Inday TrendingInday Trending
Sukdulan ang Galit ng Babae sa Kumpare ng Kaniyang Asawa; Sa Huli ay Pagsisisihan Niya ang Pangmamaliit Niya Rito

Sukdulan ang Galit ng Babae sa Kumpare ng Kaniyang Asawa; Sa Huli ay Pagsisisihan Niya ang Pangmamaliit Niya Rito

“Mare, mareng Hilda!” sigaw ni Foldo.

“Hmp! Eto na naman siya, buwisit talaga!” gigil na sabi naman ni Hilda sa isip.

Nasira na naman kasi ang araw niya na animo’y nakarinig ng nakabibinging tunog nang marinig ang boses ng lalaki.

“Mare, nandyan ka ba, mare?”

Salubong ang kilay na lumabas si Hilda at hinarap ang lalaki. Napilitang ngumiti nang masilayan ang kaharap. Alam na alam na niya ang kasunod ng tawag na iyon.

“Mare, pasensiya na ha, pero puwede bang maka-utang ng limampung piso? Wala kasing baon si Junior ko eh. Mahina ang trabaho ko sa talyer kaya wala akong kinita kahapon. Babayaran ko agad kapag nagkapera ako,” wika ng kumpare ng asawa niyang si Darwin.

“Sabi ko nga ba eh…” inis na bulong ni Hilda sa sarili. “S-sandali lang ha, pare…”

Ilang sandali lang ay bumalik ang babae at iniabot kay Foldo ang limampung piso.

“O, ayan, pare,” nakasimangot na sambit ni Hilda.

“Naku, salamat, mare! Babayaran ko ito, promise!”

Nang makaalis si Foldo ay nagngingitngit na pumasok sa loob ng bahay si Hilda at kinausap ang asawa.

“Yang kumpare mo, nangutang na naman ng pera! Ang aga-aga eh, akala mo’y palaging may patago, hmp!”

“Aba’y ‘yun lang naman pala eh… bakit parang pasan mo ang buong daigdig? ‘Di pautangin mo!” sagot naman ni Darwin sa kaniya.

Sa sinabing iyon ng mister ay mas lalong nag-init ang bumbunan ni Hilda.

“Kaso, araw-araw na lang yata na ginawa ng Diyos ay puro utang ang ginagawa ng lalaking ‘yon! Akala yata ay marami tayong pera!”

“Hayaan mo na, tayo ang mas nakakaluwag. Dapat na tayo ang tumulong,” tugon pa ng mister.

Hindi na nakipagtalo pa si Hilda sa asawa. Alam niya na kakampihan pa ni Darwin ang abusado nitong kumpare. Matalik na kaibigan ni Darwin si Foldo. Bata pa lang ay sila na ang magkasama kaya kahit pareho nang may sariling pamilya ay malapit pa rin ang dalawa sa isa’t isa.

Nang sumunod na araw, pumunta na naman si Foldo sa bahay ng mag-asawa.

“Mare, hihiram sana ako ng martilyo. May kukumpunihin lang ako sa bahay. Pasensiya na ulit, mare,” tatawa-tawang sabi ni Foldo.

“Di lang pala utangero ang lalaking ito, si hiram din pala? Kakagigil!” inis na sabi ni Hilda sa isip.

Kahit nagpupuyos ang damdamin ay wala siyang nagawa kundi pahiramin ang lalaki.

Ngunit makalipas ang isang linggo…

“Junior, nandyan ba si abus…a, eh ang tatay mo?” tanong ni Hilda sa anak ni Foldo nang mapadaan siya sa bahay ng mag-ama.

“Umalis po si itay, bakit po?” sagot ng bata.

“Kukunin ko sana ‘yung…”

Bago pa niya mabigkas ang sasabihin ay may napansin siya…

“Teka, ‘yon ang martilyo ni Darwin ah!”

Nakita niyang nakasalampak lang sa sahig ang martilyo ng asawa kaya nainis na naman siya.

“Kukunin ko na itong martilyo na hiniram ng tatay mo. Sabihin mo sa kaniya na kung manghihiram ng gamit ay isauli agad!” sabi niya sa bata.

Umuusok ang ilong ng babae nang umuwi.

“’Di na makakaulit ang abusadong ‘yan! Imbes na isauli ay nakatambak lang dun sa bahay niya itong martilyo natin. ‘Pag nanghiram ulit, barahin niyo na!”

“Ikaw naman, parang ‘yun lang eh. Baka nakalimutan lang nung tao na isauli. Kay babaw naman nang ikinagagalit mo,” wika ng asawang si Darwin.

“Kaya nagiging abusado eh, kinukunsinti mo!”

“Bakit, nakakatulong din naman sa atin ‘yung tao ah. Kapag may kailangang kumpunihin dito sa bahay ay hindi na siya nagpapabayad.”

