Inuuto ng Lalaking Ito ang mga Bagong Babaeng Empleyado, Mabuking Kaya Siya sa Masamang Gawain Niya?
“Ikaw talaga, sir, napakapalabiro mo!” sambit ni Donna sa kanilang manager, isang hapon nang siya’y purihin nito habang pinapanuod siyang magtrabaho.
“Ano ka ba? Totoo ang sinasabi ko! Ang ganda mo na, kaakit-akit pa ang hubog ng katawan mo! Hindi ka ba humaharap sa salamin para hindi mo ‘yan malaman?” wika pa ni Greg saka malagkit na tinignan ang katawan ng dalaga.
“Tumitingin naman po ako sa salamin, sir, kaya lang hindi ko nakikita ang sarili kong ganoon,” tugon nito na kaniyang ikinangisi.
“Sumama ka sa akin bukas, mag-iinom ako riyan sa katapat na bar. Kapag lasing kasi ang tao, nakikita niya ang tunay niyang anyo sa salamin,” pangungumbinsi niya na ikinatuwa nito.
“Saan mo naman nakuha ang hinuhang ‘yan, sir? Ang dami mong alam, ano?” pabirong tugon nito habang patuloy sa pagpipipindot ng kompyuter sa pagitan nilang dalawa.
“Ako ang nagsasabi sa’yo, totoo ‘yon! Ano, hihintayin kita umuwi bukas, ha? I-text mo lang ako, susunduin kita rito. Kwentuhan lang tayo saka inom,” yaya niya pa rito.
“Bahala na, sir, mukhang may lakad ako bukas, eh,” nag-aalinlangang sagot nito na ikinakunot ng noo niya.
“Huwag mo akong tanggihan, papahirapan kita rito!” pabiro niyang banta rito.
“Ewan ko sa’yo, sir, napakapalabiro mo!” sigaw nito na ikinatawa niya, nang mapatingin ang ibang hawak niyang empleyado, siya’y umalis sa lugar nito at naglakad-lakad sa kanilang opisina.
Manager sa isang sikat na kumpanya ang padre de pamilyang si Greg. Isa siya sa mga namamahala at gumagabay sa mga empleyadong nakaatas sa kaniya. Karamihan sa mga empleyadong kaniyang hinahawakan ay mga baguhan kaya kailangan niya itong tutukan upang magamay ang madugong trabahong mayroon sa kanilang opisina.
Nasa departamento pangpinansiyal kasi siya kung saan, siya at ang kaniyang mga hinahawakang empleyado ang nagbabantay ng paglabas at pagpasok ng pera sa kanilang kumpanya.
Kaya naman, ganoon niya tinututok ang atensyon sa mga baguhan upang huwag magkamali ang mga ito. Ngunit, bukod sa trabaho, mayroon pa siyang ibang intensyon sa mga bagong empleyado.
Kaniya itong niyayang gumimik, paliwanag niya’y para magkakilala lang sila at magkapalagayan ng loob ngunit kaniya itong yayaing gawin ang mal@swang bagay.
Halos lahat ng empleyadong hawak niya, dumaan na sa kaniyang kamay. Ni isa sa mga ito, walang nagrereklamo dahil pinangakuan niya ng mataas na sweldo at mahabang kontrata sa kumpanya. Ito ang dahilan upang siya’y hindi makaramdam ng takot sa masamang gawain niyang ito.
Kaya naman, nang mabalitaan niyang may bagong empleyado na namang nakaatas sa kaniya, agad niya itong kinausap at niyayang mag-inom. Bahagya siyang nainis dahil may pagkapakipot ito, kaya naman, naisipan niya itong takutin at tila naniwala ito nang mapansin niyang mapakamot ito ng ulo pag-alis niya sa pwesto nito.
Kinabukasan, pagkatapos ng kaniyang trabaho, agad niyang kinuha ang numero ng empleyadong ito. Agad niya itong pinadalhan ng mensahe habang naghihintay sa katapat na tagong bar.
Ngunit, lumipas na ang tatlong oras, hindi pa rin ito sumasagot sa kaniyang mga mensahe o tawag. Doon niya na napagdesisyunang abangan ito sa dormitoryo ng mga empleyado sa itaas na gusali ng kanilang kumpanya.
Sakto namang nakita niya itong nagtapon ng basura dahilan para agad niya itong kausapin.
“Bakit hindi mo sinasagot ang tawag at mensahe ko, ha?” nakangiti niyang tanong dito.
“Ay, pa-pasensiya na, sir, nakaidlip ako kaagad, eh,” rason nito saka mabilis na nagtungo sa pintuan ng silid nito.
“Ah, ganoon ba? Halika na, mag-inuman na tayo!” yaya niya ulit.
“Ayoko po, sir, eh,” tanggi nito.
“Ayaw mo bang mag-inom doon? Bibili na lang ako ng alak tapos d’yan tayo sa kwarto mo mag-inom,” pangungulit niya pa rito.
“Hindi po, ayoko po talaga,” giit nito saka agad na pumasok sa silid.
“Bakit ba ayaw mo?” inis niyang tanong matapos harangin ang pintuan nito.
Tinulak niya pa ang pintuan saka pilit na pumasok sa silid nito. Tinulak niya ito sa kama at doon niya ito agad na niyakap at hinalik-halikan sa leeg.
Nagulat na lang siya ng may mga ilaw na mula sa selpon ang biglang kumikislap-kislap. Siya’y napatigil sa ginagawa at doon niya napagtantong ang lahat ng empleyadong kaniyang binaboy ay nandoon lahat habang kinukuhanan ng litrato at bidyo ang kaniyang ginagawa.
Nandoon din ang isa sa matataas sa kanilang kumpanya na may kasamang dalawang pulis na agad siyang dinampot. Wala ni isang salita ang lumabas sa bibig niya dahil siya’y nahuli sa akto. Siya’y tinanggal sa trabaho, hiniwalayan ng asawa at kinulong pa nang may patong-patong na kaso.
Tanging pagdudusa ang kaniyang naranasan sa kaniyang pamamalagi sa kulungan na labis niyang pinagsisihan. Wala talagang baho ang hindi nangangamoy sa mundong ito. Maaaring mabuhay ka sa gawaing ito, ngunit hindi natutulog ang hustiya, kaya mag-ingat ka.