Inday TrendingInday Trending
Sabik na Sabik ang Lalaki na Mangibang-bansa ang Asawa Habang Gumagawa Siya ng Kalokohan; Panganib ang Nararanasan ng Kaniyang Asawa

Sabik na Sabik ang Lalaki na Mangibang-bansa ang Asawa Habang Gumagawa Siya ng Kalokohan; Panganib ang Nararanasan ng Kaniyang Asawa

“O, mahal, kumusta na ang pag-aayos mo ng mga papeles mo papuntang Amerika? Malapit ka na bang umalis? Magkano raw ang susuwelduhin mo roon?” sunod-sunod na tanong ni Andy sa asawa, isang umaga nang makita niya itong may binabasang mga dokumento.

“Diyos ko, naman, Andy, talaga bang sabik na sabik ka na nang makaalis ako ng bansa? Naaalibadbaran ka na ba talaga sa presensya ko rito sa bahay?” kunot-noong tanong nito na ikinatawa niya.

“Hindi naman sa ganoon, mahal. Ikaw talaga, napakamaramdamin! Ayoko naman talagang malayo sa’yo, eh, pero siyempre, kapag nakapag-ibang bansa ka, malaking alwan ‘yon sa pamilya natin. Sigurado pa ang pag-aaral ng mga anak natin!” paliwanag niya rito habang pinipisil-pisil ang pisngi nito.

“Sa bagay, para sa kanila naman talaga ang pagsasakripisyong gagawin ko. Ipangako mo lang na ang perang ipapadala ko, mga anak natin ang makikinabang, ha? Hindi ang mga kumpare mo, hindi ang ibang tao!” bilin nito sa kaniya na kaagad niyang sinang-ayunan. May pagsaludo pa siyang inakto upang mapatawa ito.

“Aba, siyempre naman! Pinaghirapan ng pinakamagandang babae sa buong mundo ang perang ‘yon, eh!” pambobola niya pa rito dahilan para labis itong mapahalakhak at siya’y yayain nang mag-almusal.

Simula nang mawalan ng trabaho ang padre de pamilyang si Andy, ni minsan, hindi na niya nagawa ang gusto niya sa buhay katulad ng pakikipag-inuman sa kaniyang mga kumpare, pagmomotor kung saan kasama ang tropa at marami pang ibang gawaing malaya niyang nagagawa noong siya pa ang tumutugon sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Ngayong ang asawa niya kasi ang nagtatrabaho para sa kanila, bukod sa siya ang palaging nasa bahay, hindi pa siya pinapayagan ng kaniyang asawa na umalis ng bahay dahil walang kasama ang kaniyang mga anak. Siya ang nagluluto, naglilinis, nag-aalaga sa mga bata, naghahatid-sundo sa paaralan at marami pang gawaing bahay dahilan para ganoon na lang siya malungkot sa buhay na mayroon siya.

Kaya naman, nang malaman niyang ipapadala sa ibang bansa ang kaniyang asawa dahil sa galing nito, bigla na lang nagliwanag ang kaniyang mga mata. Sa isip-isip niya, “Sa wakas, kahit papaano, magiging malaya na ako! Sisiguraduhin ko lang na may makakain ang mga anak ko, iiwan ko lang sa paaralan at pwede na akong magliwaliw!”

Ito ang dahilan para ganoon na lang niya halos araw-araw usisain ang pag-alis ng kaniyang asawa. Hindi na siya makapaghintay na muling bumalik sa dati niyang gawain kasama ang kaniyang tropa.

Ilang linggo pa ang lumipas, tuluyan na ngang nakaalis ang kaniyang asawa. Kunwari’y may lungkot sa kaniyang mga mata ngunit nang masiguro niyang nakalapag na ito sa ibang bansa, ganoon na lang siya napatalon sa saya.

Katulad ng kaniyang binabalak, siya nga’y muling gumimik kasama ang kaniyang mga kaibigan. Magluluto lang siya ng pagkain ng mga bata, magwawalis kaunti at iiwan na niya ito sa kaniyang bunsong kapatid para siya’y makasibat na. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya sa muli niyang pagbalik sa pagmomotorsiklo kasama ang tropa at dumoble pa ang saya niya nang halos dalawangpung libong piso ang pinadala ng kaniyang asawa pagkatapos lamang ng dalawang linggo nitong pagtatrabaho roon.

Kahit na bilin nitong, “Ilagay mo sa bangko ang kalahati, mahal, para may mahugot tayo kapag may biglaang pangyayari,” ang kaniyang ginawa.

Pinamudmod niya ang perang ito sa kaniyang mga kaibigan. Kain dito, inom doon, ang kaniyang ginawa sa perang iyon. Sa halos dalawang linggong palagi niyang pagsama sa mga tropa niyang ito, siya ang palaging taya para sa mga pagkain, inumin, at pati pang gas ng mga ito. Kahit mga babaeng bayaring umaaligid sa mga ito, siya rin ang nagbabayad.

At nang mapagtanto niyang tila isang libong piso na lang ang pera niya sa bulsa, ganoon na lang siya nataranta at napatawag sa asawa.

Kaya lang, kahit anong tawag niya rito, hindi ito sumasagot. Nang buksan niya ang social media account nito, ganoon na lang siya nanlamig nang malamang isa ang asawa niya sa mga Asyanong sinaktan ng mga Amerikano dahil sa paniniwalang sila ang may dala ng sakit doon.

Nais man niyang yakapin, alagaan at pagsilbihan ang asawang nakumpirma niyang namamalagi ngayon sa ospital, wala siyang magawa kung hindi ang maiyak na lamang.

“Habang nagpapasarap ako, nasa peligro na pala ang buhay ng asawa ko,” iyak niya.

Upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak at maibalik ang perang nawala sa kanila, siya’y pumasok bilang kargador sa palengke sa umaga habang nagbebenta ng balot sa gabi. Sa ganitong paraan, natugunan niya ang kalam ng sikmura ng kaniyang mga anak.

Ilang linggo pa ang lumipas, tuluyan nang nakauwi ng bansa ang kaniyang asawa. Doon niya inamin dito ang lahat ng ginawa niya, labis na humingi ng tawad at nangakong hindi na muli babalik sa masamang gawaing iyon.

Advertisement