Inday TrendingInday Trending
Nais Maghinganti ng Anak sa Kanilang Padre de Pamilya; Pagdating ng Tamang Panahon ay Taliwas ang Kaniyang Ginawa

Nais Maghinganti ng Anak sa Kanilang Padre de Pamilya; Pagdating ng Tamang Panahon ay Taliwas ang Kaniyang Ginawa

Maghahating gabi na ngunit hindi pa rin nakakatulog itong si Joshua. Rinig na rinig kasi niya ang pagtatalo ng kaniyang nanay at tatay mula sa sala. Pilit niyang ipinipikit ang mga mata upang sa gayon ay makatulog na nang mahimbing. Ngunit sumasama sa kaniyang mga panaginip ang bawat iyak ng kaniyang ina sa tuwing pinagbubuhatan ng kamay ng kaniyang ama.

Lasenggo at sugarol ang ama niyang si Obet. Kulang na nga ang kinikita nito mula sa trabaho niyang drayber ng trak ay ginagastos pa niya sa pambababae. Labis ang pighati na kaniyang dala sa kaniyang mag-ina.

At sa tuwing kinokompronta naman siya ng asawang si Leny ay tanging mga sampal at suntok lamang ang kaniyang nakukuhang sagot.

Humupa na ang pag-aaway ngunit dinig pa rin ni Joshua ang iyak ng kaniyang ina. Nang marinig niya ang kalabog ng pinto, alam niyang hudyat na ito na umalis na muli ang kaniyang ama kaya dali-dali na niyang nilapitan ang kaniyang ina upang damayan. Agad niya itong niyakap nang makita niya ang ina na nakasalampak lamang sa sahig.

“Pumasok ka na sa kwarto, Joshua. Baka bumalik ang tatay mo at pati ikaw ay madamay,” saad ni Leny sa anak.

“‘Nay, bakit kasi hinahayaan mo po si tatay na ganituhin kayo? Paalisin n’yo na siya dito sa bahay natin. O hindi naman kaya ay tayo na lang po ang umalis. Sasama po ako sa inyo kahit saan. Kahit sa mas maliit na bahay, kahit hindi tayo palagi makakain. Basta sasama po ako sa inyo, nanay!” pagtangis naman ng bata.

“Hindi ko mahihiwalayan ang tatay mo anak dahil mahirap ang buhay na hiwalay ang pamilya. Ayaw kong maranasan mo iyon, Joshua,” umiiyak na tugon muli ni Leny.

“Pero mas gugustuhin ko po na iwan na lang po natin si tatay kaysa lagi po kayong nasasaktan, ‘nay. Masama po siyang tao at hindi po niya tayo mahal,” muling wika ni Joshua.

Batid ni Leny na tama ang sinasabi ng kaniyang anak. Ngunit hindi niya alam kung bakit umaasa pa rin siya na isang araw ay magbabago ang kaniyang asawa.

Lumipas ang mga araw at wala pa ring ginawa si Obet kung hindi saktan ang kaniyang asawa. Minsan ay nadadamay na rin si Joshua. Dahil dito, habang lumalaki ang bata ay unti-unti siyang nagtanim ng sama ng loob sa kaniyang ama.

Hanggang sa isang araw ay muling nag-away ang mag-asawa. Nahuli kasi ni Leny itong si Obet na nag-uwi mismo ng babae sa kanilang bahay at doon sila may ginawang kal@swaan.

Sa galit ni Leny ay nagwala ito. Ngunit imbis na humingi ng tawad si Obet ay ito pa ang nagmagaling.

“Kayo ang lumayas sa pamamahay na ito dahil ako ang nagbabayad ng dito! Hindi ka ba nakakahalata na ayaw ko na sa’yo matagal na dahil tuyot ka na! Wala ka ng dating sa akin! Isama mo naman ‘yang anak mo dahil pareho naman kayong walang pakinabang! Mga letse!” bulyaw pa ng mister.

Sobrang kahihiyan ang dinulot nito kina Leny at Joshua. Sa puntong iyon ay labis na rin ang galit ni Joshua sa kaniyang ama.

“Sinusumpa ko na babalikan ko siya at gaganti ako sa lahat ng mga pang-aapi niya sa atin! Igaganti ko kayo, ‘nay! Hindi man ngayon ngunit isang araw ay sisingilin ko siya sa lahat ng ginawa niyang masasama sa atin!” gigil na gigil na sambit ni Joshua habang patuloy sa pag-iyak.

