Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Drayber ang Palaboy na Nagmamakaawa; Panganib Nga Ba ang Hatid Nito sa Kaniya?

Tinulungan ng Drayber ang Palaboy na Nagmamakaawa; Panganib Nga Ba ang Hatid Nito sa Kaniya?

“Kumusta, pare? Kumita ba?” tanong ng kaibigan niyang si Roland, na kapwa rin niya taxi driver.

Umiling si Mang Rene. Napakadalang ng pasahero lalo na’t nagmahal na naman ang pamasahe gawa ng presyo ng gasolina.

“Wala na naman akong mauuwi sa bahay. Lugi pa ako ng isang daan. Nagagalit na ang asawa ko sa akin. Sana naman may dumating na pasahero,” himutok nito.

Parang dininig ang panalangin nito dahil maya-maya lamang ay may isang bagong pasahero na lumapit sa kaniya para magpahatid sa kung saan.

Kausap niya na ang pasahero nang marinig niya ang marahang bulong ng kasamahan.

“Pare, sakin na lang, pwede? Pasensiya na,” pakiusap nito.

Matagal niya na itong kaibigan at alam niyang mayroon itong tatlong malilit pa na anak. Mukhang mas matindi ang pangangailangan nito, kaya tumango na lamang siya bilang pagpayag.

Nang makaalis na ito ay saka niya tiningnan ang sariling pitaka. Halos wala siyang kinita ngayong araw. Mabuti na lang at kahit papaano ay nabawi niya ang pinangbayad niya sa gasolina, ngunit magbabayad pa siya ng renta sa taxi na ipinampasada. Kung susumahin ang matitira sa kaniya sa halos walong oras na pamamasada ay wala pa sa limang daan.

Matapos ang isang oras na paghihintay ng pasahero at wala pa ring dumating ay nagdesisyon na siyang umuwi.

Habang nagmamaneho pauwi ay naagaw ng isang babae na may bitbit na bata sa bisig ang kaniyang atensyon. Kung magbabase sa itsura nitong marumi na kasuotan, marungis na katawan, at magulong buhok ay nahihinuha niya na isa itong palaboy.

Isa-isa nitong sinesenyasan ang mga dumaraang sasakyan para makiusap ngunit tila hindi pinapakinggan ng mga ito ang sinasabi ng babae dahil wala ni isang huminto.

Ilang minuto pa siyang nagmasid. Sa wakas ay may isang sasakyang huminto. Akala niya ay tutulungan ito ng drayber, ngunit huminto lamang pala ito para sigawan ang babae. Umiiyak itong napaupo habang mahigpit ang pagkakayakap sa anak.

Hindi na nakatiis si Mang Rene. Hindi niya kayang tiisin ang nasasaksihan kaya naman nilapitan niya ang babae para mag-usisa.

“Anong nangyayari?” usisa niya.

“‘Yan kasing babaeng ‘yan, baliw yata. Gusto ba naman makisakay sa sasakyan ko? Nakaharang pa, paano kung masagasaan ‘yan, kargo ko pa!” mayabang na sagot ng lalaki.

“Pasasakayin niyo ho ba?” tanong niya sa drayber.

Tiningnan siya nito nang malalim ang kunot ang noo. Tila ba isang napaka-imposibleng bagay ang itinanong niya.

“Siyempre, hindi! Kita mo naman na ang dumi-dumi. Malay ko ba kung magnanakaw pala ‘yan?” kastigo nito.

Tiningnan niya ang babae na tahimik lamang na umiiyak habang yakap yakap ang bata.

“Kung hindi mo pala sila tutulungan ay umalis ka na lang ho, Sir. Hindi mo naman sila kailangan apihin nang gan’yan. Ako na ang bahala dito,” pagtataboy niya sa mayabang na lalaki.

Sasagot pa sana ito ngunit nang bantaan niya ito na tatawag siya ng pulis ay saka pa lamang nito pinaandar ang makintab nitong sasakyan.

“Anong problema?” inalalayan niya ang babae upang makatayo ito nang tuwid,

“Tulungan niyo po kami. May sakit po ang anak ko, kailangan ko po siyang dalhin sa ospital.” desperado nitong pakiusap.

