Tutol ang mga Magulang sa Nobyo ng Anak; Isang Malagim na Aksidente ang Maglalabas ng Kaniyang Tunay na Anyo
Nagulat ang mga magulang ni Rachel nang dalawin nila ito sa tinitirhan nito sa Amerika. Hindi kasi nila akalain na nakikisama na ito sa banyagang nobyo na si Josh. Mula noon ay hindi na gusto ng mag-asawa ang binata para sa kanilang anak. Malakas kasi ang kutob ng inang si Esther na hindi seryoso ang binata sa dalaga.
“Wala ka man lang balak sabihin sa amin ng daddy mo na nagsasama na pala kayo ng lalaking iyan? Hindi ba’t sinabi na namin sa iyo na tigilan mo na ang pakikipagkita sa kaniya dahil wala kang mapapala sa kaniya? Hindi porket taga-ibang bansa siya’y magandang buhay na ang maibibigay niyan sa iyo” wika pa ng ina.
“Tama ang mommy mo. Hindi mo pa siya lubusang kilala, Rachel. Hindi mo alam baka mamaya ay kung ano ang gawin niyan sa iyo. Nakilala mo na ba ang pamilya niya? Anong negosyo ng mga magulang niya?” tanong naman ng amang si Fred.
“Nagpaplano na nga kaming pumunta sa Texas para ipakilala niya ako sa mga magulang niya. Ang sabi niya’y isang magsasaka ang tatay niya. Maayos rin naman ang trabaho n’ya sa research center. Malapit lang din ito sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko,” paliwanag naman ni Rachel.
“Baka mamaya ay ikaw pa ang bumuhay sa lalaking iyan! Sinasabi ko na sa’yo, Rachel, huwag kang magpapabulag lang sa hitsura!” dagdag pa ng ina.
“‘Ma, bonus na lang sa akin ang hitsura niyang si Josh. Pero inibig ko siya dahil mabuti ang kaniyang puso. Kung hahayaan n’yo lang na makilala n’yo pa siya,” saad muli ng dalaga.
Kahit anong sabihin ni Rachel ay talagang ilag ang kaniyang mga magulang sa ideya ng kanilang pagsasama. Kaya lalong sumama ang loob ng mag-asawa nang malamang magpapakasal na ang kanilang anak.
“Kakasabi lang namin sa iyo na pag-isipan mo ang pakikisama sa lalaking iyan. Ngayon naman ay sasabihin mo sa akin ng daddy mo na ikakasal ka na? Imulat mo nga ‘yang mata mo, Rachel! Akala ko ba’y matalino ka? Hindi ka namin pinag-aral ng daddy mo d’yan sa Amerika para lang mag-asawa ng kung sino-sinong lalaki lang! Bumalik ka na nga dito sa Pilipinas at ikaw na ang mamahala sa mga negosyo natin! Huwag na huwag mong maisama ‘yang lalaking iyan!” sambit ni Esther.
“‘Ma, kung hindi n’yo kami matatanggap ni Josh ay hindi na lang po ako uuwi d’yan sa Pilipinas. Masaya ako sa kaniya at mahal niya ako. Bakit hindi n’yo makita ‘yun? Hindi naman siya katulad ng lalaking iniisip niyo. Sa susunod na linggo ay pupunta na kami sa Texas upang makilala ko ang pamilya niya. Magpapaalam na rin kami na magpapakasal kami. Itutuloy ko ito kahit hindi ko makuha ang basbas ninyo,” wika naman ni Rachel.
Matapos ang pag-uusap na iyon ay hindi na muling nagkausap si Rachel at ang kaniyang mga magulang. Pareho silang may sama ng loob sa isa’t isa.
Dalawang araw bago lumipad patungong Texas ang magkasintahan ay biglang may aksidenteng nangyari kay Rachel.
Madulas ang daan ng mga panahong iyon dahil sa nyebe. Nagkaroon ng karambola ng mga sasakyan sa kalsada at isa ang sasakyan ni Rachel na naipit. Matindi ang pinsala na natamo ng kaniyang sasakyan. Sa tingin nga nila’y hindi na magtatagal ang buhay nitong si Rachel.
