Inday TrendingInday Trending
Inaalipusta at Minamaliit ng Dalaga ang Pinsang Janitress; Bandang Huli’y Mas Makakaangat pa Ito sa Kaniya

Inaalipusta at Minamaliit ng Dalaga ang Pinsang Janitress; Bandang Huli’y Mas Makakaangat pa Ito sa Kaniya

“Tumabi ka nga riyan, Mela, at huwag kang haharang-harang sa dadaanan namin! Nakakasira ka ng umaga!” pagtataray ni Laura sa kaniyang pinsan na isang janitress sa pinapasukan niyang opisina.

“Pasensiya na kayo pero kailangan ko talagang linisin kasi ang parteng ito. Malaki naman ang daanan, Laura, pwede kayong sa may kabila na lang,” tugon naman ni Mela.

“Aba at nakuha mo pa talagang sumagot! Alalahanin mo, Mela, na isa ka lang janitress dito at mas mataas ang katungkulan ko sa’yo kaya kailangan ay matuto kang lumugar. Umalis ka nga riyan at nakahambalang ka! Ang aga-aga ay sinisira mo ang araw namin!” naiinis pang sambit ng pinsan.

Sinadyang itapak ni Laura ang kaniyang maputik na sapatos sa sahig na tapos nang lampasuhin ng pinsang si Mela.

“Sobra naman ata ang ginawa mo kay Mela, Laura. Hindi ba, pinsan mo siya? Bakit gano’n na lang ang trato mo sa kaniya?” pagtataka ng kaibigan at kaopisinang si Mabel.

“Hayaan mo nga siya. Totoo naman na nakahambalang siya sa daan. Saka kailangan niyang matutong lumugar dahil janitress lang siya. Hindi porket pinsan ko siya ay palalampasin ko na ang ginagawa niyang ito. Tandaan niyang assistant manager ako sa kompanyang ito!” wika pa ni Laura.

Bata pa lamang kasi ay kompetisyon na ang tingin ni Laura sa kaniyang pinsang si Mela. Kahit na mas may kaya naman sa buhay at may pinag-aralan itong si Laura ay hindi maintindihan ni Mela kung saan nanggagaling ang inggit nito sa kaniya. Madalas siya nitong ipahiya sa opisina na para bang hindi sila magkamag-anak. Minsan din ay napupuno na itong si Mela sa masasakit na sinasabi sa kaniya ng dalaga.

Nang sumunod na linggo ay may bagong pasok na janitor. Dahil mas matagal na si Mela sa trabaho ay siya ang naka-assign para magturo sa mga dapat gawin ng binata.

“Ako nga pala si Tunying. Pasensiya ka na sa akin kung hindi ko pa magamay ang lahat ng gagawin. Sigurado akong madalas pa rin akong magtatanong sa iyo,” saad ng binata kay Mela.

“Ako naman si Mela, ayos lang sa akin. Narito naman ako talaga para tulungan ka na makabisado ang mga gawain natin. Saka madali lang naman ang trabaho basta pag-igihan mo lang,” nakangiting sambit naman ng dalaga.

Mula noon ay lagi nang magkasama ang dalawa. Napansin ni Laura ang pagiging malapit ni Mela sa kaniyang kapwa taga-linis.

“Mela, pati ba naman ang bagong saltang janitor na iyan ay lalandiin mo pa? Wala ka talagang pangarap sa buhay, ‘no? Mahirap ka na nga, kukuha ka pa ng mahirap din! Sabagay, akma naman kayo para sa isa’t isa dahil parehas kayong walang pinag-aralan!” natatawang puna ni Laura sa pinsan.

“Sobra ka namang magsalita, Laura. Hindi porket janitor lang kami dito sa kompanya ay mamaliitin mo na lang kami nang ganiyan! Naturingan ka ngang may pinag-aralan pero kung magsalita ka ay daig mo pa ang hindi nakatuntong sa paaralan! Talagang hindi nga lahat ay natututunan sa eskwela dahil wala kang mabuting asal,” sagot naman ni Mela.

“Sino kaya sa atin ang walang pinag-aralan? Kaya nga tagalinis ka lang at assistant manager ako! Siya nga pala, bali-balita dito na tataas na raw ang posisyon mo! Do’n ka ilalagay ng may-ari sa ikalawang palapag pero janitress ka pa rin!” tumatawang sambit ni Laura.

Nais na sanang tuluyang patulan ni Mela ang kaniyang pinsan ngunit pinigil siya ni Tunying.

“Hayaan mo na siya, Mela. Hindi mo dapat pinapatulan ang isang babaeng kagaya niya. Huwag mong ibaba ang lebel mo sa tulad niya,” saad ni Tunying.

“Aba, nagsalita ang isa pang tagalinis! Magsama kayo! Sana ay matapos niyong linisin ang buong lugar na ito at isama n’yo na ring itapon ang mga sarili n’yo dahil pareho kayong mga basura!” dagdag pa ni Laura sabay talikod sa dalawa.

Labis na nagtataka rin si Tunying sa pinakitang asal ni Laura sa kanilang dalawa.

“Lagi ka bang pinagsasalitaan nang ‘di maganda ni Laura? Sa palagay mo’y ano ang dahilan niya para ganituhin ka niya?” tanong ni Tunying kay Mela.

