Inday TrendingInday Trending
Sumuko sa Negosyo ang Dalagang Ito, Hindi Siya Makapaniwala nang Magtagumpay ang Kaibigan Niya Dahil Dito

Sumuko sa Negosyo ang Dalagang Ito, Hindi Siya Makapaniwala nang Magtagumpay ang Kaibigan Niya Dahil Dito

“Bespren, sigurado ka na ba sa desisyon mo? Aayaw ka na talaga rito sa pinangarap nating negosyo?” paninigurado ni Keren nang malamang iiwan na siya ng kaibigan, isang umaga habang nililigpit nito ang sariling mga gamit na nasa kanilang maliit na parlor.

“Wala na akong napapala rito, Keren. Bukod sa halos tatlong kustomer lang ang nagpapaayos sa atin ng buhok kada linggo, nababaon na rin tayo sa utang dahil sa mga bayarin sa malas na parlor na ito!” inis na sagot ni Fely.

“May pag-asa pa naman tayo, eh. Hindi naman habang buhay, ganito ang takbo ng negosyo natin,” pangungumbinsi pa nito sa kaniya na ikinatawa niya.

“Oo, dahil baka sa mga susunod na araw, hindi na tayo makakaahon sa pagkakautang! Kaya bago pa ako mawalan ng hininga kakaantay na magtagumpay ang ganitong negosyo, maghahanap na lang ako ng trabaho!” tugon niya rito dahilan para bahagya na itong maluha.

“Huwag mo naman akong iwan sa ere, akala ko ba, matalik na magkaibigan tayo?” pangongonsensya pa nito.

“Isipin mo na ang gusto mong isipin! Basta ako, ayoko na magnegosyo! Kung kikita man ito katulad ng sinasabi mo, congratulations na lang sa’yo!” sigaw niya rito saka agad nang lumisan sa parlor na iyon.

Pangarap ng dalagang si Fely noon pa man na magkaroon ng sariling parlor kung saan niya maipapakita sa tao ang galing niya sa paggugupit ng buhok, pagkukulay at kung ano pa mang serbisyo. Lalo pa siyang nahumaling sa ganitong klaseng negosyo nang makatagpo siya ng kaibigan noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang na may ganitong klase ring pangarap.

Kaya naman, habang sila’y nag-aaral pa lamang, sinimulan na nila ang pangarap nilang ito. Bukod sa kung kani-kaninong buhok ang pinag-eeksperementuhan nilang dalawa habang nasa paaralan, pumasok pa silang dalawa bilang serbidora sa isang fast food restaurant upang makaipon ng pera pangpuhunan sa negosyong ito.

At nang sila’y tuluyang makapagtapos, agad nila itong inumpisahan. Nagsimula sila sa isang maliit na pwesto sa tabi ng bahay ng kaniyang kaibigan hanggang sa sila’y magkaroon na ng pera pang-upa sa isang commercial space hindi kalayuan sa palengke.

Tuwang-tuwa siya sa mga kaibigan, kamag-anak, at iba pa niyang kakilala na todo suporta sa kanila. Kaya lang, hindi nagtagal, katulad ng ibang negosyo sa paligid nila, nilangaw na rin ang kanilang parlor.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magpasiyang sumuko sa negosyo nilang ito. Nawalan na siya ng pag-asa na ito’y kikita pa dahil sa sandamakmak na bagong salon sa paligid nila.

Kaya kahit ayaw ng kaibigan niya, ito’y kaniyang iniwan at naghanap ng trabaho sa Maynila. Tila umaayon naman ang tadhana sa kaniya dahil agad siyang nakahanap ng trabaho rito.

Ngunit, isang beses lang sa isang buwan siya pupwedeng makauwi rito dahil sa pandemya.

Araw-araw pumipintig ang tainga at mata niya sa paglaki ng hawak niyang pera. Kung dati’y halos wala siyang maibigay sa kaniyang mga magulang, ngayo’y siya na ang nagbabayad ng kanilang mga bayarin sa bahay.

At dahil nga may pera na siya, pagkalipas ng halos kalahating taon niyang pagtatrabaho, naisipan niyang magpakulot ng buhok.

“Ako na lang kaya ang magkulot sa buhok ko?” tanong niya sa sarili, “Ay, huwag na. Mahihirapan pa ako! May pera naman ako,” wika niya pa saka agad na naghanap sa internet ng pinakamalapit na parlor sa pinamamalagian niyang apartment.

Ngunit ikinatawa niya ang pinakamalapit na parlor na kaniyang nakita. Kapangalan kasi ito ng dati nilang negosyo ng matalik niyang kaibigan.

“Siguro sinara na talaga ni Keren ang negosyong iyon kaya may nakapagparehistro ulit ng pangalang ito. Teka nga, matingnan nga kung maganda ang serbisyo rito,” sambit niya sa sarili saka agad na nagpunta sa parlor na iyon.

Pagpunta niya roon, sumalubong sa kaniya ang kaniyang kaibigan. Niyakap siya nito at agad na kinumusta.

“Ilang beses kitang tinawagan, hinanap, pero hindi ka sumasagot. Ito na ang negosyo natin ngayon. Sinuwerte ako simula nang sinubukan kong ayusan ang pulubing palaging nagbabantay sa labas ng unang parlor natin. Ngayon, mayroon na akong limang parlor sa iba’t ibang lugar,” kuwento nito sa kaniya na labis niyang ikinagulat.

“Pa-paanong nangyaring…” hindi niya makapaniwalang sagot.

“Sabi sa’yo, eh, walang imposible kapag nagpursigi,” tugon nito habang nakangiti.

Naisin man niyang muling bumalik sa negosyong iyon, hindi niya magawa dahil sa ginawa niyang pag-iwan sa matalik na kaibigan nang sila’y nasa krisis.

“Ang kapal naman ng mukha ko kung babalik ako ngayong sampung beses na malaki na ang kinikita niya,” iyak niya sa panghihinayang habang naglalakad pauwi.

Doon niya natutunang talo ang mga sumusuko at nananalo ang siyang mga lumalaban para sa pangarap.

Advertisement