Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagdalawang-Isip ang Drayber na Tulungan ang Kawawang Bata; ‘Di Niya Akalain na Ito Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Maginhawang Buhay

Hindi Nagdalawang-Isip ang Drayber na Tulungan ang Kawawang Bata; ‘Di Niya Akalain na Ito Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Maginhawang Buhay

Hatinggabi na at ibinigay na ni Mang Mando sa kaniyang karelyebo ang pampasaherong dyip na kaniyang minamaneho. Habang nasa garahe at inaayos ang ilang gamit ay napansin niya ang isang bata na nakaupo sa sulok at tila namimilipit sa sakit ng tiyan.

“Boy, ayos ka lang ba? Ano ang masakit sa’yo?” pag-aalala ni Mang Mando sa bata.

“Masakit po ang tiyan ko dahil halos dalawang araw na po akong hindi kumakain, ginoo. Baka po meron po kayo riyan kahit magkano para lang makabili ako ng kanin at kahit sabaw man lang po,” nahihirapang tugon naman ng bata.

Dahil naaawa sa kalagayan ng bata itong si Mang Mando aya agad niya itong dinala sa isang karinderya upang pakainin.

“Sige na at umorder ka na ng kahit anong gusto mo at sagot ko na ito,” nakangiti niyang sambit sa bata.

Nahihiya man ang bata ay tinuro niya ang mainit na kanin at ang nilaga. Bukod pa doon ay binilhan din siya ng ginoo ng juice.

“Kumain ka lang nang kumain, hijo. Siya nga pala, ano ba ang pangalan mo at paano kang napadpad dito sa lugar na ito?” tanong muli ni Mang Mando.

Halos mabulunan na ang bata sa bilis niyang kumain dahil sa labis na pagkagutom. Hindi na muna siya inistorbo ng ginoo sa kaniyang pagkain. Nang matapos ay nagpasalamat ang bata sa tulong na nagawa sa kaniya ni Mang Mando.

“Maraming salamat po, ginoo. Ako po pala si Junior. Ayan na po ang nakasanayan kong pangalan. Pwede po bang huwag n’yong ipagkakalat pero tumakas lang po kasi ako sa mga sindikato na may hawak sa amin. Sumakay po ako nang sumakay ng pampasaherong sasakyan hanggang dito po ako nadala. Labis po ang takot ko kaya doon lang po ako sa may sulok naglagi. Baka po kasi makita na naman ako ng mga sindikato at bugb*gin ako,” paliwanag ng bata.

“Hayaan mo, ngayong gabi ay iuuwi muna kita sa bahay namin. Doon ka muna at saka ko irereport sa mga pulis ang nangyari sa’yo. Malamang ko ay hinahanap ka na rin ng mga magulang mo,” muling sambit ni Mang Mando.

Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng kaligtasan itong si Junior sa piling ni Mang Mando. Ngunit pagdating sa bahay ng ginoo ay hindi maganda ang pagsalubong sa kanila ng asawa nito.

“Bakit ka nag-uwi ng bata dito, Mando? Ni hindi mo nga alam kung totoo ba ang sinasabi ng batang iyan! Baka mamaya ay pagnakawan lang tayo niyan! Ibigay mo sa mga pulis ‘yan at hindi dito matutulog ang batang iyan! Hindi bahay-ampunan itong bahay natin!” sambit ng asawang si Celia.

“Kawawa naman at walang matutuluyan. Ilang gabi na rin siyang nasa garahihan ng dyip. Sa tingin ko naman ay mabait ang batang ito. Bukas na bukas ay pupunta kami ng himpilan ng pulisya para ireport ang nangyari sa kaniya. Pero sa ngayon ay dito muna siya magpalipas ng gabi,” saad naman ni Mang Mando.

“Bahala ka, Mando, pero kargo de konsensya mo kapag may nangyari sa ating dalawa! Nag-uuwi ka pa ng bata dito ang malala pa ay hindi mo man lang kilala! Anong klaseng tao ka?” galit na sambit pa ng ginang.

Nang humupa na ang galit ni Aling Celia ay agad na kinausap ni Mang Mando itong si Junior.

“Pasensiya ka na sa asawa ko at nag-iingat lang iyon. Isa pa ay hindi rin siya sanay na may ibang tao dito. Kaming dalawa lang kasi mula noon pa. Wala rin kasi kaming anak,” pahayag ni Mang Mando.

“O siya, maglinis ka na muna ng katawan. Hihiram muna ako ng damit sa pamangkin ko nang sa gayon ay may maisuot ka nang maayos. Bukas na bukas ay gagawa tayo ng paraan upang mahanap mo ang mga magulang mo,” dagdag pa ng ginoo.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay agad na nagpunta sa pulisya itong si Junior. Dahil hindi nga kaanu-ano ni Mang Mando itong bata ay inilapit ng himpilan sa DSWD ang kaso ni Junior. Habang hinahanap ang mga magulang nito ay dinala muna sa isang pasilidad itong si Junior. Doon ay naging maayos naman siya.

Minsan ay dinadalaw rin siya ni Mang Mando upang masiguro ang kaniyang kaligtasan.

