“Tanggalin mo nga sa saksakan ‘yong videoke! Naririndi ako sa boses nung kumakanta!” utos ni Hazel sa kaniyang mga kaibigan nang marinig niya ang pagpiyok ng dalagang kumakanta, isang gabi habang sila’y nag-iinuman sa isang resto bar.
“Hoy, hinaan mo lang ang boses mo baka marinig ka! Hindi naman sa atin ang videokeng iyon, bakit mo ipapatanggal sa saksakan?” tanong ng isa sa kaniyang mga kaibigan saka iniabot sa kaniya ang basong may lamang alak.
“Bakit naman ako mahihiya, ha? Totoo namang nakakarindi ang boses niyang parang butiki! Nandito ako para magpakasaya, hindi lalong mainis!” bulyaw niya pa saka tinungga ang hawak na alak.
“Manahimik ka riyan! Hindi rin naman kagandahan ang boses mo, eh, pero pinapakpakan ka ng grupo nila pagkatapos mong kumanta! Irespeto mo rin sila, gusto lang din nilang magsaya katulad natin!” paliwanag pa nito sa kaniya dahilan para mapataas ang kilay niya.
“Ay, hindi ako papayag! Kung ayaw niyong ipatanggal sa saksakan ang videoke na ‘yan, kuhanin niyo ‘yong mikropono at ako ang kakanta magdamag,” sambit niya pa.
“Hazel, naman! Ayan ka na naman sa ugali mong ‘yan!” saway ng isa niya pang kaibigan.
“Kung ayaw niyo, ako ang kukuha! Takot sa akin ang mga ‘yan! Kakampihan pa ako ng bantay dito!” sigaw niya saka agad na tumayo at inagaw sa dalaga ang mikropono, nagulat ang mga kasama nito habang nataranta naman ang kaniyang mga kaibigan.
May malaking problema sa pamilya ang dalagang si Hazel dahilan para halos gabi-gabi siyang nasa isang resto bar kasama ang kaniyang mga kaibigan. Hindi niya kasi makuha ang loob ng kaniyang ina kahit pa siya na ang napapakain dito at tumutugon sa pangangailangan nilang buong pamilya.
Araw-araw siyang sinusermunan nito na tila ba siya’y wala nang nagawang tama sa buhay. Kaya naman, upang makalimot at maging masaya kahit papaano, kaniyang laging niyaya ang kaniyang mga kaibigan na mag-inom kahit na maubos ang kaniyang pera.
Kaya lang, palagi naman siyang naiinis sa tuwing may ibang kumakanta sa paborito niyang resto bar. Lalo na kung hindi naman kagandahan ang boses ng kumakanta. Kahit sino pa man ang kumakantang iyon, mapababae man o maskuladong lalaki, basta’t siya’y narindi, agad niyang tatanggalin sa saksakan ang naturang videoke o kung hindi naman, basta-basta niya na lang hahablutin ang mikropono rito.
Ito ang pinakakinaiisan ng kaniyang mga kaibigan sa kaniya. Mayroon kasi siyang pagkasiga at pakiramdam niya, porque siya’y halos gabi-gabing nandito, kaniya na ang videokeng iyon.
Nang ayaw sumunod sa kaniya ng mga ito noong gabing iyon, agad niya ngang hinablot ang mikropono sa dalagang kumanta saka tinuloy ang pagkanta.
Pilit man siyang pigilan ng kaniyang mga kaibigan, hindi siya nagpaawat at tinutukso-tukso pa ang dalagang kaniyang inagawan.
“Ayaw sa’yo ng kanta, uminom ka na lang d’yan, para kang butiking Pasay na kumakanta!” sigaw niya sa dalagang iyon dahilan para hablutin nito ang kaniyang buhok, “Aba, nagmamatapang ka pa?” dagdag niya pa saka binato sa mukha nito ang mikroponong hawak.
Todo awat man ang kaniyang dalawang mga kaibigan, hindi siya nagpatalo hanggang sa tumulong na rin ang mga kasama ng dalagang iyon na may kasama pa lang lalagpas sa dalawangpung tao dahilan para silang lahat ay mabugb*g.
Nagising na lang siyang nasa ospital na. Hindi niya masyadong madilat ang kaniyang mga mata, hindi niya maigalaw ang kaniyang mga paa at puro kalmot at sugat siya sa buong katawan dahilan pa siya’y napabuntong hininga na lamang.
Naramdaman niyang naupo sa tabi niya ang kaniyang ina. Inaayos nito ang mga gamot na kailangan niyang inumin.
“Mabuti naman at gising ka na, bayaran mo na ‘to lahat para makauwi na ako,” masungit na sambit ng kaniyang ina.
“Hindi ka man lang ba mag-aalala sa akin?” tanong niya.
“Pagod na akong mag-alala sa’yo, Hazel. Kapag pinagbabawalan ka, nagagalit ka, kapag hinahayaan ka, nagpapakariwara ka! Hindi naman ako nagkulang sa mga pangaral sa’yo pero lahat ‘yon, iniisip mong sermon at lumalayo ka sa akin. Ano ba talagang gusto mong mangyari sa buhay mo?” tuloy-tuloy na sambit nito habang inaalalayan siyang makaupo na labis niyang ikinayak.
Niyakap niya ito at umiyak sa dibdib nito. Doon niya lang napagtantong tama nga ang kaniyang ina. Wala rito ang problema, kung hindi nasa kaniya at sa pag-uugali niya.
Ito ang dahilan para simula noon, bukod sa nakinig na siya sa kaniyang ina sa mga pangaral nito, hindi na rin siya nagsiga-sigaan sa resto bar na kanilang tinatambayan.
Nagtamo man siya ng sugat, natutuwa naman siyang dahil dito, napatunayan niyang mahal na mahal siya ng kaniyang ina.