“Anak, kalimutan mo na ang galit mo at iayos na lamang natin ang buhay nating dalawa. Kalimutan mo na lang ang ama mo. Hayaan mo nang ang Diyos ang gumanti para sa iyo,” saad naman ng namimighating ina.

Mula nang araw na iyon ay sinumpa ni Joshua na maghihiganti siya sa kaniyang ama. Ginawa niya ang lahat upang lumakas siya at sa muling pagkikita nila ng ama ay wala na itong kalaban-laban pa sa kaniya.

Nagsikap din siya sa pag-aaral nang sa gayon ay maiahon niya ang kaniyang ina sa kahirapan. Sa sobrang pagnanais niyang maprotektahan ang kaniyang ina laban sa kaniyang ama ay pinili niyang maging isang pulis.

Dumating ang araw na pinakahihintay ni Joshua, ang araw kung kailan haharapin na niya ang kaniyang ama ng tuluyan.

“Gagawin ko sa kaniya ang lahat ng ginawa niyang pahirap sa amin ng nanay ko! Tingnan ko lang kung hindi siya naman ang lumuhod sa harap ko at nagmamakaawa!” saad ni Joshua sa kaniyang sarili.

Agad niyang pinuntahan ang ama sa dati nitong tinitirhan at doon ay nakita niya ang kalagayan nito. Nagkakaedad na rin ito at nagkaroon ng bagong pamilya. Ngunit ang kinakasama nito ngayon ay mga mga anak na halos kasing edad din ni Joshua. Natunghayan ni Joshua kung paano itrato at pagmalupitan ng mga binata ang kaniyang matandang ama.

Hindi niya maunawaan ngunit ang lahat ng kaniyang poot ay napalitan ng awa. Lalo na nang makita pa niyang may kapansanan na ito mula sa pagkaka-stroke ilang taon na ang nakalipas. Tapos ay hindi man lamang inaasikaso ang mga anak nito. Higit pa doon ay pinagbubuhatan din si Obet ng kamay ng kaniyang mga anak.

Dahil sa kaawa-awang kalagayan ng ama ay lumambot ang puso ni Joshua. Imbis na gantihan niya ang kaniyang ama ay pilit niyang kinuha ito upang iuwi sa kanilang bahay.

“E ‘di kuhain mo! Wala kaming pakialam dahil pabigat lang naman sa amin ‘yang tatay mo! Walang dala ‘yan sa amin kung hindi kamalasan! Wala na ngang pakinabang ay pabigat pa!” saad ng anak ng kinakasama.

Pag-uwi naman ni Joshua sa kanilang bahay ay nagulat si Leny nang makita na kasama ng kaniyang anak ang ama nito.

“‘Nay, hindi ko maintindihan pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit kahit na puro pasakit na lang ang dinala sa atin ni tatay ay nais ko pa rin siyang alagaan? Bakit hindi natutuwa ang damdamin ko na makita siya sa ganitong kalagayan?” naiiyak na sambit ni Joshua.

“Dahil walang kasing dalisay ang kalooban mo, anak. Mabuti kang tao kaya kahit na ano man ang nangyari ay kaya mong kalimutan dahil alam mo na ama mo pa rin siya. Hindi man tama ang mga nagawa niya sa atin noon ngunit tama naman ang naging desisyon mo ngayon na kunin at kupkupin siya,” sambit naman ng ina.

Muli ay nagsama ang tatlo bilang isang pamilya. Inalagaan ng mag-inang Leny at Joshua si Obet sa abot ng kanilang makakaya. Hiyang-hiya naman si Obet sa lahat ng kaniyang nagawa sa kaniyang mag-ina.

“Patawarin n’yo ako sa lahat ng kasalanan ko. Pinagsisisihan ko na ang lahat ng iyon! Hindi ako naging mabuting asawa at tatay. Pero napakagaling mo, Leny, napalaki mo nang maayos ang ating anak. Lilisan ako sa mundong ito na panatag ang puso at isip dahil kayo ang kasama ko,” wika pa ni Obet.

Hindi rin nagtagal ay pumanaw na itong si Obet. Maluwag na ring tinanggap nila Leny at Joshua ang sinapit ng padre de pamilya. Sa mga huling sandali ng ginoo ay naging maligaya siya sa piling ng kaniyang tunay na mag-ina. Lumaya na ang isa’t isa mula sa pangit nilang mga nakaraan.

Baon ni Obet sa kaniyang paglisan ang pagpapatawad at pagmamahal ng kaniyang mag-inang sina Leny at Joshua.

Advertisement