Inday TrendingInday Trending
Patuloy ang Panloloko ng Mister sa Asawa sa Pag-Aakalang Wala Itong Alam; Lubos na Kahihiyan ang Kaniyang Aabutin sa Paglantad ng Katotohanan

Patuloy ang Panloloko ng Mister sa Asawa sa Pag-Aakalang Wala Itong Alam; Lubos na Kahihiyan ang Kaniyang Aabutin sa Paglantad ng Katotohanan

“Pare, hindi ka ba natatakot na malaman ng asawa mo ang kalokohan mong ito? Ang lakas pa ng loob mo na dalhin ‘yang si Shiela sa outing ng tropa. Baka mamaya ay may isang kumanta sa’yo sa tropa,” saad ni Boyet sa kaibigang si Nelson.

“Tiwala naman ako sa inyo, pare. Saka sa tropa, isa lang naman ang p’wedeng magsumbong sa’kin kay Annie. Walang iba kung hindi si Noel dahil sa tingin ko ay malaki pa rin ang gusto no’n sa asawa ko. Siyempre, gagawin niya ang lahat para lang makuha niya ang loob ni Annie,” tugon naman ni Nelson.

“Kung hindi mo na kasi mahal si Annie ay bakit hindi mo na lang siya palayain? Hindi ‘yung niloloko mo pa siya. Baka mamaya, pare, makarma ka sa ginagawa mo,” saad pa ng kaibigan.

“Wala namang alam si Annie sa lahat ng nangyayaring ito. Ni hindi nga siya nakakatunog. Ang alam niya ay isa akong magiting na mister na palaging abala sa trabaho. Saka mabilis lang paikutin ‘yung babaeng ‘yun! Isa pa, hindi ko pa siya p’wedeng hiwalayan dahil nasa pangalan pa rin ng ama niya ang mga ari-arian na ipapamana sa kaniya. Kapag naisalin na sa kaniya ay may karapatan na rin ako sa mga iyon. Doon ko lang siya hihiwalayan. Gagawa na lang din naman ako ng kalokohan ay sasagarin ko na,” wika pa ni Nelson.

Napapailing na lamang si Boyet dahil nakuha pa ni Nelson na ipagyabang ang mga maling ginagawa.

Sa loob ng limang taong pagiging kasal, ang alam ni Annie ay matino ang kaniyang asawa. Kahit na malakas ang kutob ng kaniyang mga magulang na pera lamang ang habol sa kaniya ay hindi siya naniwala. Ramdam niyang mahal siya ng kaniyang asawa.

“Ilang araw na naman palang wala si Nelson, Annie. Saan ba pumupunta lagi ang asawa mo at lagi kang naiiwan dito sa bahay?” tanong ng ina.

“Marami kasi siyang inaasikaso sa negosyo namin, ma. Saka sanay naman na po ako. Alam ko naman na para sa amin ang ginagawa niya,” saad naman ni Annie.

“Bantayan mo rin iyang asawa mo, Annie. Hindi naman sa pag-iisip nang masama pero baka mamaya ay kung ano na ang ginagawa niyan kapag malayo sa iyo. Kilala mo naman ang mga lalaki,” babala pa ng ina.

“Ma, hanggang ngayon ba ay wala pa rin kayong tiwala kay Nelson? Ilang beses n’ya na pong pinatutunayan na mahal niya ako. Sino bang lalaki ang tatanggap sa isang kagaya ko na hindi man lamang siya mabibigyan ng anak, ‘di ba? Saka huwag n’yong nilalahat ang mga lalaki dahil ang daddy ay hindi rin naman kayo niloko kahit kailan,” wika pa ng anak.

“Annie, hindi dahil tinanggap ni Nelson ang kakulangan mo ay masasabi mo nang mahal ka niya. Hindi ko alam kung bakit pero hindi ko pa rin maibigay ang buong tiwala ko d’yan sa asawa mo. Basta, anak, dapat ay alamin mo ang mga ginagawa ng asawa mo. Ayaw kong bandang huli ay masaktan ka lang,” saad pa ng ina.

Dahil sa bilin na ito ng ina ay nag-isip-isip si Annie. Tinawagan niya ang kaibigan ni Nelson na si Noel upang tanungin kung ano ang tunay na ginagawa ng kaniyang asawa.

