Hindi Siya Gusto ng Nanay ng Kaniyang Nobyo; Hanggang sa Nalaman Niya ang Lihim ng Nakaraan Nito
“Kinakabahan ako, Benjie,” untag niya sa nobyo habang papunta sila sa bahay nito.
Iyon kasi ang araw na ipapakilala siya nito sa mga magulang nito.
“‘Wag kang mag-aalala, Reese. Mabait sina Mama at Papa. Sigurado akong wala kang dapat ipag-alala,” nakangiting tugon nito.
Hindi pa rin maalis ang alinlangan niya. Sino ba naman kasi siya? Mayaman ang pamilya nito habang siya naman ay isang simpleng tao lamang. Ulilang lubos na siya at hindi niya tunay na pamilya ang kaniyang kinalakhan.
Naramdaman niya ang mahigpit na paghawak nito sa nanlalamig niyang palad.
“Wala kang dapat ipag-alala. Magugustuhan ka nila,” wika nito bago marahang pinisil ang palad niyang bahagya pang nanginginig.
Nang makarating sila sa bahay nito ay napanganga siya. Hindi lamang iyon isang mansyon kundi tila iyon isang palasyo!
Sinalubong sila ng mga kasambahay na pawang naka-uniporme.
“Magandang gabi po, Señorito Benjie, Señorita Reese,” sabay-sabay na bati ng mga ito.
Tila hihimatayin siya. Talaga palang hindi basta-basta ang kaniyang nobyo!
Nang makarating sila sa magarbong sala ay nakita niya ang dalawang tao na kinatatakutan niyang makaharap. Ang mga magulang ng nobyo.
Nabawasan kahit papaano ang kaba niya nang makita ang maaliwalas na mukha ng ama ni Benjie.
“Aba, ikaw na ba si Reese? Napakagandang bata!” anito bago siya sinalubong ng isang yakap.
Subalit nang mapalingon siya sa ina nito ay bumalik ang kaba niya.
Nakataas kasi ang kilay nito. Sa mukha nito ay wala siyang mabanaag na ekspresyon.
Inabot niya ang kamay ng ginang upang magmano.
“Ako po si Reese, kumusta po kayo?” magalang na pagbati niya.
“Mabuti naman,” simpleng sagot nito bago ito nagpatiuna sa kusina kung saan tila may pista sa sobrang dami ng pagkain.
“Kumain ka lang, hija, ‘wag kang mahihiya sa amin, ha!” magiliw na paalala ng ama ng nobyo niya na si Henry.
“Salamat po, Tito,” kiming tugon niya.
“Nasa kalagitnaan sila nang pagkain nang sa unang pagkakataon ay magsalita ang ina ng nobyo na si Stella.
“Reese, hija, ano ang propesyon mo?”
Nang lingunin niya ito ay mayroong itong tipid na ngiti.
“Ah, isa po akong high school teacher,” sagot niya sa babae.
“Hindi ba’t kakarampot lang ang sinusweldo ng mga teacher?” kunot noong usisa nito.
Ngumiti siya. “Sakto lang naman po. Kahit paano ay sapat naman po ang kinikita ko para masuportahan ko ang sarili ko.”
Tumango tango ang babae ngunit hindi na muling nagsalita.
Nang lingunin niya ang nobyo ay nakangiti ito sa kaniya na tila tuwang-tuwa. May sasabihin sana ito subalit naudlot iyon ng pagtunog ng cellphone nito.
“Kailangan ko po itong sagutin, trabaho,” magalang na paalam nito bago sila iniwan sa hapag.
Nang makalayo ang kaniyang nobyo ay nagulat siya nang muling magsalita ang ina nito.
“Reese, layuan mo si Benjie. Hindi ikaw ang nababagay sa kaniya!” matalim ang matang bulalas nito.
Gulat na napalingon siya sa babae.
“Stella! ‘Wag mong pagsalitaan nang ganyan si Reese. Baka marinig ka ni Benjie!” narinig niyang saway ng asawa nito. Mukhang maging ito ay nagulat din sa tinuran ni Stella.
“Bakit? Totoo naman, hindi ba? Ang mga simpleng kagaya niya ay malamang huhuthutan lang si Benjie, hindi ako makakapayag!” madiing pahayag nito.
“Bakit, hindi ba’t ganun ka rin naman? Lumapit ka lang sa akin noong una dahil sa pera ko. Inilihim mo pa nga ang nakaraan mo!” kastigo ni Henry sa asawa.
Bahagya namang lumambot ang mabangis na ekspresyon sa mukha ni Stella.
“Henry naman, hindi ba’t natutunan naman kitang mahalin?” pang-aamo nito sa asawa.
Siya naman ay tila nanigas na sa kaniyang kinauupuan. Wala siyang ibang magawa kundi makinig sa batuhan ng salita ng mag-asawa. Tila kasi nakalimutan na ng dalawa na naroon siya.
