Pinagmamalupitan ng Babae ang Sariling Ina Dahil Matanda na Ito at Ulyanin pa; Ang Anak Niya ang Magbibigay sa Kaniya ng Matinding Leksyon
“Ang tigas kasi ng ulo niyo! Wala na kayong ibang ginawa kundi ang mamerhuwisyo sa akin!” galit na galit na sigaw ni Gina habang hila-hila sa braso ang inang matanda na nga ay ulyanin pa at uugod-ugod.
“Hindi na ako uulit,” tanging tugon ng inang si Aling Nemia sa namamalat na tono.
“Puro kayo hindi na uulit pero ginagawa niyo pa rin. Nakakasawa na kayo, puro sakit ng ulo ang ibinibigay niyo sa akin!” inis na sagot ng anak.
Maya-maya ay nakita sila ng anak niyang si Lloyd. Hindi nito napigilang magtanong nang mapansing halos kaladkarin na niya ang ina palabas ng bahay.
“Mama, bakit po?”
“Ito kasing hukluban mong lola, gumawa na naman ng kabulastugan, eh!” sagot ni Gina sa anak.
“Umihi at dumumi na naman sa saya niya. Nagkalat pa at naghasik ng baho sa loob ng kuwarto ko. Nakalimutan na naman kasing isuot ang diaper niya! Kakalinis ko lang ng kuwarto kahapon tapos ay binalahura na naman!”
“S-saan niyo po dadalhin si lola?” nag-aalalang tanong ni Lloyd sa ama.
Ngunit hindi kumibo at sumagot si Gina. Mabalasik ang anyo’t nakarehistro ang matinding galit sa sariling ina.
Sinundan ni Lloyd ang ina kung saan nito dadalhin ang kaniyang lola at laking gulat niya nang makita kung ano ang balak ng ina.
Humantong ang mga ito sa isang maliit na kulungan na animo’y kulungan ng aso dinala ni Gina ang ina. Pilit niyang ipinasok sa loob niyon ang ina. Wala namang nagawa si Aling Nemia kundi ang sumunod.
“O, diyan ka! Hindi ka makakalabas diyan hangga’t hindi ka natututo, huklubang matanda!” galit pa ring sambit ni Gina sa kaawa-awang ina.
“Maawa ka sa akin, anak. Hindi na ako uulit, palabasin mo na ako rito. Ayoko rito sa loob!” pagmamakaawa ni Aling Nemia.
Ngunit naging bingi si Gina. Hindi niya pinakinggan ang pakiusap ng ina.
“Magtanda ka riyan!” sambit pa ni Gina at tuluyan nang iniwan sa loob ng kulungan ang ina.
Hindi na napigilan ni Aling Nemia ang maiyak pero impit lang. Sanay na kasi siya sa kalupitan ng anak. Alam niyang ikinahihiya siya nito dahil siya’y matanda na at wala nang silbi. Kahit sa kaunting pagkakamali niya ay agad siya nitong pinagmamalupitan at pinarurusahan.
Buong araw siyang nanatili sa munting kulungang iyon na nilagyan pa ng kandado ni Gina para hindi talaga siya makalabas. Kung tutuusin ay masahol pa sa hayop ang kaniyang kalagayan sa mga oras na iyon na ‘di maaaring makawala.
Kapag binibigyan siya ng pagkain ni Gina ay nakalagay lamang iyon sa maliit na plato at ipinapasok sa loob ng kulungan at doon lamang siya puwedeng kumain. Hindi naman maalis ang kalungkutan sa mukha ng apo niyang si Lloyd habang pinagmamasdan siya sa ganoong kalagayan.
“Lola, ito po ang isang pitsel ng tubig para hindi po kayo mauhaw,” sabi ng bata sabay abot sa matanda.
“Salamat, apo. Hindi mo na sana ginawa ‘yan baka makagalitan ka ng mama mo,” tugon ni Aling Nemia.
