Inday TrendingInday Trending
Kinalimutan ng Isang Dyanitor ang Pangarap na Maging Isang Guro para sa Pamilya; Hindi Niya Akalaing Balang Araw ay Matutupad pa rin Ito

Kinalimutan ng Isang Dyanitor ang Pangarap na Maging Isang Guro para sa Pamilya; Hindi Niya Akalaing Balang Araw ay Matutupad pa rin Ito

“Tingnan mo nga naman, Arceli, sa dinami-dami ng mga nanliligaw sa’yo ay d’yan ka pa sa janitor na si Renato bumagsak. Mahirap na nga ang pamilya n’yo ay nakapangasawa ka pa ng mas mahirap,” saad ni Rebecca sa kaniyang pinsan.

“Maayos naman si Renato, pinsan. Kahit na minsan ay salat talaga kami sa pang-araw-araw na gastusin ay hindi naman niya kami pinababayaan ng mga bata. Sa katunayan nga ay nagtanim pa siya sa eskwelahan ng mga gulay nang sa gayon ay may makakain kami kahit paano. Tuwang-tuwa nga raw ang prinsipal,” kwento naman ni Arceli.

“Ni minsan ba ay hindi mo naisip na ano kaya ang naging buhay mo kung ang ibang manliligaw mo ang nakatuluyan mo? Tulad ni Arnold na isang inhinyero, malamang ko ay buhay donya ka ngayon kung siya ang mister mo,” saad pa ng pinsan.

“Lagi kong naiisip na kung hindi si Renato ang napangasawa ko ay malamang ko’y hindi ako ganito kasayang asawa. Mabuting asawa si Renato at hindi nasusukat sa kung ano ang estado niya sa buhay ang kaligayahang nadadala niya sa pamilya namin. Hindi lahat ng lalaki ay responsableng tulad niya. Hindi lahat ng tatay ay mapagmahal sa mga anak gaya niya,” wika pa ni Arceli.

Ang hindi alam ng magpinsan ay hindi sinasadya ni Renato na marinig ang kanilang pag-uusap. Kahit na masaya siya sa mga naging tugon ng kaniyang asawa ay may kurot pa rin ito sa kaniyang dibdib kahit paano. Lahat naman kasi ng padre de pamilya ay naghahangad ng magandang buhay para sa kaniyang asawa at mga anak.

Anak ng isang dyanitor si Renato at minana niya na ang trabahong ito mula sa kaniyang ama. Sa kanilang sampung magkakapatid ay wala man lamang isang nakapagtapos. Nais man noon ni Renato na tumuntong ng kolehiyo ay imposible dahil sa hirap ng buhay. Hanggang sa napangasawa na niya ang dalagang si Arceli, ang kaniyang kababata.

Masaya naman ang pamumuhay ng kanilang mag-anak. Nakakapag-aral ang kanilang mga anak at naibibigay naman ni Renato ang mga pangunahing pangangailangan ng kaniyang mga pamilya. May mga pagkakataon nga lang talaga na hindi sumasapat ang sahod niya. Ngunit hindi huminto sa pagsusumikap itong si Renato.

Dahil magaling ang mga kamay ni Renato sa larangan ng pagguhit at malikhain ang kaniyang isip, umeekstra ang ginoo sa paggawa ng ilang proyekto at pagpipinta sa paaralan. Siya rin ang tinatawag sa tuwing may kailangang ipakumpuni.

Isang araw ay pinagmamasdan ng mga bata itong si Renato habang nagpipinta ng pader. Hindi maiwasan ng prinsipal na si Ginoong Reyes na mapansin kung paano makitungo ang kanilang dyanitor sa mga mag-aaral.

Tinuturo kasi ni Renato sa mga bata ang bawat hakbang na kaniyang ginagawa upang makaguhit sa pader. May isang bata pa nga na kumuha ng kwaderno at lapis at ginagaya ang ipinipinta ni Mang Renato.

Nang matapos si Renato ay agad siyang nilapitan ni Ginoong Reyes.

“Renato, huwag mong mamasamain ang tanong ko pero nais ko kasing malaman kung ano talaga ang pangarap mo sa buhay? Alam ko namang hindi pagdi-diyanitor iyon,” sambit ni Ginoong Reyes.

“Nais ko pong maging isang guro. Pero dahil nga salat po kasi sa buhay ay hindi na rin natupad ang mga pangarap ko. Kaya nagsisikap po ako ngayon para ang mga anak ko naman ang makatupad ng pangarap na hindi ko naabot. Walang titigil sa kanila sa pag-aaral hanggang kaya ko. Sa tingin ko rin naman ay nakatadhana na ako para maging isang dyanitor. Hindi rin naman ako nalalayo sa pangarap ko dahil dito ako sa eskwelahan nagtatrabaho. Kaya para na ring akong guro lalo na kapag nagtatanong sa akin ang mga bata tungkol sa pagguhit,” pahayag naman ni Renato.

Labis na humanga si Ginoong Reyes sa magandang disposisyon ni Renato sa buhay. Kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip pa na alukin ang dyanitor na ipagpatuloy nito ang kaniyang pag-aaral.