“Kaya nga dapat bigyan mo tiyansa si Reese. Mahal niya si Benjie at nararapat lang na hayaan natin silang maging maligaya,” katwiran nito.
Hindi nagsalita ang babae ngunit halata sa mukha nito na hindi pa rin ito sa sang-ayon sa sinasabi ng asawa.
Noon lang siya nakahanap ng sasabihin. “Makakaasa po kayo na mamahalin at aalagaan ko ang anak ninyo. Mamahalin ko po siya kagaya ng pagmamahal sa akin ng mga nag-ampon sa akin,” pangako niya sa mag-asawa.
Nakita niya ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ni Stella. Mula sa pagkaka kunot-noo ay nabalot iyon ng pagtataka at gulat.
“Inampon ka, hija? Bakit naman, nasaan na ang mga tunay mong magulang?” usisa nito.
“Hindi ko ho alam. Ang sabi raw po sa ampunan ay isang taon gulang pa lamang nang iwan ako ng nanay ko sa may labas ng ampunan sa San Roque,” pagkukwento niya.
Namayani ang katahimikan. Hindi niya nakita ang makahulugang tinginan ng mag-asawa.
“S-san R-roque ba k-kamo, hija? Doon ka i-iniwan?” utal-utal na tanong ni Stella.
Tumango siya bago kinuha ang isang lumang lampin sa kaniyang bag. Dala-dala niya iyon kahit saan siya magpunta. Iyon na lamang ang nag-iisang bagay na konektado sa kaniyang nakaraan.
“Ito po. Ito po ang lampin ko noon. Dito nakaburda ang isang pangalan na pinaniniwalaang ang tunay kong pangalan. Kimberly.”
Napalingon siya kay Stella nang marinig niya ang mahina nitong paghikbi.
Nang lingunin niya ang babae ay nakita niya ang pagpupunas nito ng luha.
“Bakit po?” natatarantang usisa niya sa babae.
Nang lingunin niya naman si Henry ay laglag ang pangang nakamaang lamang ito sa kaniya.
“H-hija, maari ko bang makita ang likod mo? May gusto lamang akong kumpirmahin,” maya maya ay wika ng ginang.
Bagaman nagtataka ay pinagbigyan niya ang babae lalo pa’t lumuluha pa rin ito.
Nang makita nito ang likod niya ay tuluyan na itong napahagulhol.
“Ano po ba talaga ang nangyayari?” muli niyang tanong sa mag-asawa.
Si Stella ang sumagot sa garalgal nitong boses.
“Ikaw ang anak na matagal ko nang hinahanap… Kimberly. Ang lampin, ang balat mo sa likod. Sigurado ako na ikaw ang anak kong iniwan ko sa ampunan noon.”
Ilang segundo ang lumipas bago tuluyang rumehistro sa isip niya ang sinabi nito.
“Ano pong sinabi ninyo?” gulat na saad niya.
Doon na nagsimulang magkwento ang mag-asawa.
Iniwan daw siya noon ng ina sa takot nito na madiskubre ni Henry na mayroon na itong anak sa ibang lalaki. Ngunit nakonsensya ang ginang kaya binalikan siya nito matapos ang isang linggo. Subalit may mga nakaampon na sa kaniya.
“Mula noon, hanggang ngayon, araw-araw ka pa rin iniisip ni Stella,” kwento pa ni Henry.
Hindi siya makapaniwala sa narinig. Sa wakas ay nahanap niya na rin ang kaniyang tunay na ina!
“Salamat sa Diyos at nahanap na rin kita, anak! Patawarin mo ako sa pang-iiwan ko sa’yo noon!”
Isang mahigpit na yakap ang ipinagkaloob sa kaniya ng ginang.
Yayakapin niya na sana ito pabalik nang may mapagtanto siya.
“Ibig sabihin po ay kapatid ko si Benjie?” naluluhang tanong niya. Paano na sila?
Tawa ang isinukli ng mag-asawa.
“Hindi, hija. Iba ang nanay ni Benjie. Hindi kayo magkadugo,” paliwanag ni Henry.
Noon bumalik sa kusina si Benjie, na katatapos lamang makipag-usap sa telepono. Takang-taka ito sa tagpong inabutan.
Nang ikwento nila dito ang natuklasan ay kagaya nila, hindi rin ito makapaniwala.
“Wow! Grabe, ang liit liit ng mundo!” humahangang komento nito, na sinang-ayunan naman nila.
“Mabuti, siguradong tanggap na tanggap ka na ni Mama at Papa,” biro pa nito kaya naman nabalot ng tawanan ang hapag-kainan.
Masayang masaya si Reese dahil una, nahanap niya si Benjie, ang taong tunay na magmamahal sa kaniya. At ikalawa, ito ang naging daan upang matagpuan niya ang kaniyang tunay na ina na matagal niya nang hinahanap.