“Hindi ko rin alam. Pero bata pa lang kami ay talagang mabigat na ang dugo sa akin niyang si Laura. Marahil dahil sa mas malapit ako sa mga lolo at lola ko. Pero kahit ako ay hindi ko rin maunawaan dahil nakukuha naman niya ang lahat ng nais niya. Nakapagtapos nga siya ng kolehiyo samantalang ako ay muntik pang huminto ng hayskul. Pero tama ka, Tunying. Huwag na lang natin isipin ‘yang si Laura dahil hindi na talaga siya magbabago,” pahayag pa ng dalaga.

Halos araw-araw ay pinapanood ni Tunying si Mela kung paano na lang apihin nitong si Laura. Ngunit imbis na awa ang maramdaman ng binata ay mas humanga pa siya sa desisyon nitong si Mela na huwag nang patulan pa ang pinsang si Laura.

Isang araw ay abala ang lahat ng empleyado sa kompanya. Ngayon kasi ang araw kung kailan ipapakilala na ng may-ari ang nag-iisa niyang anak at tagapagmana.

“Talagang ngayon pa hindi pumasok si Tunying. Ano na kaya ang nangyari do’n? Baka nagkasakit na sa sobrang trabaho. Parang hindi pa naman siya sanay na magbanat ng buto,” saad ni Mela sa kaniyang sarili habang palingon-lingon at hinahanap ang binata.

Napansin naman siya ng pinsang si Laura.

“Huwag mong sabihing umaasa ka na mapapansin ng anak ng amo natin dahil malabong pumatol ‘yun sa isang janitress na kagaya mo. Kung may magugustuhan siya sa mga empleyado ay walang iba kung hindi ako! Bagay kami dahil pareho kaming may narating sa buhay hindi kagaya mo na isang tagalinis lang!” sambit ni Laura.

“Ano ba ang sinasabi mo riyan, Laura? Hinahanap ko si Tunying dahil marami pa kaming kailangang linisin dito sa kompanya. Narito ako upang magtrabaho at wala nang iba. Kung wala ka ng sasabihin pa ay iwan mo na lang ako dahil ayaw ko nang makipagtalo pa sa’yo!” tugon naman ni Mela.

“Ang sabihin mo ay nahuhulog na ang loob mo sa hampas lupang si Tunying. Hindi ka talaga marunong pumili ng lalaki. Aalis na nga ako rito baka mahawahan pa ako ng katangahan mo. Hihintayin ko na lang ang pagdating ng anak ng boss natin. Hayaan mo kapag napangasawa ko ang anak ng may-ari ay ipopromote kita. Gagawin kitang pinuno ng mga janitor at si Tunying naman ang assistant mo para hindi na kayo magkahiwalay pa!” tumatawang sambit muli ni Laura.

Ilang sandali pa ay dumating na ang sasakyan ng may-ari ng kompanya. Ang lahat ay masayang sinalubong ang kanilang boss at ang anak nito.

Laking gulat ng lahat nang makita ang tinutukoy na anak at nag-iisang tagapagmana ng kumpanya.

“T-tunying?” tanging nasambit ni Laura.

“Ako nga. Ako si Anthony Morales. Ang kaisa-isang anak at tagapagmana ng may-ari nitong kompanyang pinagtatrabahuhan mo,” pagmamalaki ng binata.

“N-ngunit paanong nangyari? Hindi ba isa ka lamang janitor?” nauutal na tanong pa ni Laura.

“Bilang papalit sa aking ama ay nais kong malaman ang lahat ng kalakaran ng kompanya. Nais ko rin makita kung ano mismo ang mga ginagawa ng aming mga empleyado. Nagpanggap akong isang janitor upang malaman ko ang lahat ng ugali ng mga taong aking pinamumunuan. At alam na alam ko na kung ano ang ugali mo!” pahayag pa ni Tunying.

“P-pasensiya na, h-hindi ko kasi alam na ikaw ang anak ng boss. K-kalimutan mo na ang lahat ng nangyari. Hihingi rin ako ng tawad kay Mela kung kinakailangan. Basta kalimutan na lang natin ang lahat,” giit ni Laura.

Ngunit hindi na naniniwala pa kay Laura itong si Tunying. Hindi naman niya ito tinanggal sa trabaho ngunit pinamukha ng binata ang lahat ng masasamang ginawa ni Laura sa kanila ni Mela.

Samantala, nagulat din si Mela nang malaman na ang kasamahan niyang si Tunying ang siya pa lang hahalili bilang boss ng kompanya. Ang hindi alam ni Mela ay simula nang makilala siya ng lubos ni Tunying ay nahulog na sa kaniya ang loob ng binata.

Ngunit hindi naging madali ang panliligaw nitong si Tunying bago siya sagutin ng dalaga.

“Hindi porket ikaw ang boss dito ay sasagutin na kita agad. Kailangan mo pa ring patunayan sa akin na tapat ang pag-ibig mo, Tunying,” saad ni Mela sa binata.

“Kaya lalo akong nahuhulog sa’yo, Mela. Kakaiba ka talagang babae. Gagawin ko ang lahat para mapatunayan ko sa’yo na tapat ang pagmamahal ko. Maghihintay ako kahit gaano katagal,” sambit naman ni Tunying.

Makalipas ang ilang buwang panliligaw ay sinagot na rin ni Mela itong si Tunying. Pinatunayan ni Tunying na wagas ang kaniyang nararamdaman para kay Mela. Hindi naglaon ay ikinasal din ang dalawa.

Labis ang inggit lalo ni Laura sa kaniyang pinsang si Mela dahil ito na ngayon ang asawa ng may-ari ng kompanya. Kung hindi sana pinairal ni Laura ang inggit at kasamaan ng kaniyang ugali ay marahil nakuha niya ang tunay na kaligayahan sa buhay.

Advertisement