Parang Tinatamad Nang Maging Barbero ang Lalaki at Tila Hindi na Alam ang Nais Gawin sa Buhay; Sino Kaya ang Makapagpapabago sa Kaniyang Pananaw?
“Anong nangyayari sa iyo, Imo?” tanong ni Tonying sa kaibigang barbero. Yosi break nila kaya lumabas muna sila ng kanilang barberya na nasa loob ng mall upang makapanigarilyo.
“Bakit? Anong meron sa akin?” ganting tanong ni Imo sa kasamahan. Mabilis ang hitit-buga niya ng usok mula sa malapit nang maupos na sigarilyo.
“Napapansin ko na parang tamad na tamad ka na sa ginagawa mo. Kanina napansin ko para kang wala sa wisyo mo. Tapos may nagreklamo pa sa iyo kasi hindi nasiyahan sa gupit mo. May problema ka ba?” tanong ni Tonying. “Sa tagal na nating magkasama sa barberya, alam ko na rin ang mga kilos mo.”
Ibinuga ni Imo ang huling usok ng sigarilyong naipon sa kaniyang bibig.
“Para kasing nagsasawa na ako sa ginagawa ko. Parang ayoko nang magtrabaho. Nababagot na ako. Pero kapag naiisip ko naman na wala akong ibang kayang gawin kundi paggugupit ng buhok, siyempre hindi ko naman magawa. Ayoko naman ngumanga. Kaya lang, parang sawa na ako eh. Mula pagkabata ko naggugupit na ako. Tatay ko kasi, barbero. Pinamana niya sa akin itong trabahong ito. Ayos lang naman… kaya lang… siyempre parang may gusto pa akong gawin, na hindi ko rin alam kung ano,” paliwanag ni Imo.
“Baka napapagod ka lang. Kailangan mo lang siguro ng break. Hindi naman masamang magpahinga, brod. Pansamantalang hihinto pero hindi titigil kasi ito na ang nakasanayan natin. Pahinga ka muna, o kaya magbakasyon. Tutal, solo-katawan ka naman. Wala ka namang binubuhay kundi sarili mo.”
Pinag-isipang mabuti ni Imo ang mga sinabi ni Tonying. May katwiran ito. Ang totoo niyan, gusto muna niyang makapagbakasyon. Matagal na siyang hindi nakakauwi sa probinsya nila, sa Samar. Gusto niyang bumalik doon. Nahihilo na siya sa mabilis na takbo ng buhay sa Maynila.
Pinayagan naman siya ng kanilang mabait na boss na makapagbakasyon muna siya, kahit isang linggo lamang. Tamang-tama, kaarawan ng kaniyang ina. balak niyang surpresahin ito sa kaniyang pag-uwi. Nami-miss na niya ang mga lutong-bahay nito, lalo na ang kare-kare.
Mabuti na lamang at may naipon na pera si Imo kaya hindi niya problema ang pagbili ng plane ticket, round trip. Masayang-masaya at nasasabik siya. Ilang oras lamang at nakarating na siya sa Samar.
Minabuti niyang magtungo muna sa pamilihan ng mga pasalubong. Binilhan niya ng pasalubong ang kaniyang ina, bukod pa sa iba pang pasalubong mula sa Maynila.
Habang siya ay naglalakad patungo sa terminal ng mga tricycle, nakapukaw ng kaniyang atensyon ang isang matandang naglalakad-lakad. Nagmamaneho ito ng isang bisikletang may upuan sa harapan. Hindi ito namamasada. Nakalagay sa bisikleta nito ang “mobile barber shop” at nag-aalok ang matandang lalaki ng gupit o kaya naman ay ahit. 50 piso ang bayad para sa gupit.
“Lolo, barbero ho kayo?” usisa ni Imo sa matanda.
“Oo, papagupit ka ba?” nakangiting tanong ng matanda. Sinalat niya ang kaniyang buhok, at mukhang mahaba na nga ito kaya pumayag siyang magpagupit dito. Tumabi ito sa bangketang malilim at hindi gaanong matao. Pinaupo na siya nito sa upuang nasa harapan. Tuwang-tuwa si Imo sa pagiging malikhain ng matandang barbero.
“Bakit hindi na lamang po kayo pumwesto sa talagang barberya?” tanong ni Imo sa matanda.
Ngumiti lamang ang matandang barbero.
“Dati talaga akong barbero. Kaya lang tinanggal nila ako dahil matanda na raw ako. Kaysa naman sa nag-aabang kung kailangan ako mawawala sa mundong ito, mas maigi na yung abala ako para may napaglilibangan din ako. Saka, ayokong umasa sa mga anak ko. Ayokong maging pabigat sa kanila,” paliwanag ng matandang barbero.
Taimtim na nakikinig lamang si Imo sa mga kuwento ng matandang barbero.
“Tutal may bisikleta naman ako, minabuti ko na lang na gamitin itong barberya. Alam mo bang kumikita ako rito kasi cute daw ang ideya ko,” patuloy pa ng matandang barbero. Maya-maya, tapos na siya nitong gupitan. Nagustuhan naman ni Imo ang gupit ng matandang barbero, kaya binigyan niya ito ng malaki-laking tip.
“Salamat ha? Ikaw, ano bang trabaho mo?” usisa naman ng matandang barbero.
“Isa rin ho akong barbero, ‘Tay. Kaya masasabi ko pong magaling ho kayo,” nakangiting tugon ni Imo.
Habang nasa loob ng tricycle patungo sa bahay ng kaniyang mga magulang, napapangiti si Imo. Salamat at nakaengkwentro niya ang matandang barbero, na sa kabila ng kaniyang edad ay hindi napapagod na gawin ang tungkulin niyang paguwapuhin ang mga lalaking nagpapagupit sa kaniya.
Pagbalik niya sa Maynila, mas gaganahan pa niya ang paggugupit, at aaralin pa ang ibang estilo ng paggawa nito, lalo na ang mga nauuso ngayon.