Dahil Matalino at Magaling na Abogado ang Babae Akala Niya ay Marami na Siyang Alam; Daig pa Pala Siya ng Kasambahay Niya
Matalino si Althea Villasanta. Nakapagtapos siya sa kolehiyo na isang Summa Cum Laude at isa na siya ngayong magaling na abogado.
Hindi lamang siya nakapag-aral sa Pilipinas, nag-aral din siya sa Amerika at Europa. Kilalang-kilala siya bilang mahusay sa kaniyang larangan. Halos lahat yata ng kasong kaniyang hinawakan ay naipapanalo niya. Dahil matalino, lahat ng bagay na may kinalaman sa batas ay kabisadong-kabisado niya. Walang sinuman ang nakapantay o nakahigit sa kaniya. Kaya nga sa nakapagpatayo siya ng sariling law firm na siya ang boss.
Dahil siya ang pinakamatalino at pinakamagaling na abogado ay siya rin ang napipisil na maging Punong Mahistrado sa bansa.
Sa talino at husay niyang taglay ay ang boses niya ang dapat na pinakikinggan. Dahil nga siya si Atty. Althea Villasanta… ang nakakaalam sa lahat…
Isang araw, inutusan niya ang kasambahay at katiwala niyang si Mabel.
“Mabel, na-flat ang gulong ng kotse ko, gawin mo nga!” sabi niya sa kasambahay.
“Opo, ma’am. Gagawin ko po,” sagot naman ni Mabel na agad na kinuha ang mga gamit na pangkumpuni ng sasakyan.
Walang ibang kasama si Althea sa maganda at malaki niyang bahay kundi ang kasambahay at katiwala niyang si Mabel. Ang ama, ina at dalawa pa niyang kapatid ay naninirahan na sa Amerika at tanging siya na lang ang naiwan sa Pilipinas. Matagal nang naninilbihan sa kanilang pamilya si Mabel. Anak ito ng dati nilang kasambahay na si Aling Lucing na nagretiro na kaya ang pumalit sa paninilbihan sa kanila ay ang nag-iisa nitong anak. Mabait at masipag si Mabel ngunit ‘di ito nakapagtapos ng pag-aaral. Nakatuntong lamang ang dalaga sa elementarya at hindi na naipagpatuloy pa ang pag-aaral dahil sa hirap ng buhay. Nag-alok naman noon ang pamilya ni Althea para pag-aralin si Mabel pero mismong ang dalaga ang tumanggi. Mas gusto na lang nitong manilbihan sa kanila kaysa mag-aral. Kahit babae si Mabel ay marami naman siyang kayang gawin, kahit mga gawaing panlalaki ay kaya niyang trabahuhin.
“Ayos na po ma’am ang sasakyan niyo,” wika ni Mabel.
“Talaga? Salamat, Mabel. Ipagtimpla mo naman ako ng kape ha?” sagot naman ni Althea.
Nang sumunod na araw ay muling inutusan ni Althea si Mabel.
“Mabel, Mabel, paki-ayos nga ‘yung aircon ko sa kuwarto. Ayaw kasing gumana, eh!”
“Sige, ma’am. Gagawin ko po,” tugon ng dalaga.
Nang magawa ni Mabel ang aircon sa loob ng kuwarto ng amo ay muli siya nitong tinawag.
“Mabel, Mabel, nasira ang gripo sa loob ng banyo ko. Gawin mo agad ha?”
“Okay po, ma’am. Gagawin ko po agad,” alertong sagot ni Mabel.
Bawat utos ni Althea ay agad na sinusunod ni Mabel dahil siya nga naman si Atty. Althea Villasanta… ang matalino, magaling, at ang dapat na nag-uutos.
At ang kasambahay at katiwala niyang si Mabel ay wala namang pinag-aralan, walang diplomang pinanghahawakan at walang titulong Summa Cum Laude kaya ang dalaga ang dapat na inuutusan.
Isang gabi, hindi inasahan ni Althea ang pagdating ng malakas na ulan. Napanood niya sa TV na dadaan ang isang malakas na bagyo. Hindi niya napaghandaan ang gabing iyon kaya hindi niya alam ang gagawin.
Maya-maya ay biglang nawalan ng kuryente.
“Oh my God, walang kuryente!” gulat na sambit ni Althea nang mam*tay ang ilaw sa kaniyang kuwarto. “Bakit ngayon pa nawalan ng kuryente? Ayoko pa naman ng madilim, natatakot ako!” wika pa niya sa isip.
Lumabas siya sa kuwarto at binuksan niya ang flashlight para makapagbigay ng liwanag ngunit mas nabigla siya nadatnan niiya sa sala.
“What?!”
Sa sobrang lakas ng ulan sa labas ay pinasok na ng baha ang bahay niya na mas lalo niyang ikinabahala.
“Oh ‘no! Baha na sa loob ng bahay ko! Hindi ito maaari!” sigaw niya.
Agad niyang pinuntahan ang kuwarto ni Mabel at kinatok.
“Mabel, Mabel, gumising ka at buksan itong pinto!”
‘Di naman nagtagal ay binuksan ng dalaga ang pinto.
“B-bakit po ma’am?” pupungas-pungas pang tanong ng kasambahay.
“Ang lakas ng bagyo sa labas at nawalan na rin ng kuryente. Pinasok na rin ng baha ang bahay ko!”
“Ano po?!” gulat na tanong ni Mabel.
“Halika tingnan mo ang sala, pinasok na ng maruming baha!” sabi ni Althea at hinila sa braso si Althea.
Nang makita ni Mabel ang sala ay nanlaki ang mga mata nito.
“Aba, oo nga po ma’am! Tumataas ang tubig!”
“Hindi ko alam ang gagawin ko. W-wala akong alam sa ganito, tulungan mo ako, Mabel!” wika ni Althea sa nakikiusap na tono.
“Huwag kang matakot at mag-alala, ma’am. Ako po ang bahala rito,” tugon ni Mabel.
Nakatitig lamang si Althea habang pinagmamasdan ang kaniyang kasambahay na tinatanggal ang tubig baha sa sala. Nakaupo lamang siya sa isang tabi at walang magawa.
Hanggang sa humupa na ang bagyo. Nag-iwan iyon ng pinsala sa kalsada, natumba ang ilang mga puno at poste ng kuryente. Nawala na rin ang baha sa labas. Buong magdamag na naglinis si Mabel sa buong sala. Kulang sa tulog at pahinga ang dalaga samantalang si Althea ay nakatulog na sa sofa sa sobrang pag-aalala.
Paggising ni Althea ay maayos na ang buong bahay dahil kay Mabel. Napagtanto niya na kahit siya ay isang Summa Cum Laude at isang napakagaling na abogado ay wala pala siyang alam? Dahil sa simpleng pagkukumpuni ng sasakyan, pag-aayos ng sirang gripo at aircon pati na rin ang paglilinis sa binahang sala ay hindi niya kayang gawin.
Mula noon ay inamin na niya sa kaniyang sarili na mas higit pa pala sa kaniya si Mabel na hindi nakapag-aral dahil kahit pa siya ay nakapagtapos sa kolehiyo at matalino ay mas higit na may nalalaman pala ito kaysa sa kaniya.