Tinulungan ng Lalaki ang Isang Matandang Lalaking Nakaengkwentro sa Isang Botika; Ano Kaya ang Magiging Sukli Nito sa Kaniya?

“Kuya… heto ang mga reseta ng doktor. Kailangang-kailangan na raw ni Nanay.”

Napatulala na lamang si Oscar sa dalawang magkahiwalay na reseta na iniabot sa kaniya ng nakababatang kapatid na si Meryl, 19 na taong gulang. Isinugod sa pagamutan ang kanilang ina. Nawalan nang malay ang kanilang ina kanina habang ito ay naglalaba. Ilang linggo na itong dinadalahit ng ubo. Pneumonia ang sabi ng doktor.

“Sige. Bantayan mo lang si Nanay. Aalis ako. Bibili ako ng mga gamot niya. Kapag nagising niya, may pagkain diyan sa mesa. Mabilis lang ako,” bilin ni Oscar sa kaniyang kapatid.

Malaking bagay na kahit paano ay nakapagpundar siya ng sariling kotse, kahit segunda-mano lamang. Naisip kasi ni Oscar, mainam na may sariling sasakyan at matutong magmaneho, lalo na sa panahon ng emergency. Kagaya ngayon. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil kakauwi lamang niya mula sa trabaho nang maganap ang insidente. Naisugod nila kaagad ni Meryl ang kanilang ina, na malapit na ring maging senior citizen.

32 taong gulang na si Oscar, may matatag na trabaho, at kahit paano ay nakapagsimula na ring magtayo ng maliit na negosyong milk tea, burger, at fries. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi siya mag-aasawa hangga’t hindi niya nabibigyan ng magandang buhay ang kanilang Nanay, na malaki ang isinakripisyo para lamang makapagtapos sila ng pag-aaral.

Medyo tuliro si Oscar. Masasabi niyang maayos na sila. Kumbaga, makapal na ang kaniyang pitaka. Hindi na nila problema ang pera ngayon. Subalit ang problema niya ngayon ay ang pagiging masasakitin ng kanilang Nanay. Hiling niya sa Panginoon na habaan pa sana ang buhay nito, upang maibigay pa niya ang mga bagay na nais niyang ibigay rito. Maglalakbay at mamamasyal pa sila sa iba’t ibang bansa. Ipaparanas niya rito ang sumakay sa yate, o cruise ship.

“Pangako mo ‘yan anak ha? Gusto kong makapunta sa mnga lugar na pinuntahan ng Panginoong Hesukristo ayon sa Bibliya. Gusto kong makapagdasal sa mga lugar na iyon,” naalala ni Oscar na sabi sa kaniya ng Nanay nila.

“Oo naman ‘Nay! Gagawin kitang reyna!” nakaakbay pang tugon ni Oscar noon.

Advertisement

Nangingilid ang luha ni Oscar. Pinahiran niya ang namumuong luha sa kaniyang mga mata.

Hanggang sa nakarating na rin siya sa botika.

Mahaba ang pila sa counter kung saan ineestima ang mga bumibili ng gamot. Matiyagang pumila si Oscar. Sa harapan ni Oscar, isang may katandaan nang lalaki, na walang lubay sa katitingin sa reseta ng gamot. Tantiya niya, nagkukuwenta ito ng posibleng kabuuang halaga ng mga gamot na kailangan nitong bilhin.

Hindi nga siya nagkamali. Dinig na dinig niya ang pag-uusap nito at ng pharmacist, nang turno na nito.

“Sir, 2,500 pesos po ang lahat,” magalang na sabi ng babaeng pharmacist.

Bantulot na inilabas ng matandang lalaki ang kaniyang maliit na pitaka. 500 piso lamang ang laman. Pakiramdam ng matandang lalaki ay nais niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan. Naramdaman naman ng pharmacist na tila wala siyang pambayad, kaya nagmungkahi ito.

“Gusto po ninyo sir, tingian na lang po tayo para makabili po kayo ng gamot at kumasya po ang pera natin?” nakangiting tanong nito.

Sasagot na sana ang matandang lalaki nang magsalita si Oscar.

Advertisement

“Miss, sige na, ako nang bahala sa mga gamot ni Tatay. Pakiplastik na.”

Tumango-tango naman habang nakangiti ang pharmacist dahil sa sinabi ni Oscar. Gulat na gulat naman ang matandang lalaki kay Oscar. Ilang beses itong tumanggi subalit pinilit ni Oscar na siya na ang magbabayad sa mga binibili nitong gamot.

cropped image of pharmacist holding medicines - medicines stock pictures, royalty-free photos & images

“Maraming-maraming salamat, sir. Heto, heto ang 500 piso ko, kunin mo na,” giit ng matandang lalaki. Iniaabot sa kaniya ang 500 piso. 

“Hindi na ho, ‘Tay. Itabi na lamang po ninyo o kaya ibili ng iba pang mga pangangailangan,” magalang na pagtanggi ni Oscar na kunin ang iniaabot na pera ng matanda.

“Napakabuti po ninyo, sir. Sana po ay dumami pa ang mga gaya ninyong mabubuting puso. Ang mga gaya ninyo ang kailangan natin sa mundong ito. May awa ang Diyos. Ipagkakaloob Niya kahit ang mga pinakamumunting hiling ng inyong puso,” naiiyak na sabi ng matanda. 

Napag-alaman ni Oscar na malubhang sakit pala ang apo ng matandang lalaki, at wala naman itong regular na trabaho. Bukod sa pagbabayad sa mga gamot na binili nito, inabutan din niya ito ng 1,000 piso.

Nakangiti si Oscar habang pabalik na siya sa ospital. Nag-uumapaw ang kasiyahan sa kaniyang puso.

Hindi niya inaasahan ang balitang bubungad sa kaniya pagbalik niya sa ospital.

Advertisement

“Kuya, magaling na si Nanay! Nakakahinga na siya nang maluwag. Tapos sabi kanina ng doktor, nawala na raw ang pneumonia niya. Hindi nga kami makapaniwala eh! Parang nagmilagro… parang isang himala!”

At naalala ni Oscar ang sinabi ng matandang lalaking kaniyang natulungan kanina sa botika. Nangilid ang mga luha ni Oscar. Luha ng kaligayahan.

portrait of confident smiling senior man - old asian man stock pictures, royalty-free photos & images

Iniuwi na nila kaagad ang kanilang Nanay sa bahay. Bukas na bukas din, magsisimba silang mag-anak. Marami silang dapat ipagpasalamat sa Diyos.