May Isang Estudyanteng Hindi Nagbabayad sa Karinderya ng Ginang, Ikinagulat Niya ang Ginawa Nito Paglipas ng Panahon
“Hoy, kayong magtotropa kayo, walo kayong palaging nakain dito sa karinderya ko, pero palaging pito lang ang nagbabayad! Sino sa inyo ang makapal ang mukhang hindi nagbabayad, ha?” inis na tanong ni Aling Tere sa isang grupo ng mga binatang katatapos lamang kumain sa kaniyang karinderya sa gilid ng isang unibersidad.
“Ay, ako po, manang, palaging nagbabayad!” tangi ng isang estudyante.
“Ako rin po, hindi naman ako nawawalan ng baon, eh!” wika rin ng isa pang binata saka pinakita ang matabang pitaka.
“Mas lalo naman ako, manang, takot na takot kaya akong mahabol ng sandok mo, kaya nagbabayad ako kaagad!” patawa-tawa sagot ng isa habang tinitignan ang hawak niyang mainit sa panandok ng sabaw.
“Eh, sino pala, ha? Lahat kayo, sinasabi niyong nagbabayad kayo!” sigaw niya pa sa mga ito.
“Ah, eh, ako po ‘yon, manang, pasensiya na po kayo. Sampung piso lang kasi ang baon ko sa buong maghapon, eh, madalas nauubos ko ‘yon sa mga photocopy na binabayaran sa klase,” lakas loob na pag-amin ng isang estudyanteng si Renzo habang patawa-tawa.
“Ikaw talagang bata ka! Sinasabi na, eh! Ang lakas mo pang mag-extra rice tapos ikaw ang hindi nagbabayad! Kailan mo balak magbayad, ha?” tanong niya rito habang pinandidilatan ito ng mata.
“Kapag may trabaho na ako, manang!” sagot nito saka kaniya na ikinagulat niya, “Takbo na!” yaya nito sa mga kaibigan dahilan para agad itong magtakbuhan.
“Walang-hiya ka talaga! Huwag kang babalik dito!” sigaw niya rito habang inaamba ang hawak na sandok. Kilala bilang isang masungit na may-ari ng isang karinderya sa gilid ng isang unibersidad ang ginang na si Tere. Halos lahat ng estudyante roon, gustong-gusto ang kaniyang mga lutong ulam, meryenda at kahit mga palamig na abot kaya na, masarap pa.
Kung hindi lang siguro masarap at mura ang kaniyang mga paninda, siguro’y hindi na siya bibilhan ng mga estudyante dahil sa kaniyang pagiging masungit.
Sa katunayan, may isa siyang estudyanteng nasigaw-sigawan nang minsan nitong mabasag ang isa niyang pinggan. May estudyante rin siyang hinabol ng mainit na panandok ng sikat niyang sabaw nang matapon naman nito ang isa sa kaniyang mga putahe. At marami pang mga pagsusungit ang kaniyang nagagawa dahil sa mga lokong mga estudyante roon.
Kahit na ganoon, laking tuwa niya naman dahil nairaraos niya ang mga pangangailangan ng kaniyang mga anak sa pamamagitan ng karinderyang ito.
Kaya lang, may estudyante pa rin talagang pasaway na sinasamantala ang dami ng mga kumakain sa kaniya para makalibre ng pagkain at ito ang binatang si Renzo na palagi siyang binibiro-biro na bahagyang nakakaapekto sa kaniyang benta.
Kinabukasan noong araw na umamin ang binatang ito sa kaniya, nakita na naman niya itong papasok sa kaniyang karinderya kasama ang buong tropa nito. Ngunit naghintay lamang ito sa labas habang nakain ang mga kasama nito at doon siya tila nakaramdam ng awa sa binatang doon dahilan para ito’y bigyan niya ng pagkain.
Dekalibreng saya naman ang kaniyang naramdaman nang makita kung gaano ito kasaya habang kumakain at humihingi pa ng dagdag na kanin na ikinaiiling niya na lang.
“Isang taon na lang, manang, magtatapos na ako. Hindi kita makakalimutan talaga! Pwede pang pahinging kanin at sabaw?” sambit pa nito dahilan para ambaan niya ito ng sandok.
Simula noon, araw-araw na niya itong pinapakain ng libre sa kaniyang karinderya hanggang sa ito’y tuluyan na ngang makapagtapos.
“Huwag mong kalimutan ang utang mo sa akin, ha?” pabiro niyang wika rito nang dalawin siya nito bago ang pagtatapos. Tumango-tango lang ito at labis na nagpasalamat sa kaniya.
Lumipas ang ilang taon, dahil na rin sa pagkaabala sa bagong mga suking estudyante, nawala na sa isip niya ang pangakong ito ng binatang iyon. Hindi na rin kasi ito tuluyang nagparamdam sa kaniya kaya buong akala niya, nalimot na rin siya nito.
Ngunit isang araw, habang siya’y nagtitinda katulad ng ibang mga normal na araw, nagulat na lang siyang may isang magarang sasakyan ang pumarada sa kaniyang karinderya at agad siyang napangiti nang makitang ito ang binatang si Renzo.
“Manang, makakapagbayad na ako!” sigaw nito na ikinatawa niya.
Todo tanggi man siya sa inaabot nitong pera, wala siyang nagawa nang siya’y pilitin nito at bigyan pa ng sandamakmak na grocery.
“Kulang pa ‘yan, manang, sa lahat ng ginawa mong kabutihan sa akin,” wika pa nito.
Pinagawa nito ang kaniyang karinderya, binili siya ng mga gamit katulad ng kalan, plato, baso, at iba pang gamit doon, at higit sa lahat, binigyan pa siya nito ng pagkakataong makaluwas ng Maynila para makapag-relax sa isang mamahaling hotel na pinapasukan nito.
Halos wala siyang luhang mailabas sa sobrang tuwa niya sa biyayang nakamit niya sa hindi inaasahang pagkakataon. Wika niya habang nililinis ang bagong karinderya, “Ang pagtulong ng walang inaasahang kapalit, mayroong hatid na dobleng biyaya mula sa Itaas,” saka niya nakangiting tinignan ang grupo ng kabataang naghahakot ng kaniyang mga paninda.