Inday TrendingInday Trending
May Pusong Babae raw ang Bagong Kapitbahay Dahil Ayaw Nitong Sumali sa Inuman; Mapapahiya Sila sa Kanilang Malalaman

May Pusong Babae raw ang Bagong Kapitbahay Dahil Ayaw Nitong Sumali sa Inuman; Mapapahiya Sila sa Kanilang Malalaman

Malaking palaisipan sa magkumpareng Rick at Mando ang tunay na kasarian ng bago nilang kapitbahay na si Arnel. Sa tuwing inaaya kasi nila itong makipag-inuman ay iwas ito. Madalas ay nasa loob lang ito ng bahay at idinadahilan ang asawa kaya ayaw nitong makisama sa kanila.

“Baka under de saya lang ‘yang si Arnel kaya ayaw niyang makipag-inuman sa atin. Baka mamaya ay sitsitan ng asawa at mapahiya pa,” natatawang wika ni Rick habang nakikipag-inuman sa mga kumpare.

“Baka naman natatakot na malasing at kung ano ang gawin sa atin! Hindi mo ba nakikita ang mga pilantik ng kaniyang daliri. Tuwing umaga nakikita ko ‘yan sa tapat ng bahay niya at inaayos ang mga bulaklak na tanim. Kinakausap pa nga, pare! Sinong matinong lalaki ang makikipag-usap sa mga bulaklak? Sa tingin ko ay sil@his ‘yan!” dagdag naman ni Mando.

“Noong isang araw nga ay nakita ko siya na nasa labas at pinapakain ang aso. Isang tawag lang ng kaniyang asawa’y pumasok na agad. Talagang takot na takot sa kaniyang asawa!” wika naman ng isang kasamahan.

“Isang araw ay malalaman din natin kung ano ang tinatago niyang bago nating kapitbahay. Wala namang baho na hindi umaalingasaw, ‘di ba?” sambit muli ni Mando.

Ilang araw ang nakalipas at muling nag-inuman ang mgakukumpare. Napadaan sa kanilang harapan itong si Arnel.

“Tumagay ka muna, pare, minsan lang naman ito,” paanyaya ni Rick.

“Naku, hindi ako umiinom talaga. May allergy ako sa alak, e,” paliwanag naman ng ginoo.

“Kahit isa lang, ipapahiya mo ba naman ang bago mong kapitbahay?” pangungulit naman ni Rick.

“Hindi talaga, pare. Kailangan ko nang umuwi kasi nagluluto pa ako. Sa susunod na lang talaga. Pasensya na kayo,” muling sambit ni Arnel.

Ikinabwisit ng mga magkukumpare ang pamamahiya sa kanila ni Arnel.

“Nakita mo bang hindi siya makatingin sa akin nang diretso? Baka mamaya ay mahalata ko kasing sil@his siya!” wika ni Mando.

“Ngayon lang ako nakarinig ng lalaking may allergy sa alak! B@kla talaga!” dagdag naman ni Rick.

“Ang matindi noon ay kailangan na niyang umuwi dahil daw nagluluto siya ng pagkain. Hindi man lang siya manindigan sa asawa niya na siya ang haligi ng tahanan. Dapat siya ang pinagsisilbihan!” dagdag ni Mando.

Nagpatuloy ang kanilang pag-iinuman na si Arnel ang paksa ng usapan.

Kinabukasan ay sinamahan ni Mando ang kaniyang asawa sa mall.

“Matagal ka na namang pipili ng mga kolorete mo sa mukha! Dito na lang muna ako sa labas!” naiinis na wika ni Mando sa kaniyang asawa.

Habang naghihintay sa kaniyang misis ay hindi sinasadya ni Mando na makita itong si Arnel. Dumeretso ito sa tindahan ng make up at kinausap ang mga sales lady doon.

“Aba’y matinik pala itong si Arnel. Kunwari pang diretso sa asawa pero nambababae rin pala,” saad ni Mando sa kaniyang sarili.

Habang pinapanood niya si Arnel ay laking gulat niya nang humawak ito ng mga make up at inayusan ang isang babae.

“Kita mo nga naman! Anak ng tipaklong, talagang totoo ang hinala ko sa isang ito. Talagang pusong babae nga!” dagdag pa ni Mando.

Ilang minuto matapos ang paglalagay ng kolorete ni Arnel sa mukha ng isang babae ay masaya itong umalis. Nagtago naman si Mando upang hindi siya makita ng kapitbahay. Nang makalayo na ito’y nagtungo siya sa tindahan ng make up at kinausap ang mga sales lady doon.

“Pabalik balik nga ang lalaking iyon dito sa shop. Palagi siyang nagpapaturo sa amin na maglagay ng make up,” wika ng isang babae.

“Sinabi ba niya sa inyo kung bakit?” tanong ni Mando.

“Hindi. Wala rin namang nagtatanong kasi sa kaniya. Sa tingin namin ay gusto lang talaga niyang matututong maglagay ng make up. Masaya siya sa tuwing nagpapaturo siya sa amin ng iba’t ibang paraan. Kapag may bago siyang natutunan ay para siyang bata. Ang saya-saya niya talaga!” wika muli ng dalaga.

