Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Babae ang Mister dahil ‘Hindi Pa raw Siya Tapos Magdalaga’; Ito ang Kaniyang Dadatnan sa Muling Pagbabalik

Iniwan ng Babae ang Mister dahil ‘Hindi Pa raw Siya Tapos Magdalaga’; Ito ang Kaniyang Dadatnan sa Muling Pagbabalik

Mabilis ang naging takbo ng pagmamahalan nila Jack at Krystle. Sa pagdiriwang ng kaarawan ng matalik niyang kaibigang si Miles sila nagkatagpo. Unang beses pa lang na lumapat ang mga mata ng binata sa dilag ay iba na agad ang kaniyang naramdaman.

“Si Krystle? Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Jack?” tanong ng dalagang si Miles.

“Sige naman na, Miles, ipakilala mo na ako sa kaniya! Hindi ba’t malapit mo rin siyang kaibigan? Ako ang pinakamatalik mong kaibigan at alam mong ngayon lang ako magmamahal nang ganito. Iba ang tama ko diyan kay Krystle,” pangungulit ni Jack.

“Ang sa akin lang naman ay marami pang ibang babae d’yan, Jack, bakit si Krystle pa? Sa tingin ko ay mas kailangan mo pa siyang makilala, e. Hindi siya bagay sa iyo,” wika pa ng dalaga.

“Parang awa mo na, Miles, ngayon lang ako hihingi ng pabor sa iyo, ipakilala mo na kami sa isa’t isa. Pangako ko sa’yo na tatanawin kong malaking utang na loob ito sa’yo lalo na kapag nagkatuluyan kami,” muling saad ng matalik na kaibigan.

Magkatuluyan? Ito na nga ang pinakaayaw ni Miles na mangyari kay Jack at Krystle. Hindi dahil sa matagal na siyang may pagtingin sa matalik niyang kaibigan ngunit dahil kumbinsido siyang hindi si Krystle ang nararapat na babae kay Jack. Hindi ito kasing hinhin ng inaakala niya.

Ngunit walang nagawa si Miles kung hindi ipakilala pa rin si Jack kay Krystle.

Hindi naman na nag-aksaya pa ng panahon si Jack ata agad niyang niligawan ang dalaga. Ilang araw lang ang nakalipas at sinagot na rin siya nito.

Walang mapaglagyan ng saya ang binata ngayong magkarelasyon na sila ni Krystle. At anim na buwan lang ang nakalipas ay inaya na niya agad itong magpakasal.

“Sigurado ka ba sa desisyon mong iyan, Jack? Hindi ba’t parang ang bilis naman ng lahat ng ito? Kilala n’yo na ba ang isa’t isa talaga?” pagtataka ni Miles.

“Sigurado naman na ako sa kaniya, Miles. Si Krystle na talaga ang gusto kong makasama. Saka isa pa, dalawang buwan na siyang buntis. Dapat lang naman na panagutan ko ang responsibilidad sa kaniya, ‘di ba?” pahayag pa ni Jack.

“B-buntis? Nabuntis mo si Krystle?” tanging nasabi naman ng matalik na kaibigan.

“Kaya sana’y suportahan mo na lang ako sa gagawin kong ito, Miles. Sa lahat ng tao’y ikaw na lang ang inaasahan kong susuporta sa akin. Alam kong hindi magiging madali ang lahat pero handa na akong magkaroon ng pamilya. Lalo na’t si Krystle ang makakasama ko habang buhay,” wika muli ng binata.

Hindi makapaniwala si Miles sa sinasabing ito ni Jack. Hindi niya akalain na sa mabilis na panahon lang ay mangyayari ang lahat ng ito. Minsan ay gusto niyang sisihin ang sarili dahil siya ang dahilan kung bakit nagtagpo ng landas ang dalawa. Ngunit marahil ay huli na ang lahat para sa kanila ni Jack.

Matapos ang kasal ng dalawa ay ilang buwan ding hindi nagparamdam si Miles kay Jack. Nais niyang bigyan ng espasyo ang dalawa ngayong magkakaroon na sila ng pamilya. Hanggang sa tuluyan na ngang nanganak si Krystle.

Ang alam ni Miles ay masaya ang dalawa ngayong may anak na sila ngunit isang araw ay nakatanggap ng tawag ang dalawa mula sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Miles, p’wede mo ba akong puntahan dito sandali sa bahay? Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko kay baby. Iyak siya nang iyak kanina pa. Pakiusap,” wika ni Jack.

Agad namang nagtungo si Miles sa bahay ng kaibigan. Bumungad sa kaniya ang iyak ng bata.