“Okay lang po. Ang mahalaga ay hindi po kayo mauhaw at marami kayong maiinom na tubig. Mamaya po ay bibigyan ko naman kayo ng biskwit at tinapay,” tugon ni Lloyd.
“Napakabait mo talaga apo,” tanging sambit ng matanda sa kaniyang apo.
Isang umaga, malalakas na ingay ang gumising kay Gina.
“PP-Parang may nagpupukpok! Saan kaya nanggagaling ‘yun?!” tanong ni Gina sa isip.
Agad siyang bumangon sa pagkakahiga at lumabas ng bahay. Nagulat siya nang makita roon ang anak na si Lloyd.
“Lloyd? A-anong ginagawa mo, anak?” tanong niya.
Napansin din niya na nagkalat ang mga piraso ng kahoy at nakalabas ang mga gamit sa pagkukumpuni.
“Gumagawa po ako ng kulungan, mama. Sinisimulan ko nang gawin ito para maging matibay. Pagdating po kasi ng araw ay may gagamit nito, eh!” sagot ng anak.
“P-para kanino iyan? S-sinong gagamit niyan?” tanong ni Gina.
“Ikaw, mama. Para po sa iyo ang kulungang ito,” tugon ni Lloyd.
Nanlaki ang mga mata ni Gina sa sinabi ng anak.
“Kapag matanda ka nang tulad ni lola. Kapag maputi na ang buhok mo, kapag ulyanin ka na at uugod-ugod na. Kapag naiihi at nadudumi ka rin sa saya mo, mama…”
Natulala si Gina. Ang anak niya, sa edad na sampung taong gulang ay gumagawa ng isang kulungan, kulungang pagtataguan din sa kaniya kapag matanda na siya tulad ng kaniyang ina.
“O, ayaw mo ba, mama? ‘Di ba ganun din ang ginagawa mo kay lola kapag may ginawa siyang mali? ‘Di ba pinapagalitan mo siya? Pinapahiya? Pinaparusahan? At ikinukulong?” muling sambit ni Lloyd sa kaniya.
Tuluyan nang hindi nakakibo si Gina hanggang sa kumawala na lang ang luha sa kaniyang mga mata.
“Lloyd, Lloyd, anak ko… patawarin mo ako…” aniya saka niyakap nang mahigpit ang anak.
“Wala ka naman pong kasalanan sa akin, mama, kay lola ka po dapat humingi ng tawad,” sagot ng bata.
Agad na pinuntahan ng mag-ina ang kulungan ni Aling Nemia. Inalis ang kandado at inilabas doon ang matanda. Niyakap din nang mahigpit ni Gina ang ina.
“Patawarin mo ako, inay, sa aking mga ginawa. Naging malupit ako sa iyo at nawalan ng pasensiya. Hindi ko po kayo dapat pinahirapan, ikinahiya, at ikinulong dahil kayo pa rin ang aking ina at utang ko po sa inyo ang aking buhay,” hagulgol ni Gina.
“Matagal na kitang pinatawad, anak. Hayaan mo’t hindi na ako muling iihi at dudumi sa aking saya. Pipilitin ko na ring huwag kalimutan na magsuot ng diaper,” wika ni Aling Nemia.
“Hindi, inay. Simula ngayon ay ako na ang magsususot ng diaper sa inyo. Dahil obligasyon ko iyon bilang iyong anak,” buong kababaang-loob na sabi ni Gina sa ina.
Tuwang-tuwa naman si Lloyd habang tinitingnan ang pag-aayos ng ina at ng kaniyang lola.
Mula noon ay maayos na ang pagtrato ni Gina sa sariling ina. Natuto at nagsisi na rin siya sa kaniyang mga pagkakamali.
Pakatandaan na anuman ang gawin natin sa ating kapwa ay tiyak na magbabalik din sa atin kaya ugaliing gumawa ng tama lalung-lalo na sa ating mga magulang na pinagkakautangan natin ng buhay.