“Napakasaya ko po sa alok n’yo pero sa tanda kong ito ay parang huli na po na bumalik ako sa pag-aaral. At saka baka mapahiya lang kayo sa akin dahil mas matalino pa ata sa akin ang mga kabataan ngayon,” saad ni Renato sa principal.

“Huwag mong intindihin ang edad mo, Renato. Wala sa edad ang pag-aaral. Ako ang magiging isponsor mo sa pagbalik mo sa kolehiyo. Ako ang nanghihinayang sa regalong ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi lahat ay may kakayahang magturo nang maayos sa mga bata. Ayaw mo bang mas ipagmalaki ka ng mga anak mo at maging ehemplo ka sa kanila upang sila rin ay magtapos ng pag-aaral?” saad pa ni Ginoong Reyes.

Sa puntong iyon ay bigla na lamang nagbalik sa alaala ni Renato ang narinig niyang pag-uusap ng asawa at ng pinsan nito. Marahil ay lalo pa siyang ipagmamalaki ng kaniyang asawa at higit niyang maibibigay ang mga pangangailangan ng mga ito kung siya ay magiging isang ganap na guro.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Renato at agad niyang sinunggaban ang alok ng prinsipal. Nagtatrabaho siya sa umaga at nag-aaral naman sa gabi. Sa loob ng apat na taon ay malaki ang kaniyang isinakripisyo upang makatapos ng pag-aaral. Marami rin ang kumukutya sa kaniya at natatawa dahil nga sa kaniyang edad ay nakuha pa niyang mag-aral muli.

Ngunit pinatunayan ni Renato ang kaniyang sarili at dedikasyon sa pag-aaral. Hanggang sa tuluyan na ngang nagtapos ng kolehiyo itong si Renato sa tulong na rin ni Ginoong Reyes.

Ngunit ang totoong hamon ay kung maipapasa niya ang pagsusulit upang maging ganap na siyang guro.

“Bakit ka ba kinakabahan, Renato? Malayo na ang narating mo. Ngayon ka pa ba susuko?” sambit ni Arceli sa kaniyang asawa.

“Pumasa ka man o hindi ay narito lang kami sa tabi mo ng mga anak mo. Naniniwala kami sa kakayahan mo at higit sa lahat ay naniniwala kaming ginagabayan ka ng Panginoon. Maipapasa mo ang pagsusulit dahil pinaghirapan mo ito,” nakangiting sambit ni Arceli sa mister.

Lumipas ang mga araw at ang tanging hinihintay na lamang ni Renato ay ang resulta ng pagsusulit. Labis ang kaniyang kaba na halos hindi na siya makatulog sa paghihintay. Madalas din ay natutulala siya sa kaniyang trabaho.

Isang araw habang abala sa paglilinis si Renato ng eskwelahan ay agad siyang ipinatawag ng prinsipal.

“Renato, bitawan mo na ang mga panlinis mo at kailangan ka nang umalis sa trabaho mo,” saad ni Ginoong Reyes.

“P-pasensiya na po kung nitong mga nakaraang araw ay hindi po ako mapakali. Pero huwag n’yo naman po akong tanggalin sa trabaho ko dahil dito lang po umaasa ang pamilya ko. Pangako po ay hindi na po mauulit. Basta huwag n’yo lang po akong tanggalin sa trabaho ko, ginoo!” pakiusap ni Renato sa principal.

“Hindi mo na kailangan pa ang mga gamit mo sa pagiging dyanitor, Renato, dahil masaya kong ibinabalita sa iyo na isa ka nang ganap na guro! Nakapasa ka sa pagsusulit!” sambit ni Ginoong Reyes.

Hindi napigilan ni Renato ang kaniyang mga luha dahil sa kaligayahan. Batid niyang sa puntong iyon ay tuluyan nang magbabago ang takbo ng buhay nilang mag-anak.

Masayang ibinalita ni Renato sa kaniyang mga asawa at anak ang magandang balita.

“Talagang mahusay ka, Renato. Salamat sa Diyos dahil Siya ang nagbigay sa iyo ng kakayahang ito,” umiiyak din sa galak na sambit ni Arceli.

Labis ding ipinagmamalaki ng kaniyang mga anak itong si Renato.

Lubos naman din ang pasasalamat nitong si Renato sa pagtitiwalang ibinigay sa kaniya ni Ginoong Reyes.

“Kung hindi po dahil sa inyo ay wala po sana ako sa kinaroroonan ko ngayon. Hindi po ako magiging isang guro kung hindi dahil sa inyo, Ginoong Reyes. Maraming maraming salamat po!” naluluhang sambit ni Renato sa prinsipal.

“Ang lahat ng ito ay bunga ng iyong pagsisikap, Renato. Ginamit lang ako ng Panginoon na maging daan upang matupad mo ang mga pangarap mo. Binabati kita, Renato! Ipinagmamalaki ka ng buong eskwelahang ito!” sambit ng prinsipal.

Tuluyan na ngang nilisan ni Renato ang pagiging dyanitor at naging isang ganap nang guro. Sa haba ng taon ng kaniyang pagtuturo ay maraming parangal siyang nakuha. Marami ring estudyante ang nagpapasalamat sa kaniya dahil sa walang sawa nitong paggabay sa kanila.

Isang magandang ehemplo si Renato sapagkat hindi niya sinukuan ang kaniyang mga pangarap.

Advertisement