Inday TrendingInday Trending
Nagtitiyagang Magpunta sa Computer Shop ang Ginang para Makausap ang Anak na OFW, Dekalibreng Biyaya ang Dumating sa Kaniya

Nagtitiyagang Magpunta sa Computer Shop ang Ginang para Makausap ang Anak na OFW, Dekalibreng Biyaya ang Dumating sa Kaniya

“Mukhang may lakad na naman ang donya, ha? Iba na talaga kapag nakapangibang bansa na ang anak! Kung saan-saan na nakakapunta!” bati ni Karen sa kaniyang kapitbahay, isang hapon nang makasalubong niya ito sa kanilang eskinita matapos niyang bumili ng ulam panghapunan sa karinderya.

“Naku, riyan lang ako magpupunta sa computer shop sa kanto,” nakangiti sagot ni Belen saka bahagyang tinapik ang ginang.

“Huwag mong sabihing magbubukas ka na naman ng social media roon para lang makausap ang anak mo?” tanong nito sa kaniya na ikinapagtaka niya.

“Ganoon na nga, bakit? May masama ba roon?” patawa-tawa niyang pang-uusisa.

“Bakit hindi mo na lang sabihin sa anak mo na magpakabit ng internet at ibili ka ng selpon? Kaysa naman linggo-linggo kang nagtutungo roon kasabay ang mga batang kalye!” sambit pa nito na bahagya niyang ikinatawa.

“Hindi naman kasi ako palahinging ina, Karen. Saka, nakakaawa na rin ang anak ko, eh. Siya na nga ang tumutugon sa pagkain at mga bayarin sa bahay, hihingi pa ako ng ganoong bagay,” paliwanag niya rito.

“Kahit na, para ‘yon lang, eh!” sagot pa nito dahilan para siya’y magpaalam na.

“Hayaan mo na, basta makausap ko lang ang anak ko, ayos na ako. Alis na ako, ha? Hinihintay na ako no’n tumawag, eh,” wika niya rito saka agad na naglakad palayo sa ginang na ito.

Simple at payak ang naging buhay ng ginang na si Belen kapiling ang kaniyang tatlong anak. Mag-isa niyang binuhay ang mga ito sa pagtitinda ng isda sa palengke simula madaling araw hanggang gabi. Bigla na lang kasi siyang iniwan ng kaniyang kinakasama noon na ama ng tatlong batang ito sa hindi niya mawaring dahilan.

Simula noon, nakipagsapalaran na siya sa buhay upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak. Masaya na siya kapag mayroon silang pagkain sa hapag-kainan at may maibibigay siyang baon sa mga anak niyang pawang mga estudyante sa iba’t ibang antas.

Ginapang niya talaga ang pag-aaral ng mga ito dahil pakiramdam niya, ang edukasyon lang ang siyang makapag-aalis sa kanila sa kahirapan.

Kaya naman, ganoon na lang ang saya niya nang tuluyang makapatapos ng pag-aaral ang kaniyang panganay na anak at ilang buwan lamang, agad na itong nakahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Nang tuluyan na itong kumita ng pera roon, agad na siya nitong pinatigil sa pagtitinda sa palengke na agad naman niyang sinang-ayunan dahil nga siya’y matanda na at may nararamdaman na ring karamdaman.

Dito na siya labis na nakaramdam ng kaginhawaan sa buhay. Wala na siyang pinoproblema kahit pangbaon ng dalawa niya pang anak na pawang nasa kolehiyo na rin.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magtiis sa init at ingay sa isang computer shop para lamang makausap kahit isang oras ang anak na kumikita para sa kanila.

Pagsabihan man siya ng ibang mga kapitbahay na manghingi sa anak, hindi niya ito iniintindi dahil para sa kaniya, sobra-sobra na ang biyayang nakakamit niya dahil sa anak.

Katulad ng nakasanayan niya tuwing araw ng Linggo, siya nga’y nagtungo sa computer shop na iyon para makausap ang anak.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang makita niyang bakante ang kompyuter na palagi niyang ginagamit. Bukod kasi sa maganda ang kalidad ng kamera nito, nasa dulo pa ito nakapwesto kung saan hindi gaanong rinig ang ingay ng mga batang naglalaro.

Muli siyang nagpatulong sa bantay na binata roon upang mabuksan ang kompyuter at siya’y masayang nakipagkumustahan sa anak na galing trabaho.

Kinukwentuhan niya ito tungkol sa mga pangyayaring kaniyang naranasan sa isang linggong nagdaan. Kinumusta nito ang kaniyang karamdaman at nagpakuwento kung anu-ano ang kanilang mga inulam na pagkain.

Pagkalipas ng isang oras, tuluyan nang nagpaalam ang kaniyang anak upang magpahinga na. Hindi niya matanggal sa mga labi ang ngiti bunsod ng labis na kasiyahang nararamdaman.

Ngunit, nang siya’y magbabayad na ng renta sa paggamit niya ng kompyuter, biglang dumating ang may-ari ng naturang computer shop at pinapauwi sa kaniya ang paborito niyang gamiting kompyuter.

“Ay, naku po, wala po akong pangbayad!” sambit niya.

“Bigay ko na po sa’yo ‘yan, nanay, natutuwa po kasi ako sa inyo. Dumadayo ka pa talaga rito para makausap ang anak mo. Nakikita ko po sa’yo ang nanay ko noong mag-ibang bansa rin ako,” nakangiting sambit nito habang inaayos ang kompyuter na iyon na labis niyang ikinaluha at ikinapasalamat.

Pinakabitan din siya ng naturang may-ari ng internet sa bahay na labis na ikinatuwa ng mga kaniyang anak.

“Kami na po ang magbabayad ng internet, mama, ikukurot na lang namin sa baon namin. Makikinabang din naman kami!” sambit ng kaniyang dalawang anak na lalo niyang ipinagpasalamat.

Ganoon na lang ang tuwa niya nang halos araw-araw na niyang makausap ang anak dahil dito. Pasasalamat niya sa Diyos, “Salamat, binigyan Mo ako ng sobra-sobrang biyaya!”

Kapag talaga ikaw ay kuntento sa buhay, hindi mo aakalain ang biyayang ibibigay sa’yo ng Poong Maykapal.

Advertisement