Inday TrendingInday Trending
Tinuligsa ang Babae Dahil sa Kaniyang Sobrang Pagtitipid; Nagulat ang mga Ito sa Naabot Niya

Tinuligsa ang Babae Dahil sa Kaniyang Sobrang Pagtitipid; Nagulat ang mga Ito sa Naabot Niya

Pagpasok pa lamang ni Sandra ng opisina ay dinig na dinig niya na ang malakas na tawanan ng kaniyang mga kaopisina.

“Oo, grabe nga si Jared, halos gumapang na sa sobrang kalasingan kagabi! Ilang baso ba naman ng alak ang nilaklak kagabi!” wika ng kanilang boss, bago muling nagtawanan ang mga ito.

Ang katrabaho niyang si Tina ang unang nakapansin sa presensya niya.

“Naku, Sandra! Sayang kagabi, wala ka, ang saya-saya pa naman!” nanghihinayang na komento nito.

Nabaling sa kaniya ang atensyon ng mga ito, kaya isang nahihiyang ngiti ang ipinukol niya sa mga katrabaho.

“Pasensiya na ha, alam niyo naman ako, kung makakatipid, magtitipid. ‘Di ba lagi ko naman sinasabi sa inyo na may mahalaga akong pinag-iipunan?” katwiran niya.

“Ano ba ‘yang pinag-iipunan mo at parang mas mahalaga pa kaysa sa relasyon mo sa ming mga katrabaho mo?” taas kilay na tanong ni Anette, isa sa mga hindi niya makasundo.

“Oo nga, Sandra. Nung isang araw din, ikaw lang ang hindi bumili nung tinitinda kong leche flan! Ano nga ba ‘yang pinag-iipunan mo at napakakuripot mo?” ani Fred, na umani ng tawanan.

“Basta, ayaw ko munang sabihin. Sasabihan ko naman kayo sa takdang oras,” wika niya bago nagsimulang magtrabaho ng araw na iyon.

Nang bandang uwian ay kagaya ng dati, muli na naman silang nagkayayaan na kumain at tumambay sa labas. Kaarawan kasi ng kanilang boss.

“Sandra, ano, sama ka?” yaya ni Tina.

Isang marahang iling lamang ang isinukli niya sa kasamahan.

“Hindi na, Tina. Mag-enjoy kayo ha!” sagot niya.

Hindi nakatakas sa kaniyang pandinig ang sinabi ng iilan sa mga kasamahan niya.

“Grabe, walang pakisama!”

“‘Wag niyo nang pilitin ang ayaw!”

“Napakakuripot naman niyan! Baka walang-wala talaga!”

Nalulungkot man si Sandra na ganoon ang tingin ng mga kasamahan sa kaniya ay wala siyang magawa. May pangarap siya na nais maabot kaya naman may mga bagay na kailangan niyang isakripisyo.

Unti-unting nag-iba ang turing sa kaniya ng mga kaopisina. Para siyang hangin na hindi nakikita ng mga ito kung ituring.

Halos wala siyang makasabay sa pagkain. Halos wala rin siyang makausap dahil tila iniiwasan siya ng mga kaopisina.

Sa tingin niya ang madalas din siya pagtsismisan ng mga ito dahil sa t’wing may nagbubulungan at dumarating siya ay agad agad na hihinto sa pag-uusap ang mga ito o ‘di kaya ay lalayo.

Mahirap ang lahat para kay Sandra subalit tinitiis niya ang lahat. Konting konti na lang ay maabot niya na ang matagal niyang minimithi.

Hanggang sa isang hindi inaasahang balita ang natanggap nila isang araw.

Nang umagang iyon, nang pumasok siya ay balot ng katahimikan ang buong opisina. Ipinagtaka niya iyon dahil kapag pumapasok siya ay ang ingay ang una niyang naririnig.

Nang sumapit ang tanghali ay nagpatawag ng pagpupulong ang boss nila.

“Siguro ay narinig niyo na ang masamang balita. Hanggang ngayong linggo na lang tayo. Isasara na ang kompanya, kaya naman kailangan na nating humanap ng iba pang trabaho,” pagbabalita nito.

Narinig niya ang pag-iiyakan ng kaniyang mga kaopisina. Alam niya kasi na iyon lamang ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga ito.

Nalungkot si Sandra ngunit hindi labis ang kaniyang pag-aalala. Alam kasi siya na mayroon siyang pagkukunan ng kabuhayan.

“Sandra, bakit parang hindi ka malungkot? Hindi ba, sa ating lahat, ikaw ang mukhang pera?” mataray na untag ng kasamahan niyang si Anette.

Isang tipid na ngiti ang sumilay sa kaniyang labi.

“Hindi ako masyadong apektado. Aalis na rin naman ako dapat sa kompanya, eh,” kibit-balikat niya sa babae.

“Aalis ka na dapat? Bakit?” takang tanong nito.

“Nagtayo kasi ako ng negosyo. Doon na ako kukuha ng ikabubuhay ko,” sagot niya.

Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang reaksyon ng ibang kaopisina.

“May negosyo siya? Saan siya kumuha ng pera?”

“Buti pa si Sandra, may negosyo!”

“Nakakainggit naman!”

“‘Yun ba ang dahilan kaya todo ang pagtitipid mo?” namiilog ang matang sabat ng boss niya.

“Opo. Simula kasi ng magkapamilya ko, natutunan ko na kailangan ko na maging matalino sa pera,” paliwanag niya.

Nang ilibot niya ang tingin, sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi inis o galit ang ibinabatong tingin sa kaniya ng mga kasama, kundi paghanga at pagkabilib.

“Sa oras na magbukas ang itinayo kong restawran, imbitado kayong lahat,” nakangiting saad niya sa mga katrabahong halatang inggit na inggit sa kaniya.

Habang ang mga kasamahan niya ay hindi magkandaugaga sa paghahanap ng magandang pagkakakitaan, siya naman ay buo ang loob na binuksan ang kaniyang restawran.

Sa kabutihang palad ay kinagat iyon ng mga tao, lalo pa’t sa mataong lugar niya itinayo ang nasabing restawran.

Maging ang kaniyang mga kasamahan sa trabaho ay madalas dumayo doon. Madalas humingi ang mga ito ng payo ukol sa pagtitipid. Bumilib kasi ang mga ito sa paraan ng paghawak niya ng pera.

Hindi makapaniwala si Sandra sa sinapit na tagumpay ng kaniyang negosyo. Mabuti na lamang at naging matalino siya ay hindi nagpatinag sa kung anumang sinasabi ng iba!

Advertisement