“Ikaw ang tinawagan ko dahil alam kong hindi ka makakapagsinungaling sa akin, Noel. Alam mo ba kung ano ang ginagawa ni Nelson? Bukod sa inyo ay sino pa ang kasama niya?” tanong ni Annie sa kaibigan ng asawa.

“Wala ako sa posisyon, Annie, para magsabi sa’yo. Bakit hindi mo na lang tawagan ang asawa mo nang sa bibig n’ya mismo manggaling? Baka kasi kapag nagsalita ako ay masamain ng iba at pagdudahan pa ako. Alam mo namang hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang nandito sa puso ko, Annie,” tugon pa ni Noel.

“Pasensiya ka na, Noel, kung pati ikaw ay nadadamay. Pero ikaw lang kasi ang kaya kong pagkatiwalaan. Sige, kung ayaw mong magsabi ay tatawagan ko na lang si Nelson. Maraming salamat sa iyo at pasensiya ka na ulit,” sambit pa ng ginang.

Pagbaba ng telepono ay agad na tumawag si Annie sa kaniyang mister. Kitang-kita at dinig na dinig ni Noel ang bawat pagsisinungaling ng kaniyang kaibigan. Nais man sana niyang sabihin na kay Annie ang katotohanan ay hindi niya magawa.

Hanggang nang gabing iyon ay may nagpadala kay Annie ng mga kuhang larawan ng mister na si Nelson kasama ang babae nitong si Shiela. Malambing ang dalawa sa isa’t isa at animo’y daig pa silang mag-asawa sa paglalampungan.

Napaluha na lamang si Annie dahil sa sama ng loob. Sa sobrang galit ay nais niyang tawagan ang asawa at saka niya kokomprontahin. Ngunit mas may mainam na paraan siya para gantihan ang asawa.

Nanahimik lamang si Annie hanggang sa makauwi ng bahay ang kaniyang asawa.

“Nakakapagod talaga kapag may mga business meetings. Kailangan naming asikasuhin ang mga kliyente,” bungad ni Nelson sa kaniyang asawa.

Sa isip-isip ni Annie ay nais na niyang pagbuhatan ng kamay ang kaniyang asawa dahil sa panlolokong ginawa nito. Ngunit nagpatuloy ang kaniyang pagpapanggap na wala siyang alam sa mga nangyayari.

Nagpatuloy naman si Nelson sa panlolokong ginagawa niya kay Annie. Hanggang sa hindi na nakayanan pa ng kaibigang si Noel ang pambabae ng kaibigan.

“Hanggang kailan mo balak lokohin si Annie, Nelson? Kung hindi mo kayang mag-alaga ng matinong babae ay mabuti pang hiwalayan mo na lang siya. Hindi ka karapat-dapat sa pagmamahal ni Annie dahil manloloko ka!” saad ni Noel kay Nelson.

“At sino ang karapat-dapat para sa asawa ko? Ikaw? Kahit kailan nga ay hindi ka niya nagustuhan. Bakit kasi hindi mo na lang tanggapin sa sarili mo na kahit ano pa ang gawin ko ay ako ang gusto ni Annie na makasama at hindi ikaw?!” pahayag naman ng ginoo.

“Huwag kang makialam sa relasyon namin ng asawa ko dahil alam mo kung ano ang kaya kong gawin! Kaya kong baligtarin ang lahat at palabasin na sinisiraan mo ako dahil may gusto ka pa rin kay Annie,” saad pa ni Nelson.

“Wala akong pakialam kahit ano pa ang sabihin mo. Pero kapag sinaktan mo si Annie, kahit makulong ako ay ibibigay ko kung ano ang nararapat sa’yo!” tugon naman ni Noel.

Hindi nagpatinag si Nelson sa banta sa kaniya ng kaibigan. Ipinagpatuloy pa rin niya ang pakikiapid niya kay Shiela habang pinapaikot niya sa kaniyang mga kamay ang asawa.

Hanggang sa isang araw, papasok sana ng opisina itong si Nelson nang bigla siyang harangin ng mga gwardiya.

“Ano’ng ibig sabihin nito? Sisisantehin ko kayo!” bulyaw ni Nelson sa mga gwardiya.

“Sinusunod lang po namin ang utos ng may-ari ng kompanyang ito. Hindi na po kayo pwedeng tumapak sa lugar na ito kung hindi ay sa likod ng rehas ka pupulutin,” saad pa ng gwardiya.

