Walang Habas na Tsinitsismis ng Ginang ang Kapitbahay Niyang Asawa ng Seaman; Halos Manghiram Siya ng Mukha sa Aso nang Malaman Niya ang Katotohanan
“Mare, ano ba ang tinitingnan mo riyan at halos humaba na ang leeg mo?” pagtataka ni Mildred sa kumareng si Gemma.
“Huwag ka ngang maingay riyan at pumasok ka na rito sa loob ng bahay. Tinitingnan ko kasi ‘yang kapitbahay nating si Alice,” pabulong na sagot naman ng ginang.
“O, ano naman ang tungkol kay Alice? Napakaswerte nga ng babaeng iyan dahil hindi na niya kailangan pang magtrabaho. Lahat ata ng gusto ay naibibigay ng asawa dahil seaman! Malaki ang sahod ng mga gano’n, ‘di ba?” pahayag muli ni Mildred.
“Oo nga! Kaya nga tinitingnan ko rin iyang si Alice. Mantakin mo kasi walang tigil ang pagdating ng mga deliveries diyan sa bahay nila. Siguro ay walang ginawa kung hindi mag online shopping. Ibang klase rin, ano? Minsan nga ay malalaki pang mga package ang dumating. Kung anu-ano siguro ang mga inoorder niyan!” sambit pa ni Gemma sa kumare.
“Ano ngayon ang kaso, mare? Malaki naman ang sahod ng asawa niya. Kung kaya naman nilang bumili ay hindi na natin problema ‘yun! Huwag mong sabihin sa aking naiinggit ka?” tanong muli ni Mildred.
“Bakit naman ako maiinggit diyang kay Alice. Ibahin mo ako, ano? Imbis na ilaan ko kung sa kung anu-ano ang kinikita ng asawa ko ay iipunin ko na lang! Nakatulong pa ako sa pamilya namin!” sambit pa ni Gemma.
Ngunit ang totoo ay matagal nang may inggit itong si Gemma sa kapitbahay niyang si Alice. Lalo na nang malaman nito noon na aalis na ang asawa ni Alice na si Cardo upang maging isang ganap na seaman. Alam kasi niyang ito na ang simula na maungusan siya ng ginang.
Lalo pang tumindi ang kaniyang inggit nang mapansin ni Gemma na araw-araw na may dumarating na mga delivery boy sa bahay nila Alice upang maghatid ng mga package.
Upang maitago naman ni Gemma ang kaniyang inggit ay pilit siyang gumagawa ng kwento laban kay Alice.
“Grabe, ano? Habang naghihirap ang asawa niya sa barko ay siya naman itong nagwawaldas lang ng kita ng kaniyang asawa. Mantakin mo at maya-maya ang order niya online. Kapag nalaman ‘yan ng asawa niya ay tingin ko, hindi malayo na hiwalayan ang gastador na babaeng iyan!” saad pa ng ginang.
Kahit na alam ni Alice na siya palagi ang laman ng tsismisan ng mga kapitbahay ay hindi na lamang niya pinatulan ang mga ito.
“Hindi mo man lamang ba papatigilin ang mga kapitbahay mo sa pagkakalat ng balita?” pagtataka ng delivery man.
“Wala naman akong utang na paliwanag sa mga kapitbahay ko dahil hindi naman sila ang nagbibigay sa akin ng pambili. Isipin na nila ang nais nilang isipin sa akin ngunit wala akong kailangang ipaliwanag sa kanila,” saad naman ni Alice.
Dahil hindi pumapatol itong si Alice ay lalong tinutubuan ng inis sa kaniya ang kapitbahay na si Gemma. Nagpatuloy ang pagkakalat nito ng mga tsismis sa ilan nilang kapitbahay.
“Alam mo may isa pa akong napansin diyan kay Alice. Napansin ko kasi na halos iisang delivery man lang ang nagpupunta sa bahay niya. Sa tingin ko ay malaki ang tiyansa na karelasyon niya iyon. Siguro ay pinapalabas lang nilang taga-deliver ng order nang sa gayon ay malaya silang magkita! Iba kasi ang tinginan at mga ngitian nila, e!” kwento ni Gemma sa kaniyang kumareng si Mildred.
Ngunit kahit ano pa ang ginagawang mga istorya ni Gemma tungkol kay Alice ay wala silang narinig na kahit ano mula sa ginang.