Agad na nagtungo si Josh sa ospital upang makita ang kalagayan ng nobya. Nadurog ang kaniyang puso nang makitang wala itong malay at marami itong sugat sa katawan at mukha. Halos hindi na niya ito makilala.
Nagmamadali rin naman ang mga magulang ni Rachel na magtungo ng Amerika nang malaman nila ang nangyari sa anak. Halos nawawalan na sila ng pag-asa na makakaligtas pa itong si Rachel sa tindi ng kaniyang tinamo sa aksidente.
Isang buwan na ang nakakalipas at hindi pa rin gumigising itong si Rachel. Sumailalim na rin ito sa ilang operasyon. Sa tagal ng pagkakaratay ng dalaga’y hindi umalis si Josh sa kaniyang tabi.
“Sinabihan ko na si Josh na umalis na at magpatuloy na sa kaniyang buhay ngunit iginiit niyang manatili. Mahal daw niya si Rachel at nais niyang paggising nito’y nariyan siya sa kaniyang tabi,” sambit ni Esther sa asawa.
“Hayaan mo na lang siya. Magiging masaya rin naman si Rachel kung makikita niya rin si Josh. Baka nga totoong tapat naman ang hangarin nito sa kaniya. Baka nga hindi lang siya nagpapakitang tao lang,” saad naman ni Fred.
Lumipas pa ang ilang buwan at lantang gulay pa rin si Rachel. May mga pagkakataong gusto nang isuko ng mga magulang ang buhay ng anak ngunit hindi pumayag si Josh.
Bagkus ay siya pa ang gumastos sa pagpapagaling nito. Hindi nila akalain kasi na galing sa isang mayamang pamilya itong si Josh. Hindi tunay na magsasaka ang kaniyang ama kung hindi isang haciendero. May-ari sila ng isang malaking lupain sa Texas.
Makalipas ang halos isang taon na nakikipaglaban sa buhay, sa wakas ay nagising rin si Rachel.
Pagmulat agad ng mga mata nito’y si Josh ang kaniyang nakita. Umiiyak ito sa tuwa sapagkat ngayo’y tunay na niyang kapiling ang kasintahan.
Isang malaking problema pa rin ang kinakaharap ng lahat. Paano kaya matatanggap ni Rachel ang sinapit ng kaniyang hitsura. Nakaligtas man siya’y tiyak na malulugmok ito dahil sa dinanas ng kaniyang hitsura. Mas lalo tuloy silang nagdalawang isip na tuluyan pa ring pakakasalan ni Josh ang dalaga.
Ngunit lahat ng agam-agam ng mag-asawa ay nawala nang biglang dumating ang mga magulang ni Josh. Sa pangalawang pagkakataon ay nagpropose ng kasal ang binata kay Rachel. Dito na napatunayan nina Esther at Fred na tunay nga ang hangarin nito sa kanilang anak.
“Nagsisisi kami ng daddy mo at ngayon lang namin ibibigay ang aming basbas. Malaki ang pagkukulang namin sa iyo, Rachel. Hindi ka namin pinagkatiwalaan nang sabihin mong tapat sa iyo si Josh. Marahil kaya nangyari ang lahat ng ito’y upang buksan ang isipan namin ng daddy mo sa inyong tunay na pagmamahalan,” saad ni Esther sa anak.
“Salamat, mommy at daddy. Nagpapasalamat rin ako kay Josh dahil hindi niya ako iniwan sa mga panahong kailangan ko siya. Lalo niyang ipinaramdam sa akin ang tapat niyang pagmamahal. Salamat sa Diyos at siya ang ibinigay sa akin,” saad naman ni Rachel.
Kahit na hindi pa man tuluyang nakakalakad itong si Rachel ay natuloy na ang kasal. Araw-araw ay pinapatunayan sa kaniya ni Josh ang pagmamahal nito sa kaniya. Matiyaga siya nitong inaalagaan at pinaglilingkuran kahit na tuluyan na siyang gumaling.
Upang maibalik naman ang kumpyansa sa sarili ni Rachel ay ipinaayos niya ang kaniyang mukha.
Malaki man ang pinagbago ng lahat ay malakas ang loob ni Rachel na may isang tunay na nagmamahal sa kaniya sa kabila ng lahat ng ito, walang iba kung hindi ang asawa niyang si Josh.