Inday TrendingInday Trending
Nang Pumunta sa Probinsya ay Pina-Ibig ng Lalaki ang Dalaga Kahit Malapit na Siyang Ikasal; Kakila-kilabot ang Balik Niyon sa Kaniya

Nang Pumunta sa Probinsya ay Pina-Ibig ng Lalaki ang Dalaga Kahit Malapit na Siyang Ikasal; Kakila-kilabot ang Balik Niyon sa Kaniya

Alas kuwatro pa lang ng umaga ay gumayak na si Aljon. Pupunta siya sa probinsya para personal na imbitahan ang kanyang mga kamag-anak para sa nalalapit nilang kasal ng kasintahan niyang si Jorine.

Makalipas ang halos labing apat na oras ay narating din niya ang pakay.

“Insan!” sigaw niya.

“O, insang Aljon, buti at napadalaw ka!” gulat na sambit ng pinsan niyang si Julio.

“Kumusta ka na, insan?”

“Eto, binata pa rin. Halika sa loob, naroon sina itang at inang. Matutuwa sila kapag nakita ka!” yaya ng lalaki.

Habang magkakasamang kumakain ay ipinamalita na niya ang tungkol sa kaniyang kasal.

“Kaya po ako naparito, para imbitahan po kayo sa kasal namin ni Jorine,” sabi niya sa tiyuhin, tiyahin at pinsan niya.

“Aba, magandang balita ‘yan, pamangkin. Mabuti ka pa ay lalagay na sa tahimik samantalang itong pinsan mong si Julio, wala na yatang balak na mag-asawa,” tugon ng tiyuhin niya.

“Hanggang kailan ka ba mananatili rito, hijo?” tanong naman ng tiyuhin niya.

“Apat na araw lang po. Marami pa po kasi akong aasikasuhin sa Maynila,” aniya.

“Maige ‘yan, insan. Habang narito ka ay samantalahin mo na ang ang mga nalalabi mong araw na binata ka!” sabad ni Julio.

Pagsapit ng hapon ay isinama siya ng pinsan niya sa malapit na talon para maligo. Habang ninanamnam nila ang lamig ng tubig sa talon ay may napansin si Aljon.

“Insan, s-sino ang babaeng ‘yon?” tanong niya.

Nang lingunin ni Julio ang pinakadulong bahagi ng talon ay para itong nakakita ng multo.

“S-si M-Mila ‘yan, insan,” sagot ng lalaki.

‘Di napigilan ni Aljon na humanga sa babaeng naliligo rin sa talon.

“Napakaganda niya, insan,” sambit niya.

“Oo, maganda talaga siya, p-pero walang nagtatangkang manligaw diyan,” sagot ng pinsan niya.

“B-bakit naman?”

“Isang kilalang mangkukulam ang nanay niyan, insan! Si Manang Sale na pinangingilagan ng mga tao rito dahil isa siyang mapanganib na mangkukulam. ”

Gustong matawa nang malakas ni Aljon sa sinabi ni Julio.

“Nagbibiro ka ba, insan? ‘Yang napakagandang babaeng ‘yan, anak ng mangkukulam?”

“Hindi ako nagbibiro, insan!”

Napalakas ang sigaw ni Julio kaya ‘di sinasasyang narinig sila ni Mila. Napalingon sa kanila ang dalaga.

Nang makita ni Julio na nakatingin sa kanila si Mila ay nagmamadali na itong umahin sa tubig.

“Tayo na, insan! Mahirap nang makursunadahan ng babaeng ‘yan!”

Dali-dali silang umalis sa lugar na iyon ngunit dahil laking siyudad si Aljon ay nagkaroon siya ng kuryosidad sa babae. Gumawa siya ng paraan para muling makita si Mila. Nagtanung-tanong siya sa mga taga-roon kung saan ito nakatira ngunit gaya ng pinsan niya ay binalaan din siya ng mga ito na mapanganib ang magpunta sa bahay ng dalaga ngunit binalewala niya iyon at nagpunta pa rin sa kagubatan kung saan naninirahan ang mag-inang Mila at Manang Sale.

Ilang minuto lang ay narating niya ang lugar. Nadatnan niya roon ang isang maliit na barong-barong.

“Tao po, tao po!”

Nang biglang bumungad sa kanya ang isang may edad na babae na mukha ngang mangkukulam dahil sa pangit nitong hitsura. Halos mangilabot si Aljon sa babaeng humarap sa kanya ngunit nilakasan niya ang loob.

“Anong kailangan mo, hijo?” tanong ni Manang Sale.

“Magandang umaga po. Isa po akong mangangaso, naligaw po ako at hindi ko po alam kung saan ang daan patungo sa kanayunan. Baka po maaari niyo akong matulungan,” pagsisinungaling niya.