“Binibiro nga namin siya baka kako magtatayo siya ng parlor at kunin kami,” dagdag pa ng isang sales lady.

Dahil dito ay nabuo na ang konklusyon ni Mando. Hindi na siya makapaghintay pa na ikwento sa kaniyang mga kumpare ang kaniyang nalaman.

Kinagabihan ay nag-inuman na naman ang mga magkukumpare.

“Sinasabi ko sa inyo, kumpirmado nang b@kla ‘yang si Arnel! Laging nasa mall at nagpapaturo na maglagay ng make up! May lalaki bang gagawa no’n? Ikaw, pare, gagawin mo ba ‘yun?” natatawang sambit ni Mando.

“Ni sa hinagap ay hindi pa ako nakakahawak ng make up, e. Tinatanggal ko pa nga ang mga lipstick ng mga babae sa pamamagitan ng halik! Iyon ang tunay na lalaki!” sagot naman ni Rick.

Ilang sandali pa ay nakita nila si Arnel sa tapat ng bahay nito. Tinatawag nila ito upang makipag-inuman sa kanila pero todo pa rin ang pagtanggi nito.

“Naiinis na ako sa iyo sa pamamahiya mo sa amin lagi, Arnel. Baka gusto mong ikaw naman ang mapahiya sa lugar natin. Bago ka lang dito, dapat ay marunong kang makisama!” sigaw ni Mando.

“Ayoko ng away, Mando. Hindi talaga ako umiinom kaya pasensya na kayo sa akin,” saad naman ni Arnel.

Dahil dito ay naglabasan ang mga kapitbahay.

“Kahit isang tagay lang ay hindi mo kami mapagbigyan? Bakit? Takot kang malasing at makita ang tunay mong anyo?” natatawang saad naman ni Rick.

“Anong tunay na anyo?” pagtataka muli ng ginoo.

“Aminin mo na, Arnel, alam na naming lahat ang likaw ng bituka mo. Malalaman at malalaman din ng mga kapitbahay natin ang lahat. Aminin mo na sa kanila na binabae ka!” bulyaw ni Mando.

“Binabae? A-ako?”

“Huwag ka nang magkaila, Arnel, kitang-kita kita sa isang mall. Naroon ka sa bilihan ng make up at nag-aaral ka pang maglagay nito! Walang tunay na lalaki ang nais maglagay ng kolorete sa mukha! Tinanong ko mismo ang mga sales lady at madalas ka raw doon at nagpapaturo sa kanila!” saad muli ni Mando.

Ikinagulat ito ng kanilang mga kapitbahay kaya imbes na umawat ay panay pa ang pakikiusyoso nila.

Natatawa lamang si Arnel.

“Iyon ba ang sinasabi mo? Binabae na ba ako kung nais kong matutong maglagay ng make up para sa asawa ko? Bulag ang misis ko, Mando. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw kong makisama sa pag-inom ninyo dahil kailangan ko siyang alagaan. Simula nang mabulag siya ay nawalan na siya ng kumpyansa sa kaniyang sarili. Alam niyang hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa kaniya. Pero hindi maiiwasan na makaharap ang mga taong tulad ninyong mapanghusga. Kaya naman nag-aral akong maglagay ng make up para maayusan ko siya. Wala akong pakialam sa inyo kung tawagin n’yo akong under de saya o binabae. Ang nais ko lang ay mabuhay nang matiwasay at pagsilbihan ang asawa ko. Kung patuloy n’yong guguluhin ang buhay namin ay hindi ako magdadalawang-isip na magsampa ng kaso. Isa akong abogado, Mando. Nagpapakumbaba lang ako dahil gusto kong mamuhay nang payapa kasama ang misis ko,” pahayag naman ni Arnel.

Doon na natigilan ang magkumpare. Mabilis kasi nilang hinusgahan itong si Arnel. Hindi nila akalain na may karamdaman palang iniinda ang asawa nito.

“Mabuti nga iyan sa inyo! Wala kayong ginawa kung hindi mag-inom at mamerwisyo. Kahit asawa mo ako’y ako pa mismo ang magdadala sa iyo sa presinto kapag ipinapulis ka niyang si Arnel. Mabuti pa nga siya at mabuti siyang asawa. Kayong magkumpare ay walang ginawa kung hindi ubusin ang oras sa alak!” sambit naman ng asawa ni Mando.

Labis na napahiya ang dalawa sa lahat ng kanilang kapitbahay. Mula noon ay ilag na silang kantiin itong si Arnel.

Samantala, marami naman sa kanilang mga kapitbahay ang nagbago ang tingin sa ginoo. Lubos niyang inani ang kanilang respeto dahil sa ginagawa niya para sa kaniyang asawa. Naging inspirasyon siya sa marami dahil sa pagmamahal niya sa bulag na asawa.

Advertisement