Hanggang sa isang araw ay kumalat ang balita na uuwi na raw pansamantala ang asawa ni Alice dahil naaksidente ito sa barko.
“Malamang ko ay magugulat ang asawa niya dahil wala man lamang naipon ang gastador na babaeng ‘yan! Hinihintay ko na magsigawan sila ng asawa niya at ipamukha riyan kay Alice kung gaano siya kalikot sa pera! Imbis na ipunin ay kung anu-ano ang binibili niya!” pagmamalaki pa ni Gemma.
“Masakit din siguro para sa asawa niyang malaman na sa wala din napunta ang pinaghirapan niya. Lalo pa kapag nalaman niyang baka nga totoo ang hinala mong may relasyon pa si Alice at ‘yung rider,” saad naman ni Mildred.
“Sigurado ‘yang ititigil muna ni Alice ang pag-order niya para hindi makatunog ang kaniyang asawa,” saad muli ni Gemma.
Laging nakabantay si Gemma sa pag-uwi ng asawa ni Alice. Hanggang sa isang araw ay nakabalik na nga ito. Abang na abang si Gemma na marinig ang pag-aaway ng mag-asawa kapag nalaman ng ginoo ang ginagawa umanong pagwawaldas ni Alice ng kanilang pera.
Ngunit nagulat na lamang si Gemma nang makita muli niya ang delivery man na nasa tapat ng bahay nila Alice. Dito na hindi nakapagpigil si Gemma at kinompronta na niya ang kapitbahay.
“Wala ka talagang awa sa asawa mo! Kahit na naaksidente na siya sa pagtatrabaho sa barko para sa inyo ay wala pa ring habas ang pagwawaldas mo ng pera. Baka mamaya ay kung saan na lang kayo pulutin niyan! O baka nga tama ang hinala namin dito na may relasyon kayo ng delivery man na iyan!” sita ni Gemma kay Alice.
Ayaw na sanang patulan ni Alice itong si Gemma ngunit mismong ang delivery man na mismo ang dumepensa para sa ginang.
“Ang dumi naman pala ng isip ng mga kapitbahay mo, pinsan. Alam mo ba, ale, na p’wede ka naming sampahan ng kaso dahil sa mga kinakalat mong balita?! Bukod sa pinsan ko itong si Alice ay hindi rin siya basta nagwawaldas lang ng pera. Nagnenegosyo ng tahimik ang pinsan ko pero wala kayong ginawa kung hindi gawan siya ng kwento. Mabuti nga ay naisip niyang mag buy and sell lalo ngayong walang trabaho ang kaniyang asawa ay kaya pa rin nilang mabuhay. Samantalang kayo ay inuubos niyo ang mga oras ninyo sa pagkakalat ng tsismis. Dapat kayo ang mahiya sa mga asawa ninyo na nagtatrabaho nang maayos tapos kayo ay nakatunganga lamang sa bahay at naghihintay ng ikakasira ng kapitbahay n’yo!” walang tigil na pagsigaw ng pinsan ni Alice sa mga kapitbahay.
Labis na napahiya si Gemma nang malaman niya ang katotohanan. Lalo pa siyang napahiya nang malaman ng kaniyang asawa ang gulo na napasukan niya at hindi man lamang siya nito kinampihan.
“Mainam na iyan sa’yo dahil wala kang inatupag kung hindi bungkalin ang buhay ng iba. Pagdusahan mo ang mga maling ginawa mo! Humingi ka ng tawad kay Alice at sa kaniyang pamilya,” saad ng mister ni Gemma.
Wala nang mukhang maiharap si Gemma kay Alice. Maging ang mga kapitbahay rin nila ay hindi na muling naniwala pa kay Gemma. Ni ayaw nila itong kausapin dahil sa takot na baka gawan din sila nito ng kwento.
Habang patuloy sa pagyabong ang negosyo ni Alice ay siya namang pagliit ng mundo nitong si Gemma dahil hindi na siya makalabas ng bahay dahil sa kahihiyan.
Hindi akalain ni Gemma na malaking pagbabago ang madadala ng pag-uusisa niya sa buhay ng iba. Naging aral sa kaniya ito upang hindi na muli pang pakialaman ang buhay ng ibang tao at lalo na ang paggawa ng maling istorya laban sa iba.