Inday TrendingInday Trending
Inunang Tumulong ng Dalaga Kaysa Pumunta sa Interbyu, Mawala kaya ang Oportunidad na Ito sa Kaniya?

Inunang Tumulong ng Dalaga Kaysa Pumunta sa Interbyu, Mawala kaya ang Oportunidad na Ito sa Kaniya?

“O, ang aga mong nagising, anak, ha? Saan ang lakad mo? Maghahanap ka ba ulit ng trabaho ngayon?” gulat na wika ni Aling Milen sa kaniyang nag-iisang anak, isang umaga nang makita niya itong namamalansta ng damit.

“Ah, eh, opo, mama. Sa katunayan po, interbyu ko na po ngayong araw. Ipagdasal niyo po ako na makapasa, ha? Pangako, kapag nagkaroon na ako ng trabaho, kahit maliit ang sweldo ko, hindi na po kayo maglalako ng mais ni papa kung saan-saan,” nakangiting sagot ni Jenny habang patuloy na hinahagod ng mainit na plantsa ang damit na susuotin.

“Wala talaga akong masabi sa bait mo, Jenny. Sigurado akong pagpapalain ka ng Diyos dahil sa kabutihang nananahan sa puso mo,” wika ng kaniyang ina habang hinahaplos-haplos ang kaniyang ulo.

“Maayos niyo po akong napalaki, mama, eh,” tugon niya na ikinatawa nito.

“Ay, sus, binola pa ako! Anong gusto mong almusal, anak? Mayroon ako ritong mais, chicharon at itlog! Gusto mo bang mag-sinangag ako para may laman ang tiyan mo sa pagbiyahe?” alok nito sa kaniya.

“Kahit ano po, mama! Basta may laman po ang tiyan ko bago umalis!” masaya niyang tugon na ikinatuwa nito lalo.

“O, sige, mag-ayos ka lang d’yan, bibilisan ko na ang pagluluto!” natatarantang wika nito na ikinangiti niya.

Mula sa isang mahirap na pamilya ang dalagang si Jenny. Simula pagkabata niya, sa isang maliit na barung-barong lamang katabi ng dagat sila naninirahan ng kaniyang mga magulang. Nagbebenta ito ng mga mais sa palengke, paaralan, munisipyo at kung saan man para lamang siya’y mapakain, mapag-aral at maibigay ang lahat ng kaniyang pangangailangan.

Laking tuwa naman ng kaniyang mga magulang dahil lumaki siyang kuntento sa buhay. Kung anong mayroon sila sa hapag-kainan, kaniya itong kinakain kahit halos araw-araw, tuyo at itlog maalat ang kanilang ulam.

Kaya naman nang siya’y tuluyan nang makapagtapos, agad na siyang naghanap ng trabaho upang masuklian ang paghihirap ng kaniyang mga magulang.

Sa paghahanap niya ng trabaho napagtanto na kahit pala tapos ka sa pag-aaral, mahirap talagang magkaroon ng trabaho, lalo na kung nasa Pilipinas ka at mataas ang mga kuwalipikasyon ng mga kumpanya.

Kahit pa ganoon, hindi pa rin siya sumuko sa paghahanap ng trabaho hanggang sa muli siyang maanyayahan sa isang interbyu.

Pagkatapos niyang kumain noong araw na ‘yon, agad na siyang nagpaalam sa kaniyang mga magulang at mabilis na tumakbo upang mahabol ang bus papuntang Maynila.

“Buti na lang nakaabot ako! Kung hindi, mahuhuli ako sa interbyu!” hihinga-hinga niyang wika matapos makasakay sa bus.

Ilang oras pa ang nakalipas, tuluyan na siyang nakarating sa Maynila at sa kaniyang paglalakad patungo sa kumpanya, naagaw ng isang bulag na tumatawid sa kalsada ang kaniyang atensyon.

“Diyos ko! Wala ka bang kasama?” tanong niya rito nang sundan niya ito sa pagtawid habang pinapara ang mga sasakyang papalapit sa kanila.

“Wala po, tumakas lang ako sa bahay namin. Pinagalitan kasi ako ng daddy ko,” nakangusong sambit nito.

“Saan ang punta mo ngayon?” pang-uusisa niya.

“Hindi ko rin po alam, eh, pupwede mo na akong iwan dito. Sigurado naman akong hinahanap na ako nila daddy,” tugon nito.

“Hindi kita pwedeng iwan, hintayin na lang natin sila. Sasamahan kita rito,” sambit niya habang sisipat-sipat sa kaniyang relo.

Saktong sampung minuto bago ang oras ng kaniyang interbyu, dumating na ang ama nito at labis na nagpasalamat sa kaniya.

Ngunit dahil sa kaniyang pagmamadali, “Walang anuman po,” lamang ang kaniyang sinabi saka agad nang lumisan sa lugar na iyon upang habulin ang kaniyang interbyu.

Kaya lang, habang siya’y natakbo, hinarang siya ng sasakyan nito dahilan para siya’y mapatigil.

“Naghahanap ka ba ng trabaho?” tanong nito, tumango-tango lang siya at muling naglakad, “Akin na ang resume mo, huwag ka na dumaan sa interbyu, akin ang kumpanyang iyan,” sambit nito na ikinatigil niya.

“Totoo po ba?” tanong niya, ngumiti lang ito saka kinuha ang resume niya.

“Salamat sa pagsama sa anak ko. Sumakay ka na, isasabay ka namin pagpasok,” alok pa nito na labis niyang ikinatuwa.

Iyon na ang naging simula nang karera niya sa buhay. Tuluyan na nga siyang nakaipon para sa kaniyang mga magulang hanggang sa tuluyan na rin niyang patigilin ang mga ito sa paglalako ng mais.

“Kapag kabutihan talaga ang ginawa mo, gagawa at gagawa ang Diyos ng milagro para masuklian ‘yon,” iyak niya habang pinagmamasdan ang pinapatayo niyang bahay para sa mga magulang.

Advertisement