Washing Machine ang Hiling Niya Ngayong Kapaskuhan; Makatanggap nga Kaya Siya ng Ganitong Klaseng Regalo?
Walang ibang hiling ang ginang na si Kyline ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan kung hindi isang washing machine na magagamit niya sa kaniyang paglalabada. Dahil nga hindi siya nakapag-aral at mayroon pa siyang dalawang maliliit na anak, ito lamang ang naisip niyang paraan upang kaniyang matugunan ang pangangailangan ng mga anak habang nababantayan niya pa ang mga ito.
Kaya lang, habang lumalaki ang mga ito, nararamdaman niyang nadadagdagan nang nadadagdagan ang mga pangangailangan ng mga ito lalo na ang panganay niyang anak na papasok na sa hayskul na kailangan nang bagong uniporme, gamit sa eskwela, at sapatos na aakma sa uniporme nito.
Ito ang dahilan niya upang gabi-gabi niyang hilingin na sana ay may bigay sa kaniya o siya’y mabunot sa Christmas party ng kanilang barangay upang magkaroon lang ng washing machine. Kapag mayroon na kasi siyang ganitong uri ng gamit, mapapadali na ang paglalaba niya, maaaring mas maraming kustomer pa ang kaniyang mahakot na talagang makapagbibigay sa kaniya nang malaking kitang sasagot sa pangangailangan ng kaniyang mga anak.
“Hindi ka naman madamot, Diyos ko, hindi ba? Bigyan mo na ako ng washing machine ngayong Pasko, ha? Aasahan ko ‘yan! Alam kong wala kang ibang gusto kung hindi ang makakabuti sa akin at sa mga anak ko!” pagmamakaawa niya sa Panginoon nang siya’y minsang mapadaan sa simbahan malapit sa kanilang bahay.
Isang araw, habang siya’y nawiwiling maglaba matapos paghandaan ng pagkain ang mga anak, narinig niyang biglang sumigaw ang anim ma taong bunso niya dahilan para siya’y matarantang puntahan ito sa kanilang sala kung saan ito kumakain.
“Bakit, anak? Anong nangyari?” sigaw niya habang nagmamadaling mapuntahan ito. “May mamang nag-iwan ng malaking kahon sa tapat ng bahay natin, mama! Baka ito na po ‘yong hiling mo!” balita nito kaya dali-dali siyang lumabas ng kanilang bahay.
Kaya lang, pagkabukas niya sa kahong iyon, isang tulog na tulog na bagong silang na sanggol ang tumambad sa kaniya.
“Diyos ko! Sinong walang puso ang nag-iwan nito sa bahay namin!” sigaw niya kaya nagsilabasan ang kaniyang mga kapitbahay.
“Naku, Kyline! Swerte ‘yan! Tanggapin mo nang buong puso ang batang ‘yan at tiyak, pagpapalain ka niyan!” sabi ng kapitbahay niyang matandang dalaga.
“Washing machine ang hiling ko, hindi isa pang aalagain! Gusto mo bang swertehin, manang? Sa’yo na lang ang batang ito!” sagot niya rito na agad nitong ikinailing.
“Mahina ang buto ko, hija! Hindi ko na kayang alagaan ‘yan! Sa’yo ibinigay ‘yan, ikaw ang mag-alaga riyan!” tugon nito saka agad na siyang iniwan.
Magmakaawa man siya sa iba pang naroong kapitbahay niya na ampunin ang batang iyon, walang may gustong kumuha rito. Sinubukan niya na ring ibigay ito sa ampunan at simbahan ngunit hindