Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ng Ginang na Ito ang Bagong Kapitbahay na may Tattoo, Nawindang Siya sa Propesyon Nito

Hinusgahan ng Ginang na Ito ang Bagong Kapitbahay na may Tattoo, Nawindang Siya sa Propesyon Nito

“Iyan ba ‘yong bago nating kapitbahay?” tanong ni Ema sa kaniyang kumare, isang hapon pagdalaw niya sa bahay nito upang makipaglaro ng bingo.

“Oo, kakalipat lang niyan kaninang umaga. Balita ko pa nga sa iba nating kapitbahay, galing daw ‘yang kulungan kaya napakaraming tattoo sa katawan,” nguso ni Minda rito habang inaayos ang bolilyo ng kanilang lalaruing bingo.

“Ay, ganoon? Ano namang kaso niyan? Bakit siya nakulong?” pang-uusisa pa nito dahilan para kaniya itong lapitan.

“Hindi ko sigurado, ha? Pero base lang sa pagkakarinig ko sa mga kagawad na nag-uusap doon sa barangay kahapon, may sinaksak daw ‘yan at anim na taong nakulong sa bilangguan!” bulong niya rito na ikinagulat nito.

“Diyos ko! Nanganganib na ang buhay natin ngayon! Baka sa simpleng pagsisigawan natin o pagsaway sa mga ginagawa niyang nakakaistorbo sa atin, agad niya tayong saktan!” sambit nito habang tinitingnan pa rin ang lalaki sa katapat na bahay na nag-aayos ng mga halaman.

“Kaya nga hindi ko rin kinikibo ‘yan. Kanina, binibigyan ako ng ulam, hindi ko tinanggap dahil baka may lason!” tila napalakas ang kaniyang boses at sila’y tiningnan nito na labis niyang ikinakaba.

“Hoy, hinaan mo ang boses mo! Tumingin siya sa atin! D’yan ka na nga, baka mamaya mapasama pa ako sa mapag-initan niyan! Kita na lang tayo sa barangay assembly mamaya!” kabado ring paalam ng kaniyang kumare saka agad siyang iniwan doon. Nagmadali na rin siyang magligpit saka agad na nagkulong sa bahay dahil sa takot na nararamdaman.

Kada may bagong salta sa kanilang lugar, hindi mawawalan ng komento ang ginang na si Minda. Mapamatanda man ito, anak na binabaeng nagbibihis babae, ilaw ng tahanang todo kung makapustura, batang makulit, o kahit sanggol na hindi katabaan, kaniya lahat napapansin at tsinitsismis sa kaniyang mga kumareng naglalaro sa kaniyang maliit na binguhan sa tapat ng kaniyang bahay.

Kahit nga buhay ng isa nilang kagawad, hindi niya pinalampas. Nakita niya lamang itong may kausap na dalaga sa kanilang kanto habang naglalakad pauwi, agad na niya itong ginawan ng kwento. Ito ang dahilan para siya’y sugurin ng magulang ng dalagang iyon pati ng asawa ng kanilang kagawad at ipaalam sa kaniya na magkamag-anak sila.

Ilang beses man siyang mapahiya dahil sa mga gawa-gawa niyang kwento, hindi pa rin siya nagpapaawat sa ganitong gawain.

Kaya naman nang may mapadpad sa kanilang lugar na isang binatang maraming tattoo sa katawan, kaniya agad itong hinusgahan. Nakadagdag pa sa kaniyang panghuhusga rito ang mga marinig niyang usapan tungkol dito na kaniya rin namang pinagsabi sa iba kahit wala siyang kasiguraduhan.

Habang naglilipat nga ito ng mga gamit noong umagang iyon, todo silip siya sa kaniyang bintana. Bawat gamit na pinapasok nito sa bahay na titirhan, kaniyang sinisipat. Nagtanggal pa ito ng pang-itaas na damit kaya niya lalong nakita ang mga tattoo pa nito sa katawan na lalo niyang ikinatakot.

Dahil nga sila’y may barangay assembly noong araw na ‘yon, kahit na siya’y natatakot pa rin sa naturang binata, nilabanan niya ito. Wika niya, “Marami namang tao roon, eh, at andoon sila kapitan. Kung gagawa siya ng masama, agad siyang mahuhuli at mabubulok sa kulungan!” saka siya nagpasiyang agad na magpunta sa kanilang barangay. Pagkarating niya roon, nakaupo na ang naturang binata. Tinipon niya ang kaniyang mga kumare at muling nagkwento tungkol dito. Ngunit mayamaya, nakarinig sila ng malakas na sigawan dahila para siya’y mapatigil sa pagkukwento. “Si kapitan! Tulong!” sigaw ng isang babaeng kagawad.

Doon niya nabalitaang biglang hinimatay sa palikuran ang kanilang punong barangay at bago pa siya makapasok sa mismong barangay, lumabas na ang binatang iyon bitbit-bitbit ang kanilang kapitan.

“Lumayo-layo kayo! Doktor ako! Kailangan niya ng hangin!” sigaw nito dahilan para sundin ito ng mga tao.

May kakaiba itong ginawa sa kanilang kapitan at ilang buga lang nito ng hangin sa bibig, muli nang nagising ang kanilang kapitan na ikinatuwa ng mga taong nakasaksi.

“Do-doktor ka talaga? Nakulong ka ng anim na taon, hindi ba?” pagtataka niya na ikinangiti ng binata.

“Anim na taon na po akong doktor, nanay, baka nagkamali lang po kayo ng rinig. Hindi po porque may tattoo ako, masamang tao na po ako kagaya ng mga sinasabi niyo sa ibang tao,” sambit pa nito na labis niyang ikinapahiya.

Doon na siya tumigil sa pagkakalat ng maling balita tungkol sa binatang iyon bagkus kaniya itong pinakisamahan at binibigyan pa ng kaniyang mga lutong ulam.

Advertisement