Inday TrendingInday Trending
Nagalit Siya sa Ina na Ipinamigay ang Kaniyang Paboritong Gamit; Napahiya Siya sa mga Tumanggap ng Bigay

Nagalit Siya sa Ina na Ipinamigay ang Kaniyang Paboritong Gamit; Napahiya Siya sa mga Tumanggap ng Bigay

“Mama!”

Ang galit na tinig ni Lauren ang pumailanlang sa buong bahay.

“Anak, ano ‘yun?” tarantang tanong ng kaniyang ina nang sumilip ito sa kaniyang silid.

“‘Ma! Nawawala ‘yung bag ko! Ang tagal kong hindi nagamit nun, pero nandito lang ‘yun, eh!” pasigaw na wika niya sa ina bago nagdadabog niyang isinara ang aparador.

Nakita niya ang gulat sa mukha ng kaniyang ina. Nakangiwi ito nang muling magsalita.

“Naku, anak, ginagamit mo pala ‘yun? Akala ko hindi mo na ginagamit, kaya ipinadala ko sa probinsya, para sa mga pinsan mo,” paliwanag ng kaniyang ina.

Tila naman napanting ang tainga niya sa narinig na paliwanag ng ina.

“Ano, Mama? Bakit mo naman ipinamigay? Hindi ko ginagamit dahil mahal ‘yun, ayaw kong maluma kaagad!” inis na inis na bulalas niya.

“Noong tumawag kasi ang Tita Amy mo, nabanggit niya na luma na raw ang mga bag ng mga pinsan mo at wala silang pambili. Eh sangkatutak naman ang bag na hindi mo ginagamit, kaya naisip ko na ibigay sa kanila ‘yung iba…” katwiran nito, na lalo niyang ikinainis.

“Ano? Ibig sabihin, hindi lang isa ang ipinamigay mo?!” nanlalaki ang matang muli niyang binuksan ang aparador upang maghalungkat.

Mas lalo pa siyang nanggalaiti nang malamang hindi lamang isa, kundi tatlong bag ang ipinamigay ng ina!

“Hindi ka man lang nagpaalam sa akin! Hindi naman sa inyo, pinapamigay niyo!” bulalas niya bago padabog na isinara ang pinto ng kaniyang kwarto.

Nang bandang hapunan na ay narinig niya ang tinig ng kaniyang Papa mula sa labas.

“Lauren, tigilan mo na ang kamumukmok mo, bumaba ka, at ‘wag mong paghintayin ang pagkain,” marahan ngunit punong-puno ng awtoridad na pahayag ng kaniyang ama.

Wala siyang nagawa kundi sumalo sa pagkain sa mga ito.

“Ano ba ang nangyari at tinotopak ka na naman?” usisa ng kaniyang ama.

“Si Mama kasi, ipinadala sa probinsya ang mga bag ko! Bago pa ang mga ‘yun, eh!” nakairap na tugon niya.

“Pasensiya na nga, anak, hindi ko naman alam. Saka marami ka namang bag, samantalang ang mga pinsan mo sa probinsya, walang wala,” muling katwiran ng kaniyang ina.

Nakita niya ang pag-iling ng kaniyang Papa bago ito muling nagsalita.

“Oo nga naman, hindi mo naman magagamit ang mga bag mo nang sabay-sabay. Saka marami ka pa namang natira na bag, hindi ba?” tanong ng kaniyang ama.

Nang hindi siya sumagot ay narinig niya ang pagbuntong hininga nito.

“O siya, sige. Bibigyan na lang kita ng pambili,” pagsuko ng Papa niya.

Napangiti si Lauren. Kahit kailan talaga ay hindi siya natiis ng kaniyang mga magulang.

Bago sila matapos kumain ay inabutan siya ng kaniyang ama ng ilang lilibuhin upang palitan ang mga nawala niyang bag.

Agad naman siyang tumungo sa malapit na mall upang mamili.

Kinabukasan, habang kumakain sila ng almusal ay isang balita ang hatid ng kaniyang Mama.

“Dadalaw raw sila Amy dito sa Sabado, siguraduhin niyo na libre kayo nang araw na iyon ha,” bilin nito.

Tumango tango naman ang mag-ama.

Nang dumating ang araw ng Sabado, maaga pa lamang ay gising na ang mag-anak upang maglinis at maghanda sa pagdating ng bisita.

Mga bandang alas nuwebe nang huminto ang isang jeep sa harapan ng kanilang bahay.

“Ate!” narinig niyang sigaw ng kaniyang Tita Amy.

Masayang nagyakap ang kaniyang ina at ang kapatid nito.

Nakita niya rin ang kaniyang Tito Lander at ang mga pinsan niyang hindi nalalayo sa kaniya ang edad. Sina Beatriz, Nikki, at Ciara.

“Ate Lauren!” halos magkakapanabay na sigaw ng tatlo.

Natutuwang isa-isa niyang niyakap ang mga pinsan. Halos isang taon din niyang hindi nakita ang mga ito.

“Kumusta na kayo?” tanong niya sa tatlo.

“Ayos naman, Ate! Ikaw, kumusta ka na? Grabe, ang ganda ganda mo lalo!” buong paghangang komento ni Ciara.

“Salamat, kayo rin, ang gaganda niyo! Tara, pasok tayo sa loob!” yaya niya sa mga pinsan.

Nang makapasok sila sa loob ng bahay ay narinig niyang nagsalita si Nikki, ang pinakamatanda sa tatlo. Isang taon lamang ang tanda niya rito. Ito rin ang pinakamalapit sa kaniya.

“Ate, salamat sa mga pinadala mong bag ha. Ang laking tulong nun sa’min. Bawas sa gastos. Ilang buwan din kasing nawalan ng trabaho si Papa, nasira kasi ang pampasada niyang jeep. Buti nga nakabalik na siya,” pagkukwento nito.

Naumid ang dila niya sa narinig. Paano niya sasabihin sa pinsan na pinagdamutan niya ang mga ito?

“Sa totoo lang, bilib na bilib kami sa’yo, Ate. Ang bait-bait mo sa amin, tapos binigyan mo pa kami ng magagandang bag!” wika naman ni Beatriz.

Hiyang-hiya siya sa mga pinsan. Noon niya napagtanto na ang damot-damot niya pala. Siya ang mayroong higit sa sapat ngunit hindi man lamang siya makapagparaya sa mga pinsan.

Isang ideya ang pumasok sa isip niya. Iyon lamang ang naiisip niyang paraan upang maitama niya ang naging pagkakamali.

“Halika, punta tayo sa kwarto ko!” sabik na yaya niya sa mga pinsan.

“Pumili kayo ng kahit na anong gusto niyo. Sapatos, damit, bag, kahit na ano. Ibibigay ko sa inyo,” nakangiting wika niya.

Nanlaki ang mata ng tatlo, tila hindi makapaniwala sa sinabi niya. Ngunit maya maya lang ang nagkakagulo na ang mga ito habang tuwang tuwang namimili.

Sa huli ay walang mapagsidlan ang tuwa ng kaniyang mga pinsan.

Nang makauwi ang mga ito ay nakita niya ang malaking ngiti ng kaniyang Mama at Papa. Tila proud na proud ang mga ito sa ginawa niya.

Nabawasan man ang magagandang damit, bag, at sapatos ni Lauren ay wala siyang naramdaman na pagsisisi. Natutunan niya may isang mas mahalaga pa kaysa sa mga materyal na bagay – ang pagtulong sa mga wala, lalo na kung sila ay pamilya.

Advertisement