“Dapat lang. Sa dami ng utang niya sa atin ay magpapabayad pa ba siya?” anas ni Hilda.

Nang sumunod na araw…

“Mang Darwin, Mang Darwin…”

“Bakit, Junior anong kailangan mo?” tanong ni Darwin sa anak ni Foldo nang pumunta ito sa bahay nila.

“Hmp! Si abusado junior! Kinakabahan na ako sa sasabihin nito,” sabi ni Hilda sa isip.

Atubiling nagsalita ang bata.

“A, eh, sabi po ni tatay kung puwede raw pong maka-utang ng isandaang piso? Pambili lang po namin ng ulam. Wala raw po kasi siyang kinita kahapon sa talyer kaya wala kaming pambili ng ulam. Babayaran daw po niya kapag nagkapera siya,” sambit ng bata.

Ang pinipigil na yamot ni Hilda ay biglang bumigay.

“Ano ba naman ‘yang tatay mo? Sana kung kumikita ay nagtatabi ng kaunti nang hindi umaasa sa iba. At saka ‘yung utang nga niya nung nakaraan ay hindi pa niya nababayaran eh! Pakisabi na wala kaming pera!” galit na sabi ng babae.

“Tumigil ka, Hilda! O, eto, Junior ibigay mo sa tatay mo. Huwag na na kamong bayaran,” sabad ni Darwin.

Nang makauwi ang bata ay agad na nakarating kay Foldo ang sinabi ni Hilda.

“Ganoon ba, anak? Isauli mo na lang ‘yan. Sabihin mo’y gagaya na lamang ako ng paraan para may mai-ulam tayo,” sabi ni Foldo sa anak.

Isinauli nga ng bata ang pera. Mula noon ay hindi na nasundan ang huling panghihiram ni Foldo.

“Siguradong nakarating kay pare ang mga sinabi mo. Nakakahiya tuloy ‘dun sa tao,” hayag ni Darwin.

“Ikaw pa ang nahihiya? Buti nga, matitigil na ‘yon sa pamemerwisyo sa atin!” tugon ni Hilda.

Ngunit isang araw, humahangos na pumunta sa bahay nila ang kasama sa trabaho ni Darwin.

“Hilda, Hilda!”

“O, Manuel, bakit ‘di mo kasamang umuwi si Darwin?” nagtatakang tanong ng babae.

“Naaksidente si Darwin, Hilda. Dinala namin siya sa ospital!” sagot ng lalaki.

“A-ano?!”

“’Di inasahang nagkaroon ng aksidente sa pinagtatrabahuhang construction site ni Darwin at ang lalaki ang napuruhan.

“Kailangang masalinan agad ng dugo ang asawa mo, misis! Hindi tayo maaaring mag-aksaya ng oras!” wika ng doktor.

“Diyos ko! Tulungan niyo po ang asawa ko!” hagulgol ni Hilda.

Nagpatulong siya kay Manuel para maghanap ng dugo para sa mister ngunit bigo sila.

“Sorry, Hilda… wala talagang makuhang ka-type ng dugo ni Darwin. Natawagan ko na pati malalayong blood banks pero wala silang stock,” nag-aalalang sabi ng lalaki.

“Hindi puwede ‘yan! Paano na ngayon ang asawa ko?” patuloy na pag-iyak ng babae.

Nang biglang pumasok si Foldo sa kuwarto kung nasaan sila.

“Mare, nabalitaan ko ang nangyari kay pare. Nakausap ko ang doktor na tumitingin sa kaniya, huwag kang mag-alala, mare dahil pareho kami ng blood type ni pare. Nakahanda akong magbigay ng dugo ko para sa kaniya,” hayag ni Foldo.

Nagulat si Hilda sa sinabi ng lalaki. Nakaramdam siya ng panliliit dahil ang taong pinagdadamutan niya at sinabihang abusado ay siya pang magbibigay ng dugo para sa kaniyang asawa. ‘Di tulad ng mga mumunting halaga at bagay na pinupuwerhisyo sa kaniya, ang handang ibigay ng lalaki ay ang sarili nitong dugo para madugtungan ang buhay ni Darwin.

Sagad sa buto ang pagkapahiya ni Hilda sa taong inalipusta niya. Nang gumaling at nakalabas ng ospital si Darwin ay labis ang pasasalamat niya kay Foldo sa ginawa nitong pagtulong sa kanila. Humingi rin siya ng tawad sa lahat ng inasal at sinabi niya na tinanggap naman ni Foldo.

Mula noon ay hindi na sinungitan ni Hilda ang kumpare ng kaniyang asawa dahil malaki ang utang na loob niya rito. Dahil din sa nangyari ay mas lalo namang tumibay ang pagkakaibigan ng magkumpareng Darwin at Foldo.

Advertisement