Inday TrendingInday Trending
Kumapit sa Patalim ang Dalaga Para sa Kaniyang Pamilya; Ano ang Naghihintay na Kapalaran sa Kaniya?

Kumapit sa Patalim ang Dalaga Para sa Kaniyang Pamilya; Ano ang Naghihintay na Kapalaran sa Kaniya?

Kabado si Mariel. Nilinga niya ang paligid upang tingnan kung mayroon bang mamimili malapit sa kaniya.

Nang makita niya na siya lamang ang tao sa parteng iyon ng tindahan ay dali-dali niyang isinuksok sa sukbit niyang bag ang ilang pirasong de-lata.

“Sorry, Lord. Pangako, ibabalik ko ito sa oras na makabawi ako,” paghingi niya ng tawad.

Mabilis ang naging paglakad niya palabas. Ilang hakbang na lamang siya nang may humawak sa braso niya, tipong pinipigilan siyang lumabas.

Nang lingunin niya ang tao sa likod niya ay nakita niya ang isang gwapong lalaki. Sa tingin niya ay matanda lamang ito sa kaniya ng ilang taon. Nakasimangot ito habang matiim ang pagkakatitig sa kaniya.

“B-bakit po?” kinakabahang tanong niya.

Hindi ito nagsalita, ngunit inginuso nito ang bag na suot niya.

Tila malalaglag ang puso ni Mariel sa kaba. Alam ba ng lalaki ang ginawa niya? Paano nito nalaman?

“”A-ano pong problema?” muling tanong niya.

“‘Wag ka nang magmaang-maangan, Miss. Nakita ko sa CCTV ang ginawa mo,” seryoso nitong saad.

Nalaglag ang balikat ni Mariel. Hindi niya alam na may CCTV pala sa lugar na iyon! At mukhang ang may-ari pa talaga ang nakahuli sa kaniya!

“Sumunod ka sa’kin, ayoko naman ipahiya ka rito,” supladong utos nito bago nagpatiuna sa paglalakad.

Nang makarating sila sa isang opisina ay agad siyang kinastigo ng lalaki.

“Ibaba mo sa lamesa ang kinuha mo.”

Nanginginig na ibinaba niya sa lamesa ang tatlong piraso ng de-lata na ulam na sana nila ng dalawang araw.

“Sorry po, talagang wala lang po talaga akong ibang pagpipilian. Nagugutom na ang dalawa kong kapatid,” umiiyak na paliwanag niya sa lalaki.

“Ang bata-bata mo pa at mukhang malakas ka naman. Bakit hindi ka humanap ng marangal na trabaho, hindi ‘yang nagnanakaw ka?” kunot noong usisa ng lalaki.

Lalo lamang napaiyak si Mariel. Ikinuwento niya sa lalaki ang mapait niyang karanasan.

“Pumapasok po ako bilang kasambahay. Kaso pinagtangkaan akong gawan ng masama nung amo kong lalaki. Noong isinumbong ko siya sa asawa niya, hindi niya ako pinaniwalaan. Ikinalat niya pa sa baranggay namin na malandi raw ako, kaya walang gustong kumuha sa akin bilang kasambahay,” pagkukwento niya sa lalaki.

Pilit niya pinigilan ang luha dahil sa hiya sa estranghero subalit hindi niya magawa. Nang mahimasmasan siya ay nilingon niya ang lalaki.

Kunot pa rin ang noo nito ngunit wala na siyang nakitang galit sa gwapo nitong mukha. Tila ito man ay nahabag sa sinapit niya.

“Kaya parang awa niyo na po, ‘wag niyo akong ipakulong. Kawawa naman ang mga kapatid ko kapag nawala ako,” pakiusap niya sa lalaki.

“Hindi naman po ako masamang tao. Wala lang po talaga akong pagpipilian. Ibabalik ko naman po ang ninakaw ko kapag nagkapera ako,” dagdag niya.

Narinig niya ang mahinang pagtawa ng lalaki kaya naman kagyat siyang napalingon.

“Ibang klase. Ngayon lang ako nakakita ng magnanakaw na isasauli ang ninakaw,” komento nito.

“Abswelto ka ngayon, Miss. Pero ayokong ulitin mo ‘to. Paano kung ibang tao ang nakahuli sa’yo? Baka napahamak ka,” sermon nito.

Nangako siya na hindi niya na uulitin pa ang masamang gawain. Labis labis ang pasasalamat niya sa lalaki.

