Nagsisinungaling ang Ginang Para Lamang Makapangutang; Isang Pangyayari ang Magtuturo ng Leksyon sa Kaniya
Masiglang namimili ng damit si Elena nang isang tinig ang tumawag sa kaniya mula sa likuran.
“Mareng Elena!”
Nang lingunin niya ang ito ay nakita niya si Sol, isa sa mga kumare niya na matagal-tagal niya nang hindi nakikita.
“Uy, Elena! Mabuti naman at mukhang maayos na ang lagay mo, magaling ka na ba?” nag-aalalang tanong nito.
Noong una ay hindi niya maunawaan ang sinasabi nito. Mabuti na lamang at may naalala siya.
“Salamat naman sa Diyos, mare! Oo, magaling na ako,” sagot niya sa kumare.
Muntik niya nang makalimutan! Isa ito sa mga pinagkakautangan niya. Inutangan niya ito noon ng limang libo. Idinahilan niya na nagkaroon siya ng sakit kahit na hindi naman totoo.
“Ano ‘to, nakabawi na ba kayo sa mga gastusin? Mukhang may pang-shopping ka na, ha!” tila nanunudyong komento nito.
Alam na niya ang ibig sabihin nun. Maniningil ang babae kaya naman inunahan niya na ito.
“Naku, hindi, mare! Pinapabili lang ‘to sa akin ng kaibigan ko. May sakit kasi siya, at kailangan ng anak niya ng damit, kaya ako ang pinabili. Hindi ako makakabili ng para sa sarili ko, dahil baon na baon pa rin kami sa utang,” palusot niya bago niya binitawan ang bestida na nais niya sanang bilhin. Naglakad siya palapit sa damit na para sa mga bata at nagkunwaring namimili.
Mukha namang nakumbinsi si Sol. Ilang sandali pa silang nagkumustahan bago ito tuluyang nagpaalam.
Nakahinga nang maluwag si Elena. Akala niya ay sisingilin na siya ng kumare!
Binalikan niya ang bestida na nais niyang bilhin. Nang sukatin niya iyon ay napangisi siya nang makitang bagay na bagay iyon sa kaniya. Kay lapad ng kaniyang ngiti nang iabot iyon sa kaniya ng kahera.
May bago na naman siyang damit!
Lingid sa kaniyang kaalaman ay nasa ‘di kalayuan pa rin si Sol, at matalim ang tingin nito nang makita ang ginawa niyang pagbili sa bestida.
Tanghaling tapat. Kasalukuyang umiidlip sa sofa si Elena nang makaramdam siya ng marahang pagyugyog.
“Tita Elena! Gumising ka!”
Namulatan niya si Julie. Pamangkin niya si Julie at ito ang kasalakuyang kasambahay nila at yaya ng kaniyang nag-iisang anak.
“Ano ba ‘yan, Julie! Bakit ka naman nanggigising?” iritableng sita niya sa pamangkin.
Itinuro nito ang labas.
“Tita, may mga tao sa labas. Mukhang galit sila, hinahanap ka!” tarantang paliwanag nito.
Nang sumilip siya sa labas ay nakita niya ang kaniyang limang kumare na pawang nag-uusap usap. Kasama na doon si Sol.
Isang matamis na ngiti ang inihanda niya bago niya hinarap ang mga ito.
“Mga mare, anong atin?” nakangiting bungad niya sa mga ito.
“Mare, nandito sana ako para singilin ka,” direktang wika ni Tess.
Nagkunwari siyang nabigla.
“Naku, mare, pasensiya na ha, alam mo naman na walang wala ako ngayon. Nagkasakit kasi ang asawa ko at kababalik lang sa trabaho,” pagsisinungaling niya.
“Hindi totoo ‘yan! Araw-araw kong nakikita si Ramil na pumapasok!” sabat naman ni Molly. Katapat lang nito ang bahay nila.
Naumid ang kaniyang dila. Tila ayaw gumana ng kaniyang isip at wala siyang mahanap na palusot.
“Saka hindi ba nagkita tayo sa mall kahapon, Elena? Nakita ko na binili mo ‘yung mamahaling bestida kaya hindi ako naniniwala na wala kang pera!” matapang na pahayag naman ni Sol.
“Mare, ‘di ba, sabi ko naman sa’yo, pinabili lang ‘yun sa akin–”
“Sinungaling ka! Nakita ko na sinukat mo ‘yung damit at binili mo!” pagsopla nito sa sinabi niya.
“Hindi ka makabayad ng utang, pero halos araw-araw kayong umaalis ng anak mo para magpunta sa kung saan-saan!” kastigo pa ni Molly.
“Nung nangutang ka sa akin, ang sabi mo anak mo ang may sakit. Pero nung nangutang ka kay Sol, sabi mo, ikaw ang may sakit, ano ba talaga?” wika naman ni Rizza.
“Naku, walang nagkasakit sa kanila, hindi ‘yun totoo!” kontra ng kapitbahay nila.
Ang totoo ay ibinili niya lamang iyon ng mamahaling relo para sa asawa noong anibersaryo nila. Hindi niya lamang masabi ang totoo sa takot niya na ipa-baranggay siya ng mga kumare.
Nais na lamang ni Elena na lamunin siya ng lupa ng mga sandaling iyon.
Pahiyang pahiya siya sa mga kumare ngunit totoo naman na wala na siyang pera. Naubos niya na ang lahat dahil bumili pa siya ng bag at sapatos.
Wala siyang nagawa kundi pangakuan ang mga kumare na magbabayad siya. Galit na galit kasi ang mga ito sa ginawa niya.
“Mga mare, sa katapusan, susweldo ang asawa ko. Uunti-untiin ko ang pagbabayad.”
“Siguraduhin mo ‘yan ha. Kung hindi, ipapakulong kita,” banta pa ni Rizza. Sampung libo ang utang niya rito.
Problemado si Elena maghapon dahil iniisip niya kung saan siya hahanap ng pambayad sa mga pinagkakautangan.
“Tita! May sinat po si baby,” narinig niya sumbong ng kaniyang pamangkin.
Pinainom nila ng gamot ang bata ngunit nabahala na siya nang lalo lamang tumaas ang temperatura nito.
“Tita, dalhin na kaya natin sa doktor?” suhestiyon ni Julie.
“Hindi, wala tayong pera. Hintayin lang natin, bababa rin ‘yan,” umiiling na kontra niya dito. Kumakabog ang kaniyang dibdib dahil sa pag-aalala sa anak.
Subalit tila aatakihin siya nang marinig muli ang pamangkin.
“Tita, nagkukumbulsyon na si baby!” tili nito.
Dali-dali niyang tinakbo ang bahay ni Molly upang manghiram dito ng pera upang maisugod niya ang anak sa ospital.
“Sa tingin mo maniniwala ako sa dahilan mo? Kahit umiyak ka pa, hindi ka makakaulit sa akin! Hindi ka marunong magbayad!” singhal nito bago siyang pinagsarhan ng pinto.
Tinawagan niya pa ang ilang kakilala subalit bigo pa rin siya. Wala nang nais pang magpautang sa kaniya, dahil wala nang naniniwala sa dahilan niya.
“Tita, kailangan na nating pumunta sa ospital! Nagsusuka na si baby!” umiiyak nang sigaw ni Julie.
“W-wala tayong pambayad!” nanginginig na tugon niya sa pamangkin.
Subalit ipinilit nitong isakay ang bata sa sasakyan, kaya wala siyang nagawa kundi magmaneho papuntang ospital.
Nang masiguro nang ligtas ang kaniyang anak ay umiiyak siyang napaupo sa sahig ng ospital. Tila noon niya lang naramdaman ang pagod.
Napagtanto niya na dahil sa kaniyang madalas na pagsisinungaling, wala nang naniwala sa kaniya nang totoo na ang sinasabi niya. Nailagay pa noon ang buhay ng anak niya sa panganib.
Labis-labis ang pagsisisi ni Elena sa nangyari.
Kasalukuyan niyang pinoproblema ang pambayad sa ospital nang lumapit sa kaniya si Julie.
“Tita, ginamit ko lahat ng ipon ko sa bangko para mabayaran ang bill ni baby. Pero ipangako mo na babayaran mo ako, ha. Para ‘yun sa pag-aaral ko,” nakalabing wika ng dalaga.
Umiiyak na niyakap niya ang pamangkin. Hindi matapos-tapos ang pasasalamat niya sa dalaga.
Ibinenta niya ang lahat ng kaniyang mamahaling bag, sapatos, na pawang pinangutang niya lang naman ang ipinambili. Binayaran niya ang lahat ng utang, kalakip ng paghingi ng tawad sa kaniyang mga pagsisinungaling.
Napakalaki ng epekto noon sa buhay ni Elena. Mula noon ay natuto siya na mamuhay nang simple, nang naayon lamang sa kung ano ang kaya nila, at nang walang nilolokong tao.