Inday TrendingInday Trending
Hindi Sinuportahan at Inalipusta Pa ng Pamilya ang Binata Dahil Wala raw Kwenta ang Napili Niyang Kurso; Pagsisisihan Pala Nila ang Ginawa

Hindi Sinuportahan at Inalipusta Pa ng Pamilya ang Binata Dahil Wala raw Kwenta ang Napili Niyang Kurso; Pagsisisihan Pala Nila ang Ginawa

Bata pa lang ay hilig na ni Aristotle ang pagpipinta. Kaya nang nag-aral siya sa kolehiyo ay Fine Arts ang kinuha niyang kurso. Kahit mahusay siya sa kaniyang larangan, kahit kailan ay hindi siya sinuportahan ng kaniyang pamilya lalung-lalo na ng kaniyang ina.

Para kay Zorila, walang patutunguhan ang napili niyang kurso. Hindi raw makakabuhay ng pamilya ang pagpipinta kaya kahit kusing ay walang natanggap si Aristotle mula sa ina at sa amang si Juanito ngunit kahit hindi suportado ng mga magulang ay ipinagpatuloy niya ang ginagawa. Mabuti na lang at nakakuha siya ng scholarship at kumikita siya sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga ipininta niyang larawan at pagsa-sideline niya bilang graphic artist na ang kinikita niya ay siya niyang ipinantutustos sa pag-aaral niya.

“Balang araw ay magbubunga rin ang lahat ng pagsisikap ko dahil para ito sa mga mahal ko sa buhay. Maipagmamalaki niyo rin ako,” wika ni Aristotle sa isip habang ipinipinta ang isang obra na nakahanda niyang ilahok sa patimpalak na gaganapin sa Italya. Siya kasi ang napili ng eskwelahang pinapasukan niya na maging pambato.

Ngunit kahit maganda ang kaniyang layunin ay hindi naman iyon maintindihan ng kaniyang pamilya.

Habang abala siya sa pagpipinta ay bigla siyang tinawag ng ina.

“Hoy, Aristotle, tigil-tigilan mo nga muna ‘yang ginagawa mo at ipagplantsa mo ng damit ang Kuya Wilson mo. Hindi ko magawa dahil ‘di pa ako tapos sa pagluluto ng paborito niyang ulam. Ikaw na ang gumawa at kailangan niya ‘yun bukas para sa pagdalo niya sa awarding nila sa opisina. Na-promote ang kuya mo sa trabaho, siya na ngayon ang Accounting Manager sa kumpanya nila. Baka hindi na rin niya magawang asikasuhin ang isusuot niya dahil halatang pagod na siya!” sigaw ni Zorila sa anak.

“Sige po, inay. Susunod na po ako!” tugon niya.

Damang-dama ni Aristotle ang sarap ng buhay ng nakatatanda niyang kapatid. Pagdating nito ay pinaghahandaan pa ng paboritong pagkain. Espesyal na espesyal ang turing ng kaniyang mga magulang sa Kuya Wilson niya dahil ito ang mas nakapag-aakyat ng malaking pera sa kanilang pamilya.

“Aris! Ang kupad mo namang kumilos kanina ka pa namamalantsa riyan, hindi ka pa ba tapos?” inis na tanong ni Wilson.

“H-hindi pa kuya, pero matatapos na rin ako,” aniya.

“Yan na nga lang ang gagawin mo, eh, ang bagal mo pa!” tugon ng kapatid.

Narinig sila ng kanilang ina.

“O, anak, hayaan mo na ang kapatid mo riyan at kumain ka na. Nagluto ako ng paborito mong sinigang. Humigop ka muna ng mainit na sabaw,” sambit ni Zorila.

Nang pumunta na sa kusina ang kuya niya para kumain ay nakaramdam siya ng lungkot.

“Isa nang Accounting Manager si kuya kaya dapat lang sigurong nasa kaniya ang importansya,” sabi ni Aristotle sa isip.