“Basta, huwag kang makipag-away dito. Darating ang panahon may mga lalapit sa’yo at baka awayin ka. Ang mapapayo ko lang ay ikaw na ang lumayo,” paalala ni Mang Mando.

Tila naging ama ni Junior itong si Mang Mando. Minsan sa isang linggo ay pinupuntahan niya ang bata. Hanggang sa isang araw ay nabalitaan na lamang ni Mang Mando na wala na roon si Junior.

“Kinuha na siya ng mga magulang niya. Matapos kasing magawa ang mga kaukulang interbyu at pagsusulit ay napatunayan ding sila ang mga magulang ni Junior. Nasa maayos naman pong kalagayan ang bata at matagal na rin siyang hinahanap kasi ng mga magulang niya. Ang alam namin ay dinala na sa ibang bansa nang sa gayon ay makalimutan daw ng bata ang nangyari sa kaniyang pagdukot,” saad ng tauhan sa pasilidad.

Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Mang Mando dahil kahit paano ay napalapit na rin siya kay Junior. Isa pa ay hindi niya alam kung isang araw ay makikita pa niya ito.

Lumipas ang mga taon ay tumanda na rin itong si Mang Mando. Mag-isa na lamang ito sa buhay dahil maagang yumao ang asawang si Celia mula sa isang matinding karamdaman. Namamasada pa rin ito upang mabuhay naman ang kaniyang sarili.

Minsan ay naiisip pa rin ni Mang Mando si Junior at kung nasaan na ito. May mga pagkakataon nga na ay dumadaan pa ito sa bahay-ampunan at nagbabakasakali na baka makita niyang muli doon si Junior.

Isang araw ay nabangga ni Mang Mando ang minamaneho niyang sasakyan. Dahil dito ay nagpasya na ang may-ari ng dyip na tuluyan nang alisin sa pagiging drayber itong si Mang Mando.

“Matanda na po kayo at hindi n’yo na kayang makipagsabayan sa daan. Dapat sa inyo ay magpahinga na lang,” saad ng may-ari.

“P-pero hindi ko alam kung paano bubuhayin ang aking sarili. Kailangan ko ring magbayad ng renta sa inuupahan ko kung hindi mapaaalis ako. Pakiusap huwag mo naman akong tanggalin bilang isang drayber,” pagmamakaawa ng matanda.

Ngunit wala nang nagawa pa ang kaniyang mga pakiusap dahil tuluyan na siyang tinaggal sa pamamasada.

Upang buhayin ang kaniyang sarili ay napilitan si Mang Mando na magtinda na lamang ng basahan sa kalye. Hindi inaalintana ang panahon, mainit man o umulan ay laman siya ng kalsada.

Nawawalan na siya ng pag-asa sa kaniyang buhay hanggang sa isang lalaki ang muling nagbalik.

“Mang Mando, naaalala pa po ba ninyo ako?” tanong ng isang binata.

Pinakatitigan masyado ni Mang Mando ang mukha ng naturang binata at halos maluha siya nang makita ang ang batang si Junior sa kaniyang harapan.

“Ikaw na ba ‘yan, Junior? Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya na makita ka. Mas masaya pa ako dahil ngayon ay alam kong nasa maayos kang kalagayan,” wika pa ng matanda.

“Pasensya na kayo at hindi na po ako nakapag paalam sa inyo. Nahirapan din ako na makabalik dito sa Pilipinas dahil hindi rin naman madali ang naging buhay namin sa ibang bansa. Pero pinilit ko pong makatapos at pinangako ko sa sarili ko na kapag may maayos na ang buhay ko ay babalikan ko kayo upang magpasalamat. Masaya ako at sa wakas ay dumating na ang araw na iyon!” sambit ni Junior sa matanda.

“Hindi ko po makakalimutan, Mang Mando, ang tulong na ginawa n’yo para sa akin. Kayo po ang naging daan upang mahanap ko ang tunay kong mga pamilya. At sa unang pagkakataon ay naramdaman ko kung paano magkaroon ng magulang. Nais ko pong ibalik sa inyo ang kabutihang ginawa n’yo sa akin. Isasama ko na po kayo sa ibang bansa at ako naman po ang bahala sa inyo. Wala na rin naman po ang mga magulang ko dahil sumakabilang buhay na sila pareho dahil sa karamdaman. Kayo na lang po ang magiging tatay ko,” dagdag pa ng binata.

Hindi makapaniwala si Mang Mando sa kaniyang mga narinig. Hindi niya akalain na isang araw ay mararanasan niya ang ginhawa ng buhay at sa pamamagitan pa ito ng isang batang hindi man lamang niya kaanu-ano.

Simula nang araw na iyon ay inayos ni Junior ang mga papeles upang maisama na niya si Mang Mando sa ibang bansa upang doon na rin manirahan. Itinuring ni Junior na parang tunay na magulang na rin itong si Mang Mando.

Sa loob ng matagal na panahon ay nagsama ang dalawa. Nakahanap ng pamilya sina Mang Mando at Junior sa isa’t isa.

Tunay ngang sa buhay nating ito ay makakatagpo tayo ng mga taong bigla na lamang magpapabago ng ating buhay.

Advertisement