Inday TrendingInday Trending
Engrandeng Selebrasyon ang Nais ng Ginang na Ito, Panghihingi sa Ninong at Ninang ang Ginawa Niyang Puhunan

Engrandeng Selebrasyon ang Nais ng Ginang na Ito, Panghihingi sa Ninong at Ninang ang Ginawa Niyang Puhunan

“Mukhang bongga ang selebrasyon ng unang kaarawan ng anak mo, Emily, ha? Mayaman ka na talaga! Hindi na kita maabot!” biro ni Cloie sa kaniyang dating kaklase, isang umaga nang madaanan niya ang bahay nito at tila handang-handa na para sa kaarawan ng anak na gaganapin bukas.

“Naku, mare, galing lang ‘yan sa mga ninong at ninang niya. Ipagsasabay ko na rin kasi ang binyag at kaarawan niya para isang gastos na lang. Nagkataon namang naisipan kong maglambing sa mga kinuha kong ninong at ninang, kaya ayan, kahit piso, wala pa akong ginagastos!” pagmamalaki ni Emily habang naghahanap ng kaniya pang kakilala sa social media upang kaniyang makuhang ninong at ninang.

“Ay, ganoon? Hindi ka ba nahihiya?” tanong nito na ikinakunot ng noo niya.

“Bakit naman ako mahihiya? Mabuti nga’t kinuha ko pa silang ninong at ninang ng kauna-unahan kong anak!” taas-kilay niyang sagot saka pinunasan ang laway ng anak na naglalaro sa kanilang tapat.

“Sa bagay,” tipid na sagot nito, aalis na sana ito nang bigla niya itong tanungin.

“Teka, may kilala ka bang pupwedeng sumagot sa sorbetes o kaya naman milktea?” tanong niya rito.

“Mayroon, si Kate, ‘yong dati nating kaklase. Roon lang nakatira ‘yon sa kabilang barangay. Huwag mong sabihing maglalambing ka rin doon?” wika nito.

“Bakit hindi? Eh, wala pang panghimagas sa handa ng anak ko. Riyan ka muna, ha, pakitingin lang saglit ang anak ko,” kumpiyansado niyang sagot saka agad na umalis, nailing na lang ang ginang sa pag-iwan niya rito.

Kahit walang sapat na pera para sa isang engrandeng selebrasyon ng kaarawan ng anak, pilit pa rin itong gawan ng paraan ng ginang na si Emily. Halos lahat ng kaniyang kamag-anak, kabarangay, o kahit dating kakilala kung saan, kaniyang inalok bilang ninong at ninang para lamang makaipon ng pera panggastos sa pangarap niyang kaarawan para sa anak.

May mga tumanggi at may mga tumugon naman sa paunlak niyang ito. Kaya lang, nang sabihin niyang siya’y magpapalambing nang kahit magkanong pera o kahit anong maihahandang pagkain sa araw na ito, lalong nadagdagan ang umaayaw sa kaniyang paunlak na labis niyang dinadamdam. Wika niya, “Minsan na nga lang humiling sa inyo, tinatanggihan niyo pa! Karmahin sana kayo sa kadamutan niyo!”

Kahit pa ganoon, laking pasasalamat niya pa rin dahil may mga hindi umangal at nagbigay sa kaniya. May nagbigay ng pera, cake, pangdisenyo sa tapat ng kanilang bahay kung saan ito gaganapin at marami pang iba dahilan para ganoon na lamang siya matuwa at ganahan sa pag-aayos dito.

Ngunit, noong araw na ‘yon, biglang pumasok sa isip niyang wala pang panghimagas at inumin sa kaarawan ng kaniyang anak. Kaya naman, nang malaman niyang ang dati nilang kaklaseng nagtitinda ng ganito, agad niya itong pinuntahan kahit na hindi naman sila magkasundo.

Pagkarating niya sa bahay ng ginang na iyon, nakita niyang pinipilahan ang tindahan nito na kaniyang ikinatuwa. Siya’y nagpakita rito at kumaway dahilan para siya’y kausapin nito.

“Ikaw pala ‘yan, Emily, anong bibilhin mo?” tanong nito sa kaniya habang inaayos ang paninda.

“Ay, hindi ako bibili, kuhanin sana kitang ninang ng anak ko para bukas,” nakangiting niyang wika.

“Sige, walang problema!” sagot nito.

“Magpapalambing na rin ako sa’yo, ha, pwede bang ikaw na ang sumagot ng sorbetes at milktea sa handa niya? Wala kasi akong pera, eh, kulang pa ang handa niya,” pagpapaawa niya.

“Pambihira ka naman, o,” iiling-iling na tugon nito, “Kung wala kang pera, edi, simpleng selebrasyon lang ang gawin mo! Hindi ‘yong akala mo pinupulot lang namin ang ibibigay sa’yong produkto,” dagdag pa nito na ikinasama ng loob niya.

“Ang dami mong satsat! Kung ayaw mo, edi huwag!” bulyaw niya pa rito.

“Emily, ni hindi nga tayo magkakilala masyado, tapos magpapalambing ka nang ganoong kalaking halaga? Diyos ko, saan mo nakuha ang kapal ng mukha mo? Hindi ka ba nahihiya kapag nalaman ng tao ang ginagawa mong parang panglilimos?” sigaw nito, nagtinginan na sa kaniya ang mga taong naroon kaya siya’y agad na umuwi dahil sa kahihiyan.

Kinukwento niya ang pangyayaring ito sa kaibigan niyang nagbabantay sa kaniyang anak at siya’y pinangaralan nito.

“Tama naman siya, Emily. Hindi mo kailangang ipilit na maging bongga ang kaarawan ng anak mo, lalo na kung wala ka namang pera. Hindi naman ‘yan gusto ng anak mo, luho mo lang ‘yan,” wika nito dahilan para siya’y mapaisip.

Doon niya napag-isip-isip na tama nga ang mga ito. Nakararamdam man siya ng hiya ngayon, tinuloy niya pa rin ang kaarawan ng anak at naging kuntento sa kung anong mayroon sa kanilang hapag-kainan.

Natuwa naman siyang kahit sa kaunting nalikom niyang ambag ng mga ninong at ninang ng kaniyang anak, kitang-kita niya ang saya sa mata ng mga ito.

Advertisement