Ngunit hindi lang ang kaniyang kapatid ang binibigyan ng importansya ng mga magulang.

Isang gabi, habang tinatapos niya ang ginawang obra para sa patimpalak ay tinawag naman siya ng amang si Juanito.

“Aris, Aris! Bumaba ka nga rito!”

Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at bumaba sa sala.

“Bakit po itay?”

“Aris, ikaw na muna ang maghugas ng pinggan at masakit ang ulo ng Ate Tessie mo!” malakas na sabi ng ama.

Ang tinutukoy nito ay ang asawa ng Kuya Wilson niya.

“Opo, itay. Ako na po ang bahala,” sagot niya.

Kahit sumunod na siya sa utos ay may naririnig pa rin siya.

“Dapat lang dahil ang paggawa na lang dito sa bahay ang maitutulong mo sa pamilya kesa sa pagpipinta mo na wala namang kabuluhan,” sabi ng ama.

Kahit masakit ay tinanggap iyon ni Aristotle. Tanggap na niya na mas nakahihigit ang kaniyang kapatid kesa sa kaniya. Ano nga bang laban niya sa isang Accounting Manager?

Kahit harap-harapan ay ipinamumukha sa kaniya na mas mahalaga ang Kuya Wilson niya sa kanilang pamilya.

“Inay, eto po ang sahod ko. Kayo na po ang bahalang mag-budget,” wika ni Wilson nang iabot nito sa kanilang ina ang suweldo nito.

“Wow, ang laki naman nito, anak! Salamat ha!” tuwang-tuwang tugon ni Zorila.

Maya-maya ay tumingin sa kaniya ang ina at nagparinig.

“Mabuti ka pa, anak kahit may pamilya na ay nagagawa pa ring tumulong sa amin ng tatay mo. Mabuti na sinunod mo ang kursong gusto namin para sa iyo, tingnan mo naman ang resulta, isa ka ng Accounting Manager sa inyong kumpanya samantalang ‘yung iba riyan ay walang pangarap. Pinapakuha namin ng magandang kurso pero walang kwenta ang pinili.”

‘Di na kumibo pa si Aristotle. Pumasok siya sa kaniyang kuwarto at ang matinding sama ng loob ay idinaan na lang sa pagpipinta.

Makalipas ang dalawang araw ay natapos din niya ang obra at isinumite na sa patimpalak. Tatlong linggo raw bago malaman ang resulta kaya matiyaga siyang naghintay ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nagkaroon siya ng karamdaman na nagawa niyang ilihim sa kaniyang pamilya. Nang minsang inutusan siya ng kaniyang kapatid para maghugas ng pinggan ay sinabi niya rito na hindi siya makabangon at masama ang kaniyang pakiramdam. Imbes na mag-alala ay nagulat siya sa reaksyon nito.

“Huwag mo akong artehan! Bumangon ka riyan at maghugas ng pinggan, bilisan mo!” sigaw ni Wilson saka sinuntok siya sa tiyan.

Kahit namilipit sa sakit ay napilitan pa rin siyang sumunod.

Narinig ng kanilang mga magulang ang sigaw ng kaniyang kapatid. Imbes na pumagitna ay ito pa ang kinampihan.

“Sundin mo ang kuya mo! Wala ka na ngang pakinabang dito ay tatamad-tamad ka pa? Kung ayaw mong mautusan dito’y lumayas ka! Walang silbi!” pasigaw na sambit ng inang si Zorila.

“Susunod ka ba o gusto mo pang makatikim sa akin!” sabad naman ng amang si Juanito.

“Wala kasing pangarap, eh kaya gan’yan ang batang ‘yan!” hirit pa ng ina.

Pigil ang paghikbi ni Aristotle sa sinabi ng mga magulang.

“Mahal ko kayo… mataas ang pangarap ko para sa inyo. Kung alam niyo lang,” sabi ni Aristotle sa isip.

