Naghahanap ng Babaeng Mayaman ang Binatang Ito Upang Mabili ang Luho, Napahiya Siya Dahil Dito
“Poging-pogi ka na naman, ha? At ang bango-bango mo pa! Siguro may date kayo ng bagong nobya mo, ano?” wika ni Gerald sa kaibigan nang makita niya itong todo pormang naglalakad palabas ng kanilang eskinita.
“Hindi siya ang kasama ko ngayon. Mas maganda ito at mayaman pa!” pagmamalaki ni Zeke sabay kindat sa kaibigan.
“Anong ibig mong sabihin? May iba ka pang pinopormahan bukod doon sa babaeng pinakilala mo sa amin noong isang linggo?” pang-uusisa pa nito.
“Oo naman! Bakit parang gulat na gulat ka? Parang hindi mo naman ako kilala!” patawa-tawa niyang sagot saka inakbayan ang kaibigan at nagpasamang lumabas ng kanilang eskinita.
“Akala ko nagbago ka na?” tanong pa nito.
“Hangin lang sa mundong ito ang nagbabago, hindi ang kampon ng kadilimang katulad ko!” pabirong tugon niya pa.
“Kawawa naman ang bagong nobya mo, pare, halatang-halatang mahal na mahal ka noon dahil sobrang mag-alaga at mag-alala sa’yo noong nalasing ka,” sambit nito sa kaniya na ikinasimangot niya.
“Wala naman kasing pera ‘yon, ako pa ang gumagastos! Kung wala ka nang sasabihin, alis na ako, ha? Ayoko paghintayin ang dalagang kikitain ko, eh!” pagpapaalam niya rito saka agad na sumakay ng tricycle upang huwag nang mapagsabihan ng kaibigan.
Ilang beses mang pagsabihan ng kaniyang mga kaibigan, tuloy pa rin sa pagpapalit-palit ng mga minamahal na babae ang binatang si Zeke. Kung hindi siya manliligaw ng tatlo o apat na babae nang sabay-sabay, siya nama’y muling mangliligaw ng babae kahit na siya’y may nobya niya.
Dahil nga parating hindi nahuhuli at nakakalusot sa kaniyang mga kalokohan, tuloy pa rin siya sa pagpapaikot sa mga ito. Tuwang-tuwa pa siya kapag ramdam na ramdam niyang mahal siya ng higit sa isang babaeng kaniyang pinopormahan. Palagi niyang pagmamalaki sa mga kaibigan, “Wala, eh, sadyang iba lang talaga ang karisma ko kaya maraming babae ang nagkakandarapang maging nobyo ako,” na labis na ikinaiinis ng mga ito. Pagsabihan man siya, kung minsa’y nagagalit pa siya.
Ang totoong rason niya sa pagpapalit ng dalaga ay upang siya’y makalikom ng pera pangbili ng pinapangarap niyang selpon. Kaya madalas, kapag alam niyang walang pera ang dalagang kaniyang nililigawan, agad niya na lamang itong iiwan at hindi na muling papadalhan ng mensahe sa social media.
Kaya naman, nang siya’y pagbayarin ng bago niyang nobya sa kinain nila nang minsan silang lumabas, agad na siyang nanabang dito at muling naghanap ng dalagang mabibilog.
At dahil nga may angking kakisigan naman talaga siya at magaling mangbola, muli siyang nakahanap ng dalagang makakausap. Ito ang dalagang kaniya ngayong pinopormahan kahit na siya’y may isa pang nobya.
Noong araw na ‘yon, wala pang isang oras, nakarating na siya sa mall na pagkikitaan nila ng naturang babae. Agad niya itong tinawagan at nang malaman niyang naghihintay ito sa isang mamahaling kapehan sa loob ng mall, doon na niya nasiguradong nakajackpot nga siya.
“Mukhang mapapabilis dito ang pagbili ko sa bagong labas na selpong pangarap ko, ha?” sambit niya saka agad na nagtungo sa kapehang iyon.
Una niya itong nakita dahilan para agad niya itong kawayan. Sumenyas ito na tila pinapalapit siya, kaya agad siyang pumasok at naglakad patungo sa lamesa kung saan ito nakaupo kasama ang isang babae.
At halos manigas siya nang makitang ito ang nobya niya.
“O, Zeke, akala ko ba, papasok ka sa trabaho ngayon? Dito ka na ba sa kapehan namin magtatrabaho? Pasensya ka na, ha? Hindi kasi kami nakuha ng taong hindi mapagkakatiwalaan dito,” sambit nito dahilan para matawa ang dalagang kikitain niya dapat.
“Mukhang nagkamali ka ngayon sa pagpili ng babaeng pagsasabayin, ha? Magpinsan pa ang napagsabay mo!” wika nito na labis niyang ikinapahiya.
Dahil sa nararamdamang kahihiyan bunsod ng mga titig at bulungan ng mga tao roon, agad na siyang nagtangkang lumabas sa kapehang iyon.
Ngunit bago pa siya makalabas, sumigaw ang pangkasalukuyan niyang nobya at sinabing, “Ito, o, ‘yong binayad mo sa kinain natin noong isang araw! Baka hindi ka makatulog at hindi mo pa mabili ang selpong gusto mo!” sabay hagis sa kaniya ng isang libong piso.
Nais na niyang lumubog sa lupa noong mga oras na ‘yon, pakiramdam niya’y sobrang baba niya at napakaliit niyang tao kumpara sa mga mayayaman na naroon.
Umiyak na lang siya sa kaniyang mga kaibigan kinabukasan. Pangaral ni Gerald sa kaniya, “Huwag mo kasing iasa sa babae sa babae ang luho mo, pare, magsikap ka sa buhay at makuntento sa iisang babae,” na ganoon niya na lang pinangakong susundin.
Iyon na ang simula nang pagiging matino ng binatang si Zeke. Wala man siyang babae sa tabi, natuto naman siyang dumiskarte sa buhay.