Pinilit ng Ginang na Ito na Mangibang-bansa ang Anak, Tuluyan Kaya Itong Makapagbigay ng Pera sa Kaniya?
“Mama, parang ayoko na pong mangibang bansa,” daing ni Gigi sa kaniyang ina, isang hapon nang tinutulungan siya nitong mag-empake ng mga gamit niyang dadalhin sa abroad.
“Ano? Anong ibig mong sabihin?” gulat sa tanong ni Kim sa anak habang inaayos ang mga pagkain nito.
“Pakiramdam ko po hindi ko kayang mawalay sa inyong lahat. Malaki nga po ang kikitain kong pera, malulungkot naman po ako nang sobra,” nakatungo nitong sambit habang tinitiklop ang kaniyang mga panloob.
“Aba, ganoon talaga! Kailangan mong magsakripisyo para sa pamilya mo! Hindi ba’t ganyan din ang ginawa ko sa inyo ng mga kapatid mo noong mga maliliit pa kayo?” inis na tugon niya.
“Hindi mo naman kasi ako kasing tapang, mama,” wika pa nito lalo nitang ikinagigil.
“Ay, naku, Gigi, tumigil-tigil ka sa pag-iinarte mo, ha? Saka ka na mag-inarte kapag may pera ka na!” sigaw niya rito.
“Kaya ko naman pong maghanap ng trabahong may malaking sahod dito dahil…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito dahil sa inis na nararamdaman.
“Tigilan mo ang kahibangan mong ‘yan! Wala kang pag-asa rito sa atin dahil mahirap lang ang bansa natin! Gusto mo bang wala na ako sa mundo, hindi mo napapagaan ang buhay ko?” tanong niya rito dahila para ito’y mapaiyak, iniwan niya ito sa silid dahil siya’y inis na inis at labis na nanghihinayang sa oportunidad na mayroon ito sa abroad.
Sa pag-aabroad nabuhay mag-isa ng ginang na si Kim ang kaniyang tatlong mga anak. Ang kaniyang ina lamang ang tanging katuwang niya noon na siyang nagbabantay sa kaniyang mga anak at siya ang matapang na nakikipagsapalaran sa ibang bansa.
Kung anu-anong trabaho ang kaniyang pinasukan noon. Janitress, mananayaw, mang-aawit, kasambahay at kung ano pang pupwedeng pasukang trabaho roon para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga anak. Ngunit dahil sa isang trahedyang nangyari sa kaniyang ina, siya’y napilitang tumigil sa pangingibang-bansa upang maalagaan ang kaniyang mga anak.
Dahil nga wala ang salitang “pagsuko” sa kaniyang bokabolaryo, habang inaalagaan niya ang kaniyang mga anak noon, kung anu-anong paninda naman ang kaniyang tininda na talaga nga namang nakatulong sa pang-araw-araw nilang pagkain hanggang sa makatapos na ng pag-aaral ang kaniyang panganay na anak.
Dahil sa talino nito at galing, mayroon itong isang kumpanyang nakita sa internet, sumubok itong mag-apply at ito’y agad na natanggap na labis niyang ikinatuwa.
Nang malaman niya pang ito’y magtatrabaho sa Canada kung saan mataas ang pasahod at maganda ang kalakalan, dumoble ang tuwa niya.
Kaya ganoon na lang siya nainis sa anak nang tila nagdadalawang-isip ito sa daan na tatahakin. Ngunit dahil nga takot ito sa kaniya, tumuloy pa rin ito sa pag-alis na labis niyang ikinasaya.
Sambit niya rito bago ito umalis, “Iahon mo kami sa kahirapan, ha?” tumango-tango lamang ito saka siya mahigpit na niyakap.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na siyang nakatanggap ng mensahe rito na ito nga’y nakalapag na sa bansang Canada.
“Salamat naman sa Diyos, aalwan na rin ang buhay namin sa wakas! Magkakapera na naman ako!” masaya niyang sigaw nang ito’y mabasa.
Araw-araw tumatawag ang kaniyang anak sa kaniyang social media. Ngunit dahil nga bukod sa magkaiba ang oras dito at doon, mayroon pa siyang pinagkakaabalahang tindahan, malimit niya itong hindi nakakausap.
Isang araw, pagkagising niya, sandamakmak na mensahe at mga tawag na hindi nasagot na mula sa kaniyang anak ang bumungad sa kaniya.
“Ang anak ko talaga, miss na agad ako! Bigyan mo muna ako ng maraming pera o kung hindi naman mag-ipon ka para makuha mo na kami!” sambit niya sa hangin habang binabasa ang mga mensaheng padala nito.
Ngunit halos mabitawan niya ang kaniyang selpon nang mabasa niya ang mga mensahe nito.
“Mama, sobrang lungkot dito, sobrang tahimik.”
“Ayoko na rito, mama, sunduin mo na po ako.”
“Mag-iisang buwan na akong umiiyak at hindi makatulog, mama, maawa na kayo sa akin.”
“Gusto ko na lang maglaho sa mundong ito, ang hirap mabuhay.”
Sa sobrang pag-aalala niya, agad niyang tinawagan ang anak. Pero huli na ang lahat dahil isang rescuer na ang sumagot dito at sinabing wala na nga ang kaniyang anak dahil sa depresyon.
Halos gumuho ang mundo niya nang marinig ito at dahil nga malayo ito, tanging paghagulgol lamang ang kaniyang nagawa.
Labis man siyang nagsisisi sa pagpilit sa anak na mangibang-bansa, wala na siyang magawa dahil malamig na itong umuwi sa kaniya.
“Sana nakinig ako sa mga hinaing mo, anak. Sana nandito ka pa sa piling ko,” hagulgol niya sa walang buhay na katawan ng kaniyang anak.