“Ganoon ba? Hayaan mo at pasasamahan kita sa anak ko para ituro sa iyo ang daan pabalik sa baryo… Mila, Mila!” sigaw ni Manang Sale.

At lumitaw ang napakagandang dalaga.

“Bakit po, inay?”

“Samahan mo nga ang dayong ito papunta sa baryo. Naligaw raw at hindi alam ang daan pabalik,” utos ng ina.

“Opo, inay,” tugon ng dalaga.

“Ang ganda talaga niya. Ewan ko ba pero nahahalina ako sa kakaiba niyang alindog at nakapagtataka, ang bilis namang pumayag ng kanyang ina na sumama siya sa akin. Hindi ba natatakot ang Manang Sale na ito na baka may gawin akong masama sa anak niya?” sabi ni Aljon sa isip.

Sa kanilang pag-alis ng dalaga ay hindi maalis ang tingin ni Manang Sale sa kanya. Tila nakapako ang tingin nito sa kanya.

‘Di nagtagal ay narating nina Aljon at Mila ang daan papunta sa baryo.

“Bagtasin mo lang ang talahibang ‘yan at mararating mo na ang baryo,” wika ng dalaga.

“A, eh, maraming salamat ha? A-ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ni Aljon.

“M-Mila, ako si Mila,” nakangiting tugon ng dalaga.

Sa kanilang paghihiwalay ay hindi pa rin maalis sa isip ni Aljon ang magandang mukha ni Mila. Isang plano ang nabuo niya.

“Bakit nga ba hindi ko subukan? Tama si insan, sasamantalahin ko na ang pagkakataon habang hindi pa ako ikinakasal,” wika ng lalaki sa sarili.

Sobra siyang nabighani sa angking kagandahan ni Mila kaya balak niyang ligawan ito habang naroon siya sa probinsya at habang hindi pa siya naikakasal ngunit muli siyang binalaan ng pinsang si Julio.

“Binabalaan kita, insan. Kung ayaw mong mapahamak ay huwag mong pag-interesan si Mila. Buti sana kung tototohanin mo, eh kaso ikakasal ka na,” sabi ng pinsan niya.

Pero hindi nakinig si Aljon. Itinuloy niya ang balak kay Mila. Kinaibigan niya ang dalaga hanggang sa nahulog ang loob nito sa kanya. Halata kasing may pagtingin din ito sa kanya dahil sa taglay niyang kaguwapuhan. Dahil sa madaling bumigay ang damdamin ni Mila sa kanya ay madali rin nitong isinuko sa kanya ang pagkababae nito. Ngunit ang pakikipagmabutihan niya kay Mila ay mahigpit na tinutulan ni Manang Sale.

“Hindi ko gusto ang pakikipaglapit mo sa lalaking ‘yon, Mila. Malakas ang kutob ko na niloloko ka lang niya!” matigas na wika ng ina.

“P-pero inay, mahal ko si Aljon. Ngayon lang po ako nagmahal nang ganito,” tugon ng dalaga.

“Sana nga ay totoo ang pag-ibig niya sa iyo, anak. Sana ay mali ang kutob ko,” sagot ng ina.

Ang apat na araw lang na pamamalagi ni Aljon sa probinsya ay naging tatlong linggo. Ang namagitan sa kanila ni Mila ay ilang beses pang naulit hanggang sa isang araw ay tinapat siya ng dalaga.

“Kailangan mong panagutan ang nangyari sa atin, dahil kung hindi ay ang galit ni inay ang makakaharap mo,” makahulugang sabi ni Mila.

Nagulat si Aljon, parang nagbabanta ang dalaga.

“H-Huwag kang mag-alala, p-papakasalan kita, Mila,” napipilitan niyang sagot.

Pero imbes na tuparin ang sinabi ay tinakasan niya si Mila at nagmamadaling nagbalik sa Maynila.

“Sorry, pero may nakatakda na akong pakasalan at mahal ko si Jorine, p-pero nakukunsensya ako sa ginawa ko kay Mila. Kung puwede lang sana na silang dalawa ang pakasalan ko,” wika ni Aljon sa isip.

Agad na nakarating kay Mila ang pag-alis ni Aljon na labis nitong ikinalungkot.

“Niloko ako ni Aljon, inay, niloko lang niya ako!” hagulgol ng dalaga.

“Sabi ko na sa iyo at hindi mapagkakatiwalaan ang lalaking ‘yon pero ‘di ka nakinig sa akin,” sambit ni Manang Sale habang yakap nang mahigpit ang anak.

Isang gabi…

“Pagsisisihan mo ang panloloko mo sa anak ko, lalaki!” bulong ni Manang Sale sabay usal ng naiibang dasal.

Samantala, nakabalik na si Aljon sa Maynila at pupuntahan sana niya ang kasintahan sa bahay nito ngunit bigla itong tumawag sa kanya.

