Itinaguyod ng Ina ang Pag-aaral ng Anak Ngunit Nang Makatapos at Makapagtrabaho ay Iniwan Siya; Matinding Karma ang Kakaharapin Nito
Nang pumanaw ang asawa ni Aling Rosario ay siya na ang bumuhay sa nag-iisa nilang anak na si Sergio. Lahat ng alam niyang trabaho ay ginawa niya maging pagiging labandera ay pinasok niya maigapang lang ang anak. Wala naman siyang naging problema rito dahil masunurin ito at napakasipag mag-aral.
Lumaking matalino si Sergio at palaging nangunguna sa klase kaya walang pagsidlan ang kasiyahan ni Aling Rosario. Lahat ay gagawin niya para maitaguyod sa pag-aaral ang pinakamamahal na anak.
Kahit hatinggabi na ay nagagawa pa rin niyang isubsob ang sarili sa paglalaba at pamamalantsa ng mga damit.
“Naku, anong oras kaya ako matatapos sa mga ginagawa ko? Ayos lang, para naman ito kay Sergio. Para may pambayad siya ng matrikula bukas,” bulong ni Aling Rosario sa isip.
Maya-maya ay tinawag siya ng anak.
“Inay, sigurado po bang may pambayad ako bukas sa school?” tanong nito.
“Oo naman, anak. Kaya mag-aral ka lang diyan. Si nanay ang bahala sa lahat,” sagot niya.
Sisiguraduhin niya na may maibabayad ang anak sa eskwelahan. Malaki ang tiwala niya rito dahil ang anak niya ay may ambisyong maging titulado sa kabila ng kanilang pagiging mahirap.
Kinaumagahan ay nakuha na ni Aling Rosario ang kabayaran sa buong araw niyang paglalabada at pamamalantsa.
“O, anak eto na ang pambayad mo sa matrikula mo,” wika niya sabay abot ng pera sa anak.
“Salamat, inay. Hayaan niyo kapag nakatapos ako sa pag-aaral at nakakuha ng magandang trabaho, buhay-reyna ka na! Iiiwan din natin ang mabaho at maruming lugar na ito,” sabi ni Sergio.
“Sapat na sa akin ang makatapos ka, anak. ‘Yun lang at maligaya na ako,” tugon niya.
Dumating ang araw at nakapagtapos na sa kolehiyo si Sergio. Maluwalhating nairaos ni Aling Rosario ang pag-aaral ng anak.
“Salamat po Diyos ko, ito na ang simula ng pagtupad niya ng kanyang mga pangarap,” sambit ni Aling Rosario sa isip habang pinagmamasdan ang pagtanggap ni Sergio ng diploma.
Dahil sa angking talino ay agad na narating ni Sergio ang minitmithing ambisyon. Kahit wala pang isang taon sa pinapasukang kumpanya sa Makati ay na-promote agad ang lalaki.
“Starting tomorrow, you’ll be the new department head, Mr. Mallari… Congratulations!” masayang pagbati ng kanyang boss.
“Thank you, ma’am… I aim to be the best in the company…” sagot naman ni Sergio.
Mabilis na narating ni Sergio ang tuktok, na sa sobrang tayog ng lipad ay ayaw na niyang tumingin sa ibaba. Pati ang kanyang inang si Aling Rosario na tumanda na at humina na ang katawa’t dinapuan pa ng karamdaman ay nagawa rin niyang kalimutan. Mula nang lumuwas sa Maynila ay hindi na niya binalikan ang ina sa probinsya. Ang tanging nag-aalaga kay Aling Rosario ay ang pamangkin at ang asawa nito.
“Wala pa bang balita ang asawa mong si Raul kung nasaan na ang anak ko, Maita?” tanong ng matanda sa pamangkin.
“Wala pa po, tiyang. Huwag po kayong mag-alala. Isang araw ay may matatanggap din tayong balita kay Sergio. Ang mahalaga ay gumaling kayo… O, humigop po muna kayo ng mainit na sabaw,” wika ng babae.
Hindi na napigilan ni Aling Rosario ang pagdaloy ng luha sa mga mata.
“Paano na kaya ako kung wala kayong mag-asawa? Salamat, hija,” tugon ng matanda sa namamalat na boses.
“Huwag niyong alalahanin ‘yon, tiyang. Sino pa po ba ang magtutulungan… basta’t ipahinga niyo ang isip at katawan niyo para gumaling kayo,” naluluha na ring sambit ni Maita sa tiyahin.
Ngunit sadyang ginupo ng karamdaman si Aling Rosario. Nang sumunod na araw ay bigla na lang itong inatake sa puso kaya dinala ito sa ospital. Nang mga sandaling iyon ay nagpapakasaya naman si Sergio dahil araw din iyon ng kanyang kasal sa babaeng anak ng kanyang boss. Walang kaalam-alam ang lalaki na nasa ospital ang sariling ina at nag-aagaw-buhay.
Makalipas ang ilang linggo ay nalagpasan ni Aling Rosario ang atake sa puso ngunit sabi ng doktor, sa susunod na atakehin siya ay baka iyon na ang kanyang maging katapusan.
Sa paggaling ng matanda ay isang magandang balita ang sumalubong sa kanya.
“Tiyang, nahanap na po ni Raul si Sergio! May nakapagsabi raw po sa kanya na nagtatrabaho ang inyong anak sa isang malaking kumpanya sa Maynila at ubod na raw po ng yaman, ” sabi ni Maita.