Mas lalo siyang nagpasalamat sa sunod na sinabi nito.

“Hindi ba wala kang trabaho? Naghahanap kami ng tindera, gusto mo bang dito ka na lang magtrabaho?”

Sa sobrang pasasalamat ay napaiyak siya. “Maraming salamat, Sir! Hinding-hindi ka magsisisi!”

“Sige. Bukas ka na magsimula. Pumunta ka ng alas siyete,” wika nito bago siya pinauwi.

Palabas na siya ng opisina nang tawagin siya ng lalaki.

“Miss!”

Nilingon niya ito.

“Anong pangalan mo?” tanong nito.

“Mariel po.”

“Ako si Harold. Mariel, dalhin mo na rin ang mga de-lata para may ulam ang mga kapatid mo,” nakangiting wika ng lalaki.

“Maraming-maraming salamat po, Sir Harold!” naluluhang wika niya sa lalaki bago tuluyang nilisan ang opisina.

Habang papauwi si Mariel ay hindi siya makapaniwala sa kaniyang swerte. Tila anghel ang lalaki na binigyan siya ng pag-asa!

Kinabukasan, alas sais pa lang ay nasa tindahan na siya. Siniguro niya na hindi siya mahuhuli. Lumipas ang ilang buwan at talaga namang pinagbuti niya lalo pa’t sadyang napakalaki ng utang na loob niya sa kaniyang mabait na amo.

Isa pa, maayos ang sweldo niya at natutustusan niya ang pangangailangan nilang magkakapatid.

At higit sa lahat, inspirado siyang pumasok sa trabaho dahil sa kaniyang gwapo at mabait na boss.

Gusto man niya ang lalaki ay wala siyang tiyansa. Sino ba naman siya? Nakilala lang siya ng lalaki dahil nagnakaw siya sa tindahan na pag-aari nito. Kahit baliktarin niya ang mundo ay hinding-hindi ito magkakagusto sa kaniya.

Magkakasya na lamang siya sa pagtingin nito mula sa malayo.

Ngunit kahit tila pagtingin dito ay hindi niya na magagawa. Isang araw kasi ay ipinatawag siya ni Harold sa opisina nito.

May seryosong ekspresyon sa mukha nito nang madatnan niya. Taliwas iyon sa mukha nito na parating maaliwalas.

“S-sir, bakit po?” kinakabahang tanong niya.

“Sinabi sa akin ng kasamahan mo na nag-uuwi ka raw ng mga produkto sa bahay niyo? Totoo ba ‘yun?” tanong nito.

Hindi niya na ikinagulat iyon. Kilala niya na kung sino ang nagpapakalat ng tsismis. Ang kasamahan niyang tindera na si Tin. Ayaw nito sa kaniya dahil kagaya niya ay may gusto rin ito kay Harold.

“Sir, hindi po totoo ‘yun,” matapat na wika niya sa lalaki.

Hindi ito sumagot. Hindi niya maiwasang masaktan dahil tila hindi naniniwala sa kaniya ang lalaki.

“Bakit naman gagawin ni Tin ang ganitong bagay?” kunot noong tanong nito.

“Sir, alam ko na hindi maganda ang pagkakakilala niyo sa akin. Pero sana po ay maniwala kayo sa sinasabi ko. Sinisiraan lang ako ni Tin para matanggal ako dahil alam niyang gusto rin kita!”

Nakita niya ang gulat sa mukha ng lalaki. Nang mapagtanto niya ang nasabi ay tila gusto niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan sa sobrang hiya.

“S-sir, sorry po. Kalimutan niyo na po ang sinabi ko!” natatarantang bawi niya sa sinabi.

Ngunit mas nagulat siya sa sagot nito.

“Gusto rin kita, Mariel. Matagal na. Hindi ko lang alam kung paano ko sasabihin sa’yo,” mahina ang tinig na pag-amin nito.

Nang araw na iyon ay nagkaaminan sila ni Harold ng kanilang tunay na nararamdaman, salamat sa kalokohan ni Tin!

Napatunayan din na hindi totoo ang mga paratang sa kaniya, kaya naman todo ang hingi ng paumanhin ng kaniyang kasamahan. Sa huli ay natanggap din nito na siya ang pinili ni Harold.

Napakalaki ng pasasalamat ni Mariel sa tadhana. Ilang pirasong de-lata lang sana ang gusto niyang nakawin, subalit higit pa doon ang nakuha niya – ang puso ng kaniyang pinakamamahal!

Advertisement