Ayaw ng Dalagang Ito sa Binatang Nirereto ng Ina, Naluha Siya sa Ginawa Nitong Kabutihan
“Eula, bakit hindi ka pa rin nakabihis hanggang ngayon? Hindi ba’t lalabas kayo ni Drake ngayon? Diyos ko, paghihintayin mo na naman nang pagkatagal-tagal ang binatang iyon!” sambit ni Remi sa kaniyang anak, isang gabi nang makita niya itong abalang nagseselpon sa sariling silid.
“Mama, naman kasi, sinabi ko na sa’yong ayoko talaga sa anak ng kumare mong iyon. Bakit ba pilit ka nang pilit? Sa tuwing tutulungan kang magbuhat ng mga pinamili mo sa palengke, papayagan mo siyang ilabas ako. Ginagawa mo akong pampalubag loob, eh!” inis na sagot ni Eula saka bahagyang inirapan ang ina.
“Hindi naman sa ganoon, anak! Nakikitaan ko kasi ng kabutihan ang binatang iyon. Bukod pa nga roon, anak ng kumare ko kaya alam kong mapagkakatiwalaan!” pangungumbinsi pa nito sa kaniya.
“Eh, ayoko nga roon! Anong buhay ang maibibigay sa akin ng kargador na iyon? Ni maayos na tsinelas kapag aalis kami, wala!” reklamo niya rito saka nagtalukbong ng kumot na ikinainis nito.
“Tumigil ka sa panghuhusga mo, ha! Akala mo kung sino kayang anak ng mayaman! Dalian mo na, magbihis ka na!” bulyaw nito habang hinihiklat ang kumot at siya’y hinila patayo. Wala na siyang nagawa kung hindi ang sumunod dito at mag-ayos ng sarili.
Kahit na tatlumpung taong gulang na ang dalagang si Eula at may sarili nang trabaho, ni isang lalaki, wala pa siyang nakakarelasyon. Bukod kasi sa tutok siya sa pag-aaral noong siya’y estudyante pa lamang, siya rin ay mapili sa lalaki at hindi basta-basta sumama rito upang lumabas.
Marami mang lalaki ang gustuhin na siya’y ligawan, tatanungin pa lang siya ng mga ito, agad na siyang humihindi. Ayaw niya kasing maranasan kung anong naranasan ng kaniyang ina sa ama niyang ni hindi man lang niya nakita dahil sila’y iniwan nito bago pa manganak ang kaniyang ina.
Kaya naman katwiran niya, “Sakit lang naman sa ulo ang mga lalaki. Susuyuin ka, liligawan at kapag sinagot mo na, wala na, para ka na lang alikabok sa hangin. Aanuhin ko ang lalaking ganoon kung kaya ko namang mabuhay mag-isa?” na labis na tinututulan ng kaniyang ina.
Silang dalawang mag-ina na lang kasi ang magkasama sa buhay at dahil nga siya’y tumatanda na kasabay ng kaniyang ina, nais nitong magkaapo na sa kaniya.
Kaya naman, palagi itong gumagawa ng paraan para siya’y mapalapit sa gusto nitong lalaki para sa kaniya. Pumapayag naman siya sa gusto nito na lumabas siya kasama ang lalaking iyon. Kaya lang, kapag nalingat na ang kasama niyang binata, kaniya na itong agad na tatakasan at iiwan kung saan.
Bukod kasi sa talagang wala siyang nararamdaman dito, nangangamba rin siya sa buhay na mararanasan niya rito lalo na’t wala itong permanenteng trabaho at mula mahirap na pamilya katulad niya. “Dagdag palamunin lang ito, eh,” palagi niyang sambit sa tuwing maglalakad siya kasabay nito.
Pagkalabas niya ng silid noong araw na ‘yon, bumungad na sa kaniya ang binatang naghihintay sa kaniya. Agad na silang pinaalis ng kaniyang ina habang kikindat-kindat pa na nagpataas ng balahibo niya.
Habang nasa daan, tinanong siya ng binata kung saan niya gusto kumain. Ang tanging sagot niya lang, “Bahala ka, mamaya naman iiwan na rin kita,” dahilan upang mapakamot-ulo ito. Dinala siya nito sa perya at pinaupo sa isang silya roon saka nagpaalam na bibili ng pagkain.
“Pasensiya ka na, ha, maliit ang sinahod ko ngayon, eh, kaya rito muna tayo,” wika nito. “Oo na, dalian mo na,” masungit niyang sagot.
Nang makita niyang malayo na ito sa kaniya, agad na siyang nagpasiyang takasan ito. Kaya lang, pagkatingin niya rito habang siya’y mabilis na naglalakad palayo, natanaw niyang may kausap itong mga bata na kaniyang ikinapagtaka.
“O, ‘di ba? Kuhanan ko kaya ‘to ng litrato para makita ni mama na pinapabayaan ako nito?” sambit niya saka hinugot ang kaniyang selpon at unti-unting lumapit sa binata.
Ikinataba ng puso niya ang nasaksihan niyang pangyayari dahil binigyan ng binatang ito ng tinapay at tubig ang mga batang iyon mula sa kakarampot na sahod nito.
At dahil bahagya na siyang naluluha, naisipan niyang bumalik sa kinauupuan niya kanina. Maya-maya pa, tuluyan na itong bumalik na may bitbit-bitbit na mga tuhog-tuhog at dalawang boteng tubig.
“Bakit ito lang ang binili mo?” pang-uusisa niya, habang umaarteng naiinis.
“Ah, eh, wala na akong pera, eh. Nilibre ko ‘yong mga bata roon, hindi pa raw sila kumakain simula kanina, eh. Tayo naman, makakain pag-uwi sa sari-sarili nating bahay kahit papaano. Pasensiya ka na talaga, babawi ako sa susunod!” sambit nito na tuluyan na niyang ikinaiyak.
Doon na siya nagpasiyang bigyan talaga ito nang pagkakataon na patunayan ang sarili sa kaniya at hindi naman siya nito binigo dahil tatlong buwan lamang ang lumipas, nagmay-ari na ito ng gulayan sa palengke habang siya’y pilit na nililigawan.
Kasabay nang paglaki ng negosyo nito sa palengke ay ang pagbuo nila ng pamilya na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.
“Sabi sa’yo, anak, eh, hindi ka magsisisi kapag mabait na tao ang pinili mo. Ang pera, maaaring kitain, pero ang ugali, hinding-hindi mo mabibili gamit ang pera,” pangaral ng kaniyang ina nang siya’y tuluyan nang makapagsilang ng isang malusog na sanggol.