“Talaga? Salamat sa Diyos at makikita ko na ang anak ko!” masayang sagot ng matanda. Sabik nang muling makita ang nawalay na anak.
Kahit nanghihina pa ay pinilit na bumiyahe ni Aling Rosario kasama si Maita para marating kung nasaan si Sergio. Ang totoo’y nalagpasan nga ng matanda ang sakit nito sa puso ngunit naparalisa naman ang kalahati ng katawan niya ngunit kahit hirap na dalhin ang kalahati ng katawan, ay narating pa rin niya kung saan nakatira ang anak na ang pananabik na muli itong makita ang nagbigay lakas sa kanya.
“Hindi ba tayo nagkakamali, Maita? Napakalaking bahay naman nito, at mukhang may kasayahan pa sa loob?” tanong ni Aling Rosario sa pamangkin.
“Hindi po tiyang. Ito na po ang bahay ng anak niyo. Mala-mansyon ‘di po ba? Totoong mayaman na siya ngayon,” sagot ni Maita.
Nagtangka silang pumasok ngunit agad silang hinarang ng guwardiya.
“Hoy, tanda! Bawal mamalimos dito, labas, labas!” sigaw ng lalaking guwardiya.
“T-teka, sandali lang, ibig ko lang namang makita at makausap si Sergio, eh,” tugon ni Aling Rosario.
Nang bigang lumabas ng bahay si Sergio.
“Anong ingay ito? May pagtitipon kami sa loob…” hindi natapos ng lalaki ang sasabihin nang makita ang ina. “Aba?! a-ang inay?! Naku, malaking kahihiyan ito! Ayokong malaman ng aking mga biyenan na galing ako sa hirap,” bulong niya sa sarili.
Kaarawan ng kanyang misis at nasa loob ng kanilang bahay ang mga magulang, kapatid at ilang kamag-anak. Tuwang-Tuwa naman si Aling Rosario nang masilayan ang anak.
“Sergio, anak ko!” malakas na sambit ng ina.
“Anak? Tinawag ka pa talagang anak ng pulubing ito, Sir Sergio? Hindi na nahiya!” tatawa-tawang sabi ng guwardiya.
Mas lalong pinagpawisan si Sergio nang lumabas rin at lumapit sa kanila ang kanyang asawang si Millen. Agad siyang dumukot ng pera sa bulsa…
“Sino siya, darling?” tanong ng babae.
“Ha, a, eh, wala, p-pulubi lang darling. N-namamalinos lang… o, eto, tanda at umalis ka na. Naabala lang kami pati na rin ang mga bisita ko,” hayag ng lalaki.
Nang maiabot kay Aling Rosario ang pera ay dali-daling pumasok sa loob ng bahay ang mag-asawa. Parang nalagutan ng hininga ang matanda sa inasal ng kanyang anak. Kahit si Maita ay hindi nakapagsalita, hindi ito makapaniwala na masasabi iyon ng isang anak sa sariling ina.
“Diyos ko! Bakit mo nagawa ito sa akin, anak? Bakit?” hagulgol ni Aling Rosario.
Wala nang hihigit pang sakit sa nararamdaman ngayon ni Aling Rosario. Harap-harapan siyang ipinahiya ng anak na minahal niya at itinaguyod.
“O, ano pang hinihintay mo, tanda? Nakapanlimos ka na ‘di ba? Umalis ka na rito kundi ay ipapahuli kita sa pulis pati ‘yang babaeng kasabwat mo!” pananakot pa ng guwardiya sabay turo kay Maita.
Biglang nahimasmasan si Maita sa ginagawang pamamahiya ng lalaki.
“Oo na, aalis kami. Wala kang galang sa matanda!” sigaw niya saka inakay na palayo ang tiyahin.
Masamang-masama ang loob ni Aling Rosario nang magbalik sa probinsya. Nang sumunod na araw ay nagulat na lamang si Maita nang madatnan ang tiyahin sa kama nito na wala ng buhay. Inatake ulit sa puso ang matanda sa sobrang hinanakit sa anak. Napansin din ng pamangkin na hawak-hawak pa rin ng matanda ang perang ibinigay ni Sergio.
Agad na ipinaalam ni Maita kay Sergio ang nangyari at nang pumunta ito sa burol ng ina ay usap-usapan siya ng mga kapit-bahay at kaanak nila.
“Ano bang klaseng anak ‘yan! Yumaman lang naging walang kwenta ng anak sa ina? Kakahiya!” sabi ng isang kapit-bahay.
“Kung ako ‘yan, itatakwil ko na ‘yan! Walang utang na loob!” sabad pa ng isa pa.
Dinig na dinig ni Sergio ang mga sinabi ng mga ito ngunit tinaggap niyang lahat ng iyon dahil sa laki ng kasalanan niya ay tama lang na insultuhin siya ng mga taong naroon.
At nang silipin niya ang ina sa kabaong ay doon na siya bumigay…
“Inay, patawarin mo ako! Nagsisisi na ako, inay ko!” hagulgol niya habang paulit-ulit na humihingi ng tawad sa harap ng labi ng ina.
Kahit pa lumuha pa siya ng dugo ay hindi na niya maibabalik ang buhay ng ina. Anumang kayamanan ang mayroon siya ay hindi nito matutumbasan ang mga sakripisyo at pagmamahal sa kanya ni Aling Rosario. Huli na para magsisi, wala na ang babaeng siyang pinagkakautangan niya ng lahat-lahat sa buhay niya. Para saan pa ang pinaghirapan niyang ambisyon kung ang kapalit pala niyon ay isang luksang tagumpay.