Tawang-Tawa ang Binata Dahil Matagumpay ang Kaniyang Prank Call sa mga Ambulansya; Makatawa Pa Kaya Siya Kung Hindi Na Siya Paniwalaan Kung Kailan Totoo Na?
Halos gumulong sa katatawa si Edrick, 25 na taong gulang, dahil sa matagumpay na prank call niya sa tatlong ambulansya na pinagdiskitahan niyang tawagan. Kunwari, may emergency sa kanilang lugar na kailangang daluha. Narinig na niya ang sirena ng tatlong ambulansya na kaniyang tinawagan: parang hilong-talilong ang mga ito sa paghahanap sa address na ibinigay ng caller, na napag-alaman nilang wala naman talaga.
Tanging ang bunsong kapatid ni Edrick na si Emerson ang nakakaalam sa kalokohang ginawa ng kaniyang kuya. Ito ang natatakot para sa kaniya.
“Kuya, nariyan na yung mga ambulansya, baka mamaya ma-trace nila kung sino ang prank caller, malalagot tayo…” nababahalang sabi ni Emerson sa kaniyang kuya.
“Hindi iyan! Huwag kang mag-alala. Hindi nila tayo matutunton. Saka, kung magsasabi ka kay Nanay, lagot ka sa akin, sinasabi ko sa iyo!” pagbabanta ni Edrick sa nakababatang kapatid.
Natigil ang kanilang pag-uusap sa pagpasok sa loob ng bahay ng kanilang inang si Aling Editha mula sa pagwawalis ng bakuran.
“Kawawa naman ang mga ambulansya! Tatlo pa naman. May tumawag daw sa kanila, nagpa-book, at nagsabing may emergency raw. Pagdating naman dito, hindi naman totoo ang nakalagay sa address na sinabi ng siraulong prank caller na iyon. Ano ba naman itong mga taong ito! Ang hirap na nga ng buhay ngayon, nagagawa pang manloko ng kapwa nila. Hindi na lang manahimik sa mga bagay nila o kaya kung walang ginagawa eh humanap ng ibang matinong mapaglilibangan!” nagpupuyos ang kalooban ni Aling Editha dahil sa kaniyang nalaman.
Nagkatitigan sina Edrick at Emerson. Pinandilatan ni Edrick ang kapatid: tila may mensahe ang mga tingin nito, na kapag nagsumbong siya sa kanilang nanay, mata lamang niya ang walang latay. Itinikom na lamang ni Emerson ang kaniyang bibig upang hindi siya makapagsumbong.
“Kaya kayong dalawa ha, huwag na huwag kayong manloloko ng inyong kapwa. Masama iyon. May karma ang lahat.”
Hindi na narinig pa ni Edrick ang sinabi ng kaniyang ina dahil ipinasak na niya sa kaniyang mga tenga ang malaking headphone. Maglalaro na siya ng mobile games. Si Emerson naman ay tila nakonsensya sa ginawa ng kaniyang kuya. Gustong-gusto niyang magsumbong sa kanilang ina. Ngunit natakot siya sa pagbabanta ng kaniyang kuya.
Ganoon talaga ang isa sa mga di-magagandang gawain ni Edrick. Masayang-masaya siya kapag nakakapag-prank siya. Isa iyan sa mga bagay na kinaiinisan sa kaniya ng mga kaklase niya.
Isang araw, habang ngasasampay si Aling Editha sa likod-bahay, bigla na lamang itong napahawak sa kaniyang ulo at nakaramdam ng hilo. Hindi na lamang niya pinansin, naisip niya, baka dahil mainit lamang ang panahon.
Ngunit nagtuloy-tuloy ang kaniyang nararamdaman. Nawalan na siya ng panimbang. Bumagsak siya sa sahig. Mabuti na lamang at nakita kaagad siya ni Emerson. Natatarantang lumapit ito sa kanilang ina. Nagsisisigaw.
“Kuya! Kuya! Ang Nanay! Ang Nanay! Saklolo!”
Nataranta si Edrick nang makita ang kanilang nakahandusay na ina. Agad niyang tinawagan ang numero ng mga ambulansya na kaniyang na-prank. Ngunit ayaw na nilang maniwala.
“Naku, pasensiya na po kayo… totoo po ba ang sinasabi ninyo? Parang natatandaan ko ho ang boses ninyo, parang kayo yung nanloko sa amin noong isang baraw, sa katulad na lugar din ang lokasyon,” matigas na sabi ng isang nakasagot.
Napaiyak na lamang si Edrick. Ayaw nang maniwala ng mga tinawagan niyang ambulansya. Kasalanan ito ng kanilang pagpa-prank. Lumabas ng kanilang bahay si Edrick at humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay. Mabuti na lamang at napansin siya ng isa sa mga kalapit-bahay na may sasakyan. Agad silang tinulungan at dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Mabuti na lamang at naisalba kaagad si Aling Editha, kundi ay baka tuluyan na itong tinaman ng heat stroke: salamat sa kanilang mabuting kapitbahay!
Nakaramdam nang labis na pagsisisi si Edrick sa kaniyang mga ginawang panloloko sa ambulansya. Dahil sa ginawa niya, hindi na naniwala ang mga ito, lalo na sa panahong kailangang-kailangan talaga. Kasalanan niya ang lahat. Kung hindi marahil sa kaniyang mga prank calls, hindi sana ganoon ang mangyayari.
Ipinangako ni Edrick sa kaniyang sarili na hinding-hindi na niya uulitin ang prank calls, lalo na sa mga ambulansya, bumbero, at sa mga delivery riders na pinag-iisipan na rin niyang gawan ng prank. Naisip niya, hindi magandang biro ang panloloko sa kapwa, lalo na at nananahimik silang magtrabaho sa kani-kanilang pamilya. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na magbabago na siya.