“Nasaan ba si Krystle, Jack? Hindi ba’t siya dapat ang nag-aalaga dito sa baby ninyo?” tanong agad ni Miles.

“H-hindi ko alam kung nasaan siya. Kahapon pa siya umalis, e. Ang sabi niya’y may aasikasuhin lang daw siyang inuutos sa kaniya ng nanay niya. Tumawag naman ako sa kanila, hindi raw nila alam kung nasaan. Hindi ko nga siya makontak kagabi pa,” saad naman ni Jack.

Kinuha ni Miles ang sanggol at saka niya sinuri kung ano ang iniiyak nito.

“May kabag si baby, Jack. May mansanilya ka ba dito? Kailangan lang natin siyang lagyan sa tiyan at saka idapa. Mamaya ay magiging ayos na rin siya,” wika ni Miles.

Nang makatulog na ang sanggol ay hindi na maiwasan ni Jack na maglahad ng kaniyang damdamin kay Miles.

“Malaki na ang pinagbago ni Krystle simula nang ipinanganak niya ang anak namin. Lagi na siyang umaalis. Ni hindi nga niya pinas*so ang batang ito. Ni hindi niya kayang alagaan nang matagal. Kaya naaawa rin ako sa anak ko,” wika pa ni Jack.

“Sinubukan mo na ba siyang kausapin, Jack? Hindi rin kasi madali ang pinagdadaanan ng mga buntis at nanganak,” tanong naman ni Miles.

“Ang sabi niya sa akin ay hindi pa raw siya tapos na magdalaga. Kung gusto ko raw na maging maayos ang relasyon namin ay hayaan ko lang siya. Umuuwi naman dito si Krystle pero palagi siyang lasing o hindi naman kaya’y mainit ang ulo. Sa totoo lang ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Mahal ko siya at ang anak namin pero hindi magiging maayos ang pamilya na ito kung hindi rin siya handa sa responsibilidad. Ano ba itong pinasok ko, Miles?” lahat pa ni Jack.

Hindi lang masabi ni Miles na binalaan na niya noon ang kaibigan tungkol sa pakikipagrelasyon kay Krystle. Hindi kasi maganda ang mga naririnig niya dito, pero hindi naman din niya magawang sabihin ang lahat ng ito kay Jack. Kaya naman bilang suporta’y tinulungan na lang niya ito sa pag-aalaga sa anak. Sa tuwing tumatawag si Jack upang hingin ang kaniyang tulong ay lagi siyang nariyan.

Isang gabi, habang mahimbing na natutulog ang mag-ama ay biglang umuwi si Krystle. Naalimpungatan si Jack. Ikinatuwa niyang makita ang asawa.

“Narito ka na pala, mahal. Nagugutom ka ba? Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape?” tanong niya sa misis.

Ngunit hindi siya pinansin nito at tuloy-tuloy lamang papasok ng silid patungo sa kanilang aparador.

“Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito, Krystle? Bakit mo kinukuha ang lahat ng gamit mo?” pagtataka ni Jack.

“Bulag ka ba o sadyang tanga lang? Aalis na ako sa bahay na ito, Jack. Hindi ko na kaya pa ang bigat ng responsibilidad na makisama sa iyo at mag-alaga ng batang iyan! Sa totoo lang nama’y hindi kita mahal. Napilitan lang akong maikasal sa iyo upang hindi ako maging kahihiyan ng pamilya namin, pero hindi ko na kayang sikmurain ang lahat ng ito! Aalis na ako! Hindi ito ang buhay na gusto ko, Jack! Huwag kang mag-alala dahil iiwan ko sa iyo ang bata!” mariing sambit ni Krystle.

Kahit anong pigil ay hindi na nagpaawat sa pag-alis si Krystle. Ito na yata ang pinakamalungkot na nangyari sa buhay ni Jack. Paano na niya ngayon palalakihin ang kaniyang anak ngayong wala na itong ina?

Maaga pa lang ay nagtungo na si Miles sa bahay ng mag-ama upang damayan ang mga ito.

“Huwag kang mag-alala, Jack, tutulungan kitang alagaan ang baby mo. Ang kailangan mo na lang intindihin ay ang negosyo mo. Para mabuhay mo naman itong anak mo,” saad ni Miles.

“Maraming salamat, Miles, at kahit naging matigas ang ulo ko’y hindi mo pa rin ako sinusukuan. Tunay ka talagang kaibigan,” wika pa ni Jack.

Dahil kay Miles ay hindi naging mahirap kay Jack na harapin ang kaniyang problema. Madalas pa rin siyang malungkot sa nangyari sa relasyon nila ni Krystle ngunit kailangan niyang magpakatatag para sa bata.