“Ako ang may-ari ng kompanyang ito! Ako ang boss! Umalis kayong dalawa sa daraanan ko kung ayaw niyong mawalan ng trabaho!” sigaw pa ng ginoo.

Patuloy sa pagwawala itong si Nelson sa tarangkahan ng kanilang opisina hanggang sa dumating ang asawang si Annie.

“Sabihin mo nga sa mga ito na papasukin ako! Nasisiraan na ata ng ulo ang mga ito at pati ako ay ayaw papasukin! Tatanggalan ko ng trabaho ang mga gwardyang ito!” galit na sambit ni Nelson sa asawa.

“Totoo ang mga sinasabi ng mga guwardiya, Nelson. Wala ka nang karapatan sa negosyong ito dahil ako na ang bagong may-ari nito. Tinanggalan na kita ng karapatan sa lahat ng pagmamay-ari ko. At lahat ng ari-arian mo ay kukunin ko rin bilang danyos sa panlolokong ginawa mo sa akin!” matapang na pahayag ni Annie sa mister.

“Huwag ka nang magkakaila dahil alam na ng buong madla. Ako na nga lang ata ang hindi nakakaalam sa mga kawalang hiyaan mo, Nelson. Alam kong may babae at alam ko na rin ang plano mong iwan ako kapag nakuha ko na ang mga ari-arian ng pamilya ko. Pwes, nagkakamali ka. Kahit isang kusing ay wala kang makukuha mula sa akin at sa pamilya ko!” dagdag pa ng ginang.

“At sino naman ang nagsabi sa’yo ng lahat ng ito? Si Noel? Ginagawa lang niya ito dahil hanggang ngayon ay may gusto pa rin siya sa’yo. Nais lang niyang sirain ang pagsasama natin, Annie! Walang katotohanan ang lahat ng iyan!” paliwanag ni Annie.

Ngunit laking gulat niya nang isang tinig ng lalaki ang sumagot.

“Hindi si Noel ang gumawa kung hindi ako,” saad ni Boyet sa kaibigan.

“Hindi ko na masikmura ang panlolokong ginagawa mo kay Annie. Lalo na nang malaman ko ang plano mo. Mabuting babae si Annie at hindi tama na gawin mo ito sa kaniya. Tama na ang pangloloko mo sa asawa mo, Nelson. Kailangan mo nang harapin ang lahat ng lahat ng gusot na pinasok mo. Saka nagkaisa na rin kami na hindi na namin nais pang makatrabaho ang isang gaya mo. Kung kaya mong lokohin ang asawa mo ay malamang sa malamang na kaya mo ring lokohin kaming mga kaibigan mo,” paliwanag pa ni Boyet.

Galit na galit si Nelson dahil pakiramdam niya ay napagkaisahan siya ng asawa at kaniyang mga kaibigan. Pahiyang pahiya siya sa nangyaring ito sa kaniya. Marami pa naman ang nakasaksi sa pagpapaalis sa kaniya sa opisina.

Dahil wala nang pera si Nelson ay iniwan rin siya ng kaniyang kalaguyong si Shiela.

Samantala, kahit na nasasaktan naman si Annie sa tuluyang paghihiwalay nila ni Nelson ay pilit siyang nagpapakatatag.

“Mas mainam na ito kaysa makasama ko ang isang klase ng taong kagaya niya,” saad ni Annie sa kaniyang ina.

“Hindi pa huli ang lahat upang buksan mong muli ang iyong puso sa taong karapat-dapat ng pagmamahal mo, Annie. Pero bago mo gawin ‘yun ay kailangang mabuo mo muna ang sarili mong muli,” saad pa ng ina.

Pilit na bumangon si Annie mula sa masaklap na sinapit ng kaniyang relasyon sa dating asawa. Sa pagkakataong ito ay binuksan niya ang kaniyang puso sa kaibigang si Noel dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang pagtingin nito sa kaniya.

Tuluyang ikinasal muli si Annie ngunit sa pagkakataong ito ay tunay na siyang naging maligaya sa piling ni Noel.

Habang si Nelson naman ay pinagdudusahan pa rin hanggang ngayon ang kahihiyan sa panlolokong ginawa sa dating asawa.

Advertisement