Pakiramdam ng Lolang Ito ay Wala Nang Panahon sa Kaniya ang Anak at mga Apo; Sa mga Batang Kalye Nabaling ang Kaniyang Atensyon
Nagluto ng masarap na sopas si Lola Guada para sa kaniyang anak at mga apo. Inagahan niya ang paggising upang pagkagising ng mga ito, makakain na kaagad sila. Sabado ngayon, at alam niyang walang lakad ang lahat. Puro busy ang mga tao sa bahay na iyon.
Ang kaniyang anak na si Sandra, abala sa trabaho dahil may hinahabol itong promotion. Malapit na kasi itong maging assistant manager. Gutom na gutom ito sa promotion, palibhasa, solo parent. Dagdag-kita rin. Simula nang hiwalayan ito ng kaniyang mister, si Lola Guada na ang naging katuwang nito sa pag-aalaga sa dalawang anak.
Ang panganay na anak naman na si Abigail ay napapansin ni Lola Guada na wala rin lagi sa bahay. Student Council President kasi ito sa pamantasang pinapasukan, bukod pa sa hinahabol din talaga ang pagkakaroon ng pagkilala bilang Cum Laude. Ang bunso namang si Chito ay lagi ring wala dahil mahilig naman sa basketball.
Madalas, laging naiiwan si Lola Guada sa bahay. Siya na rin ang gumagawa ng mga gawaing-bahay. Bagama’t sinabi na ni Sandra na kukuha na lamang ito ng kasambahay, iginiit ni Lola Guada na ayaw niya. Mas nais niyang siya ang gumawa ng lahat. Lalo raw mapapadali ang kaniyang buhay kung wala naman siyang gagawin o pagkakaabalahan.
Bumaba na ang kaniyang anak na si Sandra. Nagulat siya dahil nakabihis ito.
“Oh, Sandra… bihis na bihis ka yata anak? Hindi ba’t Sabado ngayon?” takang tanong ni Lola Guada.
“Oo Ma, kaya lang, may meeting kasi ako na kailangang puntahan. Actually mahuhuli na nga ako. Usap tayo mamayang gabi, ha… huwag ka na magluto kasi bibili na lang ako ng take-out,” saad ni Sandra.
“Anak, nagluto ako ng sopas, baka gusto mong kumain muna habang mainit pa…”
Saglit na napahinto si Sandra. Tila ilang segundong nag-isip.
“Naku Ma, mahuhuli na talaga ako. Sina Abigail at Chito, nariyan naman. Pagtirhan na lang ninyo ako,” sabi naman ni Sandra habang naglalakad palabas ng bahay, patungo sa garahe upang magmaneho sa kaniyang kotse, patungo sa kaniyang pupuntahan.
Hindi na nakaimik pa si Lola Guada. Sabagay, nariyan pa naman ang mga apo. Hindi muna siya kumain upang makasabay niya ang mga apo, kahit na medyo nagugutom na siya.
Nang hindi na niya matiis ang pagkalam ng sikmura, kinatok na niya ang mga kuwarto nito. Nagulat na lamang siya nang pagbukas ng pinto, bihis na bihis din ang parehong apo.
“Saan kayo pupunta?” usisa ni Lola Guada.
“Lola kailangan naming magkita-kita ng mga kaklase ko kasi may school project po kami na kailangang gawin. Nagmamadali na po ako. Kita na lang po tayo mamaya!” saad ni Abigail. Mabilis siyang humalik sa pisngi ng lola at lumabas na. Hindi na nakahuma pa si Lola Guada.
Sunod niyang sinilip si Chito. Wala na ito sa loob ng kuwarto. Saka niya naalala na maaga nga pala itong umaalis dahil nagja-jogging kasama ang mga kaibigan sa basketball.
Gustong tumulo ng kaniyang mga luha. Namimiss na niya ang mga panahong lagi silang magkakasama. Pakiramdam niya, wala nang oras at pakialam sa kaniya ang anak at mga apo dahil may kani-kaniya na silang buhay.
Inilagay ni Lola Guada sa isang lalagyanan ang sopas. Nagbihis siya at nagtungo sa parke. Doon siya kakain sa parke kasama ng mga batang kalye na madalas ay binibigyan niya ng almusal.
Naupo siya sa isang bench at habang hinihintay ang mga bata, nagpapak siya ng kaniyang baong ubas, upang kung sakali mang hindi magkasya ang sopas, hindi na siya makikikain o makikiagaw pa sa mga bata.
Pagkarating sa parke, tinawag ni Lola Guada ang mga batang kalye upang ibigay ang inihanda niyang sopas. Masayang-masaya naman ang mga ito sa kaniyang masarap na inihandang pagkain. Kinuha niya ang kaniyang mobile phone upang mag-selfie kasama ang mga batang nagpapasaya sa kaniya kapag pakiramdam niya, nag-iisa siya.
“Lola Guada, sana lagi kayong nagbibigay ng pagkain sa amin,” sabi ng isang batang bungal at iisa na lamang ang ngipin sa harapan.
“Oo sige, sisikapin ko mga bata!” nakangiting sabi ni Lola Guada.
Kinabukasan, nagulat na lamang si Lola Guada nang katukin siya nina Sandra, Abigail, at Chito sa kaniyang kuwarto.
“A-anong nangyari?” pupungas-pungas na tanong ni Lola Guada.
Ipinakita ni Chito ang kaniyang social media account kay Lola Guada.
“Lola, sikat na kayo sa social media! May nakakita yata sa inyo na nagpapakain at nakikipagselfie sa mga batang kalye sa parke, tapos natuwa sila sa nakita nila. Yung kumuha ng larawan ninyo, nag-post sa social media niya at naging trending. Sikat na po kayo! Marami po sa mga netizens ang nagsabing gusto nilang tulungan yung mga bata,” nakangiting sabi ni Chito sa kaniyang lola.
Tuwang-tuwa naman si Lola Guada dahil hindi naman niya akalain na sa simpleng bagay lamang na kaniyang ginawa, ay magdudulot ito ng malaking impact at inspirasyon sa ibang tao. Naging tulay si Lola Guada upang matulungan ang mga batang kalye na mabigyan ng nararapat na pagkalinga.
“Anak, mga apo… nagawa ko iyan kasi nalulungkot ako dahil ako lamang mag-isa, at tila ba nawawalan na kayo ng oras sa akin,” pag-amin ni Lola Guada.
Magmula noon, tiniyak na nina Sandra, Abigail, at Chito na may oras na sila para sa kanilang Lola Guada, kahit na sila ay abala sa kani-kanilang mga ganap sa buhay.