Lumipas ang panahon, sa tulong ni Miles ay nakabangon na muli si Jack. Gumanda ang takbo ng kaniyang negosyo at maayos din ang naging pagpapalaki sa sanggol.

Sa tagal din ng panahon na magkasama sila ng matalik na kaibigan ay napagtanto niya ang isang mahalagang bagay. Kaya naman nais na niyang aminin ang tunay niyang nararamdaman kay Miles.

Sa kabilang banda ay hindi naman nagbabago ang nararamdaman ni Miles kay Jack. Mahal niya ito higit pa sa isang kaibigan.

Ngunit sa gabi na siya’y magtatapat kay Miles ay bigla namang dating rin ni Krystle.

“Jack, p’wede ba kitang makausap? Alam kong marami akong naging pagkakamali sa iyo. Pero handa na akong itama ang lahat ng ito. Nais ko nang buuin muli ang pamilya natin. Maraming taon ko ring pinagdusahan ang mga naging desisyon ko sa buhay. Hanggang sa mapagtanto kong kayo pala ng anak natin ang kulang sa buhay ko,” pahayag ni Krystle.

Sa panahong iyon ay nawalan na ng pag-asa si Miles na ipagpatuloy nila ni Jack ang kanilang pagmamahalan. Ano nga ba ang laban siya sa misis at ina ng anak ni Jack.

“Jack, siguro’y kailangan ko munang umalis para mapag-usapan n’yo ni Krystle ang lahat,” wika ng dalaga.

“Hindi, Miles, hindi ka aalis. Dito ka lang sa tabi ko. Hindi ko hahayaan na pumasok muli ang babaeng ito sa buhay namin ng anak ko. Ikaw ang gusto kong makasama at wala ng iba. Dapat noon pa man ay nakita ko nang ikaw talaga ang itinadhana para sa akin. Ngunit naging bulag ako. Kaya sana sa pagkakataong ito’y hayaan mo akong ipaglaban ko ang nararamdaman ko para sa iyo. Dito ka lang, Miles, dito ka lang sa tabi namin ng anak ko,” pakiusap pa ni Jack.

“Anong ibig sabihin ng lahat ng ito, Jack? Mas pinipili mo ‘yang si Miles kaysa sa akin na ina ng anak mo? May karapatan din ako sa bata! Asawa mo pa rin ako!” sambit ni Krystle.

“Anim na taon kang nawala, Krystle, at inaasahan mong sa pagbabalik mo’y walang magbabago? Wala nang bisa ang kasal natin! Hindi na kita asawa! Hindi mo alam ang hirap na dinanas namin ng anak mo. Ni hindi ka na nga niya kilala, e! Mas pinili mong magbuhay dalaga kaysa gampanan ang responsibilidad sa amin ng anak mo. Inako ni Miles ang lahat ng responsibilidad na dapat ikaw ang gumawa! Hindi mo ako masisisi kung magbago na rin ang nararamdaman ko. Mula noon pa man ay si Miles na ang nasa tabi ko. Kaya sa bawat araw na kakaharapin ko’y mananatili siya sa tabi ko. Umalis ka na, Krystle, wala ka nang puwang sa pamilyang ito!” pahayag pa ni Jack.

Luhaang umalis si Krystle. Hindi ito ang inaasahan niyang mangyayari. Buong akala niya’y tatanggapin pa rin siya ng dating asawa.

Maging si Miles ay nagulat rin sa ginawang ito ni Jack. Hindi niya akalain na may pagtingin rin pala ito sa kaniya. Hindi niya alam na nilakad na pala nito ang pagpapawalang bisa ng kasal kay Krystle.

“Miles, ngayong malaya na ako’y nais ko sanang hingin ang kamay mo. Alam kong hindi na ako karapat-dapat pa sa pagmamahal mo pero hayaan mo akong maging mabuting asawa at ama sa magiging anak natin. Pangako ko sa iyo na ibibigay ko ang lahat ng makakapagligaya sa iyo. Hinding hindi kita paluluhain. Maraming salamat dahil nanatili ka sa tabi ko,” saad pa ni Jack.

“Noon pa man ay kayo na ng anak mo ang nagpapaligaya sa akin. Nandito lang naman ako palagi sa tabi mo at naghihintay na isang araw ay mahalin mo rin. Masaya ako dahil pareho na tayo ng nararamdaman ngayon. Asahan mo rin na lagi lang ako sa tabi mo hanggang nais mo,” saad naman ni Miles.

Makalipas ang ilang buwan ay tuluyan nang ikinasal si Jack kay Miles. Namuhay ang dalawa na puno ng pagmamahal at kaligayahan kasama ang kanilang mga anak.

Advertisement