Nagmamadaling pinagbuksan niya ng pinto ang mag-ina. Bagaman may agam-agam siya ay hindi niya naman maatim na iwanan na lang ang mga ito. Hindi naman siguro siya mapapahamak sa mag-ina.

Sa kabutihang palad ay nakarating naman sila ng matiwasay sa kanilang destinasyon. Inihatid niya ang mag-ina sa pinakamalapit na ospital. Hindi niya maiwan ang mga ito hangga’t hindi niya nasisigurong ayos na ang lahat.

“Maraming salamat po talaga, Sir. Kung hindi po dahil sa inyo baka kung ano na ang nangyari sa anak ko,” abot-abot na pasasalamat ng babae.

Nang masiguro ni Rene na may doktor nang mag-aasikaso sa mag-ina ay nagpaalam na siya sa babae na noon ay kalmado na. Nagbigay pa siya ng kaunting halaga para makabili ng panlamang tiyan.

Nabawasan man ang kakarampot niyang kita ay wala siyang pagsisisi. Isang buhay ang naisalba niya.

Kinabukasan ay nagising siya dahil sa malakas na tinig ng kaniyang asawa.

“Rene! Madali, gumising ka!”

“Bakit?” pupungas pungas na usisa niya sa asawa.

“Tingnan mo ‘to! Nasa balita ka!”

Ipinakita nito sa kaniya ang hawak na cellphone. Bumungad sa kaniya ang isang balita tungkol sa isang “Mabuting Samaritano.”

“Isang taxi driver ang tumulong sa isang palaboy sa lansangan ng walang alinlangan. Umani ito ng libo libong papuri sa mga tao.” Iyon ang nakasaad sa ulat.

Hindi siya makapaniwala.

“Ikaw ‘to, hindi ba?” tanong ng asawa.

Tumango siya. Hindi masyadong malinaw ang video ngunit agad niyang nakilala ang sarili lalo pa’t sariwa pa sa alaala niya ang nangyari kahapon.

“Anong nangyari? Bakit ako nasa balita?” takang tanong niya sa asawa.

“‘Yung babaeng palaboy na ‘yan, ‘yung tinulungan mo, hindi talaga palaboy kundi artista. Sinusubukan lang nila kung may tutulong ba sa ganoong sitwasyon o kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao.”

Hindi makapaniwala si Mang Rene.

Nang araw ding iyon ay may ilang tao na bumisita sa kanilang tahanan upang kapanayamin siya.

Nakilala rin niya ang isang Criselda Lopez, na nagpakilalang ang gumanap na palaboy.

“Pasensya na po! Hindi ko kayo nakilala! Ibang-iba ho ang ayos niyo!” gulat na komento niya. Malayong malayo ang itsura nito sa palaboy na nakausap niya.

Matamis ang ngiti nito sa kaniya.

Ipinaliwanag nito ang nangyari. Ito ang naatasan na umarte bilang isang palaboy na nangangailangan ng tulong. Marami itong hiningan ng tulong ngunit bukod tanging siya lamang ang nagpasakay rito.

“Hindi po ba kayo natakot na baka magnanakaw talaga ako? O may balak na masama?” tanong nito.

“Aaminin ko pong sumagi iyan sa isip ko pero siguro mas nangingibabaw na mas mahalaga ang tulungan ang kapwa kahit anong mangyari. Kung may masama po kayong intensyon nang araw na iyon, hindi naman ako ang magkakasala,” sinsero niyang paliwanag.

Nang matapos ang panayam ay isang surpresa pala ang naghihintay sa kaniya.

Bilang pasasalamat at pabuya ay isang bagong taxi at malaking halaga ng pera ang ipinagkaloob ng mga ito sa kaniya!

“Galing po ‘yan sa mga taong humanga sa inyo, Mang Rene. Hindi lahat ng tao ay kayang gawin ang ginawa niyo. Naging inspirasyon ho kayo ng maraming tao,” papuri ni Criselda.

Tuwang-tuwa si Mang Rene at abot langit ang kaniyang pasasalamat. Sino nga ba ang mag-aakala na mangyayari iyon? Tunay nga namang pinagpapala ang mga taong hindi namimili ng tinutulungan!

Advertisement