyan sa tapat dahil may kliyente ako doon. Hanggang ngayon pala ay hindi ka pa rin nagbabago, kahera ka pa rin,” pangmamaliit ni Elaine sa kaniyang pinsan.

“Nagkakamali ka, Elaine. Hindi na ako kahera sa lugar na ito. Sa totoo lang ay matagal na akong hindi nagtatrabaho sa lugar na ito. Nang malaman kasi ng asawa ko na pinagbibili na ang lugar na ito’y agad niyang binili. Dito kasi kami nagkakilala kaya mahalaga ito para sa kaniya. ‘Yang malaking building na iyan sa tapat kung saan ka galing ay pamilya ng asawa ko ang nagmamay-ari niyan. Masaya akong makita ka ngayon, pinsan. Aalis na ako dahil marami pa akong kailangang gawin,” sambit pa ni Blessy.

Napanganga na lamang si Elaine sa lahat ng narinig niya kay Blessy. Hindi niya akalain na sa mga taon na wala silang balita sa kaniyang pinsan ay malaki na pala ang pagbabago ng buhay nito. Higit sa lahat ay ubod na pala ito nang yaman.

Agad na ibinalita ni Elaine sa kaniyang mga kamag-anak ang pagtatagpo muli nila ni Blessy. Maging ang mga ito’y nagulat din sa kinahantungan ng dalaga.

Dito na nagsimulang dagsain ng mga mensahe at pangungumusta si Blessy. Nais kasi ng kaniyang mga kamag-anak na madamay rin sila sa swerteng nangyari sa buhay ng dalaga.

Ngunit dahil na rin sa lahat ng ginawang masasakit kay Blessy ng kaniyang sariling pamilya ay natutunan niyang protektahan ang kaniyang sarili. Tuluyan na niyang tinalikuran ang pamilyang umalipusta at nagparamdam sa kaniya na siya ay malas sa buhay.

Advertisement