Nangarap ang Dalagang Ito Kasama ang Binatang Pinakamamahal Niya; Matupad Niya Kaya Ito Kasama ang Binata?
“Pasensiya ka na talaga, Annie, ayoko na talaga. Hindi ko na maramdaman ‘yong saya. Para bang mas lamang na ‘yong away natin kaysa sa pagmamahalan nating dalawa,” wika ni Joel sa kasintahan, isang gabi habang sila’y naghahapunan sa isang sikat na restawran sa Maynila.
“Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo Joel, ha? Bigla-bigla mo na lang ‘yan sasabihin sa araw pa ng anibersaryo natin?” mangiyakngiyak na sagot ni Annie matapos padabog na ibinababa ang hawak na tinidor at kutsilyo.
“Matagal ko ‘tong pinag-isipan. Pinilit ko ‘yong sarili kong mahalin ka hangga’t makakaya ko. Pero kasi sa tuwing nag-aaway tayo, nalalayo ako sa’yo habang nalalapit naman ako sa katrabaho kong palaging nagpapagaan ng loob ko,” pagpapaliwanag pa nito na lalong ikinataas ng presyon niya.
“Edi ibig sabihin, nakakausap at nakakasama mo talaga ang dalagang ‘yon?” taas kilay niyang tanong.
“Nakakausap ko lang naman siya kapag nag-aaway tayo,” nakatungong tugon nito saka ininom ang tubig na nasa kanilang harapan.
“Bakit ba tayo nag-aaway? Hindi ba’t dahil sa pagsama mo rin d’yan sa babaeng ‘yan na sabi mo, ni minsan hindi mo nakausap! Tinatanggi mo pa siya…” hindi na siya pinatapos nito sa pagsasalita. Pinagtitinginan na rin sila ng mga tao roon dahil sa lakas ng boses niya.
“Tama na, wala na ‘tong patutunguhan. Hindi na kita mahal,” sambit pa nito saka tuluyan na siyang iniwan doon. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak sa harapan ng maraming taong nakikiusyoso sa kanilang paghihiwalay.
High school sweethearts kung tawagin ng kanilang mga kaklase ang dalagang si Annie pati na ang kaniyang nobyong si Joel. Parehas silang limang taong gulang pa lang simula nang sila’y magkapalagayan ng loob. Magkatulong sila palagi sa paggawa ng proyekto, pag-aaral para sa mga pagsusulit, paggawa ng takdang-aralin at marami pang ibang gawain ng mga tipikal na estudyante.
Hinahatid sundo pa siya nito sa tuwing sila’y papasok na labis na ikinatutuwa ng kaniyang mga magulang dahilan para agad na pumayag ang mga ito na siya’y pumasok sa isang romantikong relasyon sa murang edad.
Nang sila’y matagumpay nang payagan ng kanilang mga magulang, doon na nila sinumulan ang pangangarap sa buhay. Pinlano nila ang pangarap nilang bahay, sasakyan, mga anak at mga pupuntahan nilang bansa kapag sila’y nakaalwan na sa buhay.
“Gusto ko magpunta tayo sa Finland, tapos kapag nagpakita sa atin ang Northern Lights doon, aalukin na agad kita ng kasal,” nakangiting wika ng binatang si Joel. “Paano kapag hindi nagpakita sa atin? Hindi mo na ako aalukin ng kasal?” nakanguso niyang tanong.
“Aalukin pa rin, basta, mag-oo ka agad, ha?” sagot nito na ikinatawa nilang pareho.
Ang mga pangarap na iyon ang ginawa nilang inspirasyon upang magtagumpay sa buhay at sila’y tila dininig ng Diyos dahil sila’y parehas na nakapagtapos at nakakuha ng magandang trabaho.
Ngunit habang unti-unti nilang binubuo at tinutupad ang mga pangarap nilang iyon, bigla namang nanlamig ang binata na labis niyang ikinapagtaka hanggang sa ito nga’y nakipaghiwalay na sa kaniya.
Hindi man niya alam ang gagawin o kung saan magsisimula, nilaksan niya ang loob niya dahil siya ang inaasahan ng kaniyang mga magulang. Laking tuwa naman niya dahil nang siya’y maglabas ng sama ng loob sa mga ito, nakinig ang mga ito sa kaniya at siya’y pinangaralan.
“Siguro nais ng Diyos ng maging independiyente ka, tapos sa Kaniya ka lang dedepende. Subukan mong bumangon kahit paunti-unti, tutulungan ka namin,” sambit ng kaniyang ina na labis niyang ikinaiyak.
Sinunod niya nga ang payo nito. Bukod sa nagdoble kayod siya sa trabaho, nagpatayo pa siya ng negosyo at gumawa ng paraan upang malapit sa Diyos.
Kung anu-ano ang ginagawa niyang mga aktibidades sa umaga upang makalimutan ang binata at para agad na makatulog sa gabi at pagkalipas lang ng isang taong pagpupursigi, kaniya agad napatayo ang pangarap niyang bahay at sasakyan.
At dahil nga nakilala ang negosyo niyang mga palamuti sa mukha, siya’y naimbitahan ng isang sikat na artista sa ibang bansa upang sumama sa isang fashion model sa Finland at doon na niya nga natupad ang isa pa nilang pangarap noon.
Kitang-kita niya ang sumasayaw ng mga ilaw sa kalangitan. Mangiyakngiyak niyang inalala lahat ng masasayang alaala nila ng binatang iyon na ngayo’y may sarili nang pamilya.
“Hindi man ikaw ang makakasama ko habambuhay, naabot ko naman ang mga pangarap ko sa buhay,” sigaw niya sa hangin.