Inday TrendingInday Trending
Ginagatasan ng Dalagang Ito ang Mayaman Niyang Nobyo; Sa Kanilang Pamimili, Siya’y Biglang Napahiya

Ginagatasan ng Dalagang Ito ang Mayaman Niyang Nobyo; Sa Kanilang Pamimili, Siya’y Biglang Napahiya

“Mahal ko, nalulungkot akong maigi ngayon dahil sa pagkawala ng aso ko. Pupwede mo ba akong ilabas at ipag-shopping?” paglalambing ni Sollen sa kaniyang nobyo, isang hapon nang siya’y dalawin nito sa kanilang bahay bitbit-bitbit ang pinabili niyang kape mula sa isang sikat na kapehan.

“Ah, eh, ang pagsa-shopping lang ba ang makapagpapawala ng lungkot mo?” tanong nito sa kaniya habang pinipisil ang kaniyang kamay.

“Oo, eh, saka, wala na rin kasi akong bagong damit, lahat nasuot ko na. Iyong sapatos na bigay mo, sobrang dumi na, hindi naman ako marunong maglaba. Bukod pa roon, wala na rin akong mga pangpaganda katulad ng sabon, lotion, mga make-up at kung ano pa na nakadadagdag sa kalungkutan ko,” paliwanag niya rito habang kung todo hinihibi ang kaniyang labi.

“Ganoon ba? Ang problema ko kasi, wala pa akong allowance ngayon, sa isang linggo pa. Ayos lang ba sa’yong kumain muna tayo sa labas ngayon tapos sa susunod na linggo na tayo mag-shopping?” alok nito na ikinabusangot niya.

“Ayoko! Gusto ko ngayon na! May credit card ka naman, hindi ba?” giit niya pa rito. “Kasi ano, eh…” hindi na niya ito pinatapos at pinagtaasan na niya ito ng boses.

“Akala ko ba mahal mo ako, ha?” tanong niya rito dahilan para mapabuntong-hininga na lang ito at siya’y agad na yayaing magpunta sa mall.

Maluho sa lahat ng bagay ang dalagang si Sollen. Kapag siya’y may nakitang damit, sapatos o kahit make-up na sumisikat sa social media, agad niya itong nais makuha kahit na wala naman siyang pera at hindi siya gumagawa ng paraan para magkapera.

Kung hindi siya manghihingi ng pera sa kaniyang mga magulang na pawang mga empleyado lamang sa isang pabrika, siya’y labis na maglalambing sa nobyo niyang mula sa pamilya ng mga negosiyante ngunit isa pa lang ding estudyante katulad niya.

Laking tuwa niya dahil ni minsan, hindi siya nito magawang matanggihan at lahat ng kaniyang hinihiling, mapapagkain man o gamit, agad nitong binibigay sa kaniya lalo na kapag kukuwestiyunin niya ang pagmamahal nito sa kaniya.

Madalas niya pang ginagawang dahilan ang kaniyang depresyon para lamang wala nang masabi ang nobyo niyang ito. Ayaw na ayaw kasi nitong siya’y nalulungkot dahil natatakot itong mawala siya sa mundong ito dahil lamang sa depresyon.

Kaya naman ngayong biglaang nawalan ng buhay ang asong pinabili niya noon sa binatang ito, ganoon niya agad ito inungutan na siya’y ipag-shopping. Bukod kasi sa may nakita na naman siyang bagong bukas na tindahan ng mga mamahaling damit sa mall, ayaw niyang palagpasin ang pagkakataon na ito na alam ng nobyo niyang siya’y totoong malungkot.

Noong araw na ‘yon, nang makumbinsi niya itong magshopping, agad na siyang nag-ayos ng sarili at nagbihis nang magarang damit na mula rin dito. Pagkalabas niya ng kwarto niya, agad niyang tanong dito, “Dala mo ba ang kotse mo? Ayokong sumakay ng bus, ha?” na agad naman niyang ikinangiti nang makitang naka-park ang sasakyan nito sa tapat ng kanilang bahay.

Pagkarating na pagkarating nila sa mall, agad na siyang nagtungo sa tindahang iyon. Lahat ng makita niyang damit, sapatos at make-up, nais niyang bilhin. “Kahit ilan naman ang kuhanin ko, hindi ba? Babayaran mo naman?” tanong niya sa nobyo.

“Pupwede bang kaunti lang muna…” nag-aalinlangang sagot nito.

“Sayang naman ang discount! Damihan ko na, ha, mahal mo naman ako, hindi ba?” pagpupumilit niya saka agad na pinagkukukuha ang alinmang kaniyang magustuhan.

Umabot ng humigit kumulang dalawangpu’t limang libong piso ang lahat ng kaniyang pinamili at nang makita niyang tila napapakamot sa ulo ang binatang kasama niya, ito’y kaniyang tinarayan.

“Sana sinabi mo kung ayaw mong bayaran, hindi ‘yong sisimangot ka riyan! Isauli ko na lang lahat ‘to, gusto mo?” sigaw niya sa binatang todo tungo sa isang gilid habang siya’y hinihintay.

“Edi isauli mo, wala ka naman talagang pangbayad, eh. Sinasabi ko na nga ba, kaya ang laki-laki ng binabayaran ng papa ko sa credit card ng kapatid ko. Tapos sisigaw-sigawan mo pa siya? Kung wala kang sariling pera, huwag kang mag-inarte sa katawan mo! Hindi ka na nahiya!” bulyaw sa kaniya ng kapatid nito saka agad na kinuha lahat ng kaniyang pinamili at inuwi kasama ang kaniyang nobyo.

Naiwan siya roong pinagtitinginan ng mga tao dahilan para ganoon na lamang siya labis na mapatakbo palayo dahil sa kahihiyan.

Sinubukan man niyang puntahan sa parking lot at tawagan ang binatang iyon, hindi na siya sinasagot nito.

Hanggang sa makatanggap na lang siya ng mensahe rito na talaga nga namang ikinadurog ng puso niya.

“Pasensiya ka na, hindi talaga siguro tayo para sa isa’t-isa. Pakiramdam ko, mas mahal mo ang pera ko kaysa sa akin.”

Sakit at kahihiyan man ang kaniyang naranasan, naitama naman nito ang kaniyang maling pag-uugali at pagtingin sa pag-ibig.

Simula rin noong araw na ‘yon, natuto na siyang maging kuntento sa kung anong mayroon siya at magsumikap para makuha ang isang bagay na gusto niya.

Advertisement