Akmang maghuhugas na ng pinggan ang binata nang bigla itong nahilo at nawalan ng malay.

Labis na ikinabigla ng mga magulang niya at kapatid ang nangyari sa kaniya kaya mabilis siyang isinugod ng mga ito sa ospital. Mas lalo silang nagulat nang malaman ang karamdaman niya.

“Ikinalulungkot ko pero malala na ang sakit ng inyong anak. Malala na ang kans*r niya sa dugo at tatapatin ko na kayo…May taning na ang buhay niya, hindi na siya magtatagal,” hayag ng doktor na tumingin kay Aristotle.

“Diyos ko, hindi!” sabay na sambit ng mag-asawang Juanito at Zorila sa kanilang natuklasan.

Napag-alaman pa nila na matagal na palang itinatago ng anak ang karamdaman nito. Hindi nito sinabi sa kanila sa kadahilanan na ayaw nitong bigyan sila ng alalahanin.

Labis ang pagsisi ng kaniyang mga magulang at ng kapatid niya sa kalagayan niya.

“Patawarin mo kami, anak!” iyak ng inang si Zorila.

“Bakit ‘di mo sinabi sa amin ang tungkol sa sakit mo, anak? ‘Di sana ay naagapan ‘yan,” maluha-luhang sabi naman ng ama.

“Sorry ‘tol sa ginawa ko. Hindi ko naman alam na may sakit ka, eh,” hagulgol ng kapatid niya.

Magsisi man sila ay huli na. Ang pinapalayas nilang kadugo ay kusa palang mawawala.

Ilang araw ang lumipas at binawian na rin ng buhay si Aristotle. Tuluyan na itong nagapi ng karamdaman ngunit sa kaniyang pagpanaw ay ibinigay niya ang pagpapatawad sa kaniyang pamilya. Ngunit sa kaniyang pagkawala ay isang magandang balita ang sumalubong sa kanila. Isang araw matapos na ihatid sa huling hantungan ang binata ay nagulat sila sa dumating na balita.

“A-ano po? N-nanalo ang anak ko?!” gulat na tanong ni Zorila sa guro ni Aristotle na pumunta sa kanilang bahay.

“Opo, ma’am. Ang ipininta pong larawan ni Aristotle ang nanalo ng first prize sa sinalihan naming patimpalak sa Italya. Bukod po sa gintong medalya ay napanalunan din po niya ang mahigit sampung milyong pisong premyo. Dahil ang inyong anak ang kauna-unahang Pinoy na nanalo ng gintong medalya sa pagpipinta sa bansang iyo’y ang obra niya ay napiling ilagak sa ating Pambansang Museo,” hayag ng guro.

Hindi makapaniwala ang pamilya ni Aristotle na napanalunan nito ang pinakamataas na parangal sa pagpipinta. At nang makita nila kung ano ang ipininta ng binata ay bigla na lang tumulo ang kanilang mga luha. Ang ipinintang larawan ni Aristotle ay larawan ng kanilang pamilya na masayang kumakain sa hapagkainan. Napagwagian niya iyon dahil nagustuhan ng mga banyagang hurado ang pagpapakita niya ng tunay na anyo ng pamilyang Pinoy.

Tila nadurog ang mga damdamin nina Zorila at Juanito sa kanilang nalaman. Ang larangang hindi nila sinuportahan ang nagbigay pa ng karangalan sa kanilang namayapang anak. Laking panghihinayang nila kung bakit hindi nila sinuportahan noon si Aristotle.

Dahil sa natamong karangalan ay sobrang ipinagmamalaki nila ang anak. Sayang nga lang at hindi na naabutan ni Aristotle ang kaganapang iyon ngunit sigurado namang masaya na ito na nakatanaw mula sa langit dahil kahit wala na sa lupa ay natupad din ang pangarap ni Aristotle na maipagmalaki ng kaniyang pamilya.

Advertisement