“A-Aljon, sorry pero hindi na matutuloy ang kasal natin…” sabi ni Jorine habang kausap niya sa cell phone. Dinig niya sa boses ng nobya na parang umiiyak ito.

“Anong kalokohan ito, mahal? T-teka, antayin mo ako at mag-uusap tayo nang personal!” aniya sa nag-aalalang tono.

At nang puntahan niya ang kasintahan…

“Narito na ako, mahal ko. Mag-uusap tayo ngayon.”

Ngunit nang humarap sa kanya ang babae ay halos masuka siya dahil gumimbal sa kanya ang nakaririmarim na hitsura ni Jorine.

“Mahabaging langit!”

Naaagnas ang mukha ni Jorine. Nabubulok iyon at inuuod pa.

“Hindi ko alam kung anong sumpa ang nangyari sa akin, pero tatanungin kita ngayon, Aljon, handa mo pa rin ba akong pakasalan?” umiiyak na tanong ng babae.

Hindi matagalang tingnan ni Aljon ang anyo ng nobya. Biglang may pumasok sa isipan niya.

“Kilala ko na kung sino ang may kagagawan niyan. M-may pupuntahan lang ako, mahal ko at babalik ako,” sabi niya sa kasintahan.

Alam na niya ang may kinalaman sa nangyari kay Jorine. Walang iba kundi ang ina ni Mila na si Manang Sale. Bumalik siya sa probinsya at nagmakaawa sa mag-ina.

“Patawarin mo ako, Mila, patawad po Manang Sale. Pinagsisisihan ko na ang aking nagawa. Parang awa niyo na po, huwag si Jorine. Ako na lang po ang parusahan niyo,” wika ni Aljon sa sinsero at nakikiusap na tono.

Ngunit naging bingi ang mag-ina sa pakiusap niya.

“Hindi, magdusa ka, lalaki!” tanging tugon ni Manang Sale.

Kahit lumuhod na siya at nagmakaawa ay wala siyang napala. Sa isip niya ay kasalanan niya ang lahat kaya dapat na siya ang magdusa, pero hindi si Jorine dahil wala naman itong ginawang masama.

Umuwing bigo si Aljon pero buo pa rin ang loob na nagpasya at muling kinausap ang nobya.

“Tuloy ang kasal natin, mahal ko.”

“P-pero, A-Aljon…”

“Mahal kita, Jorine. Anuman ang nangyari ay handa kitang pakasalan.”

Nang sumapit ang araw ng kanilang kasal ay pilit na ikinubli ni Jorine ang pangit at nakakadiri niyang mukha sa mga taong naroon. Kaya imbes na kulay puti ay itim na traje de boda at belo ang isinuot niya para hindi makita ang mukha niya.

At nang matapos ang seremonya at may sinabi ang pari…

“You may kiss the bride.”

Nang itinaas ni Aljon ang belo ay nanghilakbot ang pari at ang mga taong dumalo sa kanilang kasal nang lumitaw ang naaagnas na mukha ni Jorine. Mas lalong ikinabigla ng lahat nang walang pangingiming hinagkan ni Aljon ang nakakadiring labi ng kanyang asawa.

“I love you, mahal!” wika ni Aljon.

“I love you too!” sagot naman ni Jorine.

Pagkatapos niyon ay laking gulat ng lalaki nang magbalik sa dati ang mukha ni Jorine. Biglang nawala ang naaagnas nitong mukha at napalitan ng magandang anyo ng babae.

“Ang mukha mo, Jorine, bumalik na sa dati!”

“O, salamat po sa Diyos!” sambit ni Jorine.

“Salamat Diyos ko! Salamat po Manang Sale, Mila,” lumuluhang bulong ni Aljon habang yakap-yakap ang asawa.

Nagtataka man ang lahat sa naganap ay isa pa ring masayang kasalan ang nasaksihan. Walang kamalay-malay ang mag-asawa na nakamatyag sa kanila si Mila. Lumuluha habang nasa labas ng simbahan.

“Kinontra ko ang kulam ni inay dahil mahal kita, Aljon. Masakit man, pero kailangan kong tanggapin na mas mahal mo siya kaysa sa akin. Gusto kong maging masaya ka, mahal ko kaya ako na ang magpapaubaya. Pinapatawad na kita at hangad ko ang inyong kaligayahan,” sambit ni Mila.

Lingid sa kaalaman ng iba ay may kaalaman din si Mila sa karunungang itim gaya ng ina kaya sinubukan nitong kontrahin ang kulam nito kay Jorine ngunit ang hindi alam ng dalaga ay hindi siya nagtagumpay na kontrahin ang kulam ni Manang Sale. Ang totoong nagpawala sa kulam ay ang wagas na pag-iibigan nina Aljon at Jorine at ang pagpapatawad ni Mila.

Advertisement