Inday TrendingInday Trending
Niyaya ng Ginang na Ito ang mga Pinsan ng Asawa na Mag-inuman para may Mailagay sa Social Media, Pinagsisihan Niya Ito

Niyaya ng Ginang na Ito ang mga Pinsan ng Asawa na Mag-inuman para may Mailagay sa Social Media, Pinagsisihan Niya Ito

“Mahal ko, pinapapunta ko rito sa bahay ang mga pinsan mo, ha? Mag-iinom lang kami at magkukwentuhan,” paalam ni Ashley sa kaniyang asawa habang ito’y kaniyang nilalambing, isang tanghali matapos niyang kausapin ang mga pinsan nito.

“Anong mayroon? Bakit mo sila papapuntahin dito?” pagtataka nito habang tutok pa rin sa pagpirma ng mga dokumentong nakalatag sa kanilang lamesa.

“Nakita ko kasi sa social media na kumain sila sa labas noong isang araw at ang daming nagkomento dahil ang tagal nilang hindi nagkita-kita. Kaya ayon, naisipan kong imbitahan sila rito,” tuwang-tuwa niyang kwento na ikinasimangot naman nito.

“Gusto mo ring makahakot ng likes at komento sa social media account mo kaya naisipan mo ‘yan?” tanong pa nito.

“Siyempre naman, ano! Para mainggit ‘yong iba niyo pang pinsan na hindi kayo kinikibo! Bukod pa roon, parang ang saya kasi nilang kasama, eh. Gusto ko silang makilala nang lubusan,” tugon niya saka akma nang aalis upang huwag nang mapigilan ng asawa.

“Hindi ‘yan magandang ideya, mahal, tigilan mo ‘yan. Hindi mo sila kilala,” pagbibigay-babala nito.

“Wala na, nasabi ko na kaya sa kanila na tuloy ang inuman namin mamaya. Ako namang bahala sa kanila,” pagmamatigas niya saka agad nang iniwan sa kanilang silid ang asawa at naghanda na para sa pagdating ng mga pinsan nito.

Halos buong araw, nakababad sa social media ang may bahay na si Ashley. Dahil nga wala naman siyang ibang pinagkakaabalahan sa buhay bukod sa isang beses sa isang linggong pagpunta sa negosyo nilang damitan sa Pasay, nililibang niya na lang ang sarili rito.

Walang araw na wala siyang nilalagay na litrato sa kaniyang social media account. Mapapagkain o ulam nila sa tanghalian, kaniyang paglilinis ng bahay, litrato ng kaniyang asawa habang nagtatrabaho, kanilang kinikitang pera sa negosyo pati mga bagong bili niyang gamit na hindi niya naman talaga kailangan, lahat ay kaniyang binabahagi sa mga tao rito.

Sa katunayan, may pagkakataon pa ngang pinilit niyang lumiban sa trabaho ang kaniyang asawa para lamang makapagpakuha ng litrato sa isang sikat na lagusan sa Cavite na kaniya ring inilagay sa kaniyang social media. Ilang beses man siyang pagsabihan ng asawa dahil sa pagiging bukas sa mga taong hindi niya naman kilala na nakakakita ng kaniyang mga litrato, hindi niya ito iniintindi.

Ngunit kahit pa ganoon, kakaunti lang ang natatamo niyang likes at mga komento. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mainggit sa sandamakmak na likes at komento sa isang post ng pinsan ng kaniyang asawa. Kaya naman, upang makahakot din ng ganito, siya’y nagyayang makipag-inuman sa mga ito kahit lingid sa kagustuhan ng kaniyang asawa.

Pilit man siyang pinigilan nito bago ito pumasok sa opisina, nagalit pa siya rito kaya siya’y pinabayaan na nito. Maya-maya pa, dumating na nga ang mga pinsan ng kaniyang asawa. Agad niyang pinapunta ang mga ito sa kanilang bakuran upang doon sila mag-inuman.

“Malamok naman dito, roon na lang tayo sa loob!” sambit ng isa sa mga ito na kaagad naman niyang sinang-ayunan.

Tawanan doon, kwentuhan dito, inom doon, videoke rito, ang tangi nilang ginagawa na labis niyang ikinatuwa. Wika niya pa, “Ang sarap niyo pala talagang kasama!” habang kinukuhanan niya ng bidyo ang bawat galaw ng mga ito at agad na nilalagay sa social media.

Wala pang tatlong oras na kanilang pag-iinom, agad na siyang nakaramdam ng pagkalasing. Dito na siya unti-unting nakatulog sa kanilang sofa.

Nagising na lang siya sa pagdating ng kaniyang asawa. Wala na ang mga pinsan nito at ang gulo-gulo ng kanilang buong bahay.

“Anong nangyari, mahal?” tanong niya rito.

“Ngayon tatanungin mo ako ng ganyan? Ayan, nanakawan na tayo ng mga iyon! Hindi mo ba alam na galing kulungan lahat ‘yon dahil sa pagnanakaw nila?” galit na sagot nito habang aligaga sa paghahanap.

“Bakit hindi mo kaagad sinabi?” tanong niya muli na ikinagalit nito lalo.

“Binalaan kita! Ayaw mong makinig! Ngayon, anong gagawin mo sa sandamakmak mong likes at komento sa social media kung wala na ang pinag-ipunan nating mga gamit at pera, ha!” bulyaw nito sa kaniya.

“Pa-pasensiya na,” tangi niyang sambit.

Sa kabutihang palad naman, nakita sa kanilang CCTV camera ang ginawa ng mga ito dahilan para mabilis nila itong muling maipakulong.

Hindi man nila nabawi ang mga nakuhang gamit at pera ng mga ito, siya naman ay natuto na hindi niya dapat pagkatiwalaan ang lahat at ilagay lahat ng kaniyang ginagawa sa kanilang social media account.

Dahil nga siya’y mahal ng kaniyang asawa, siya’y pinatawad nito at labis na pinagsabihan. Nangako siyang hindi na ito mauulit at hindi na magpapaloko dahil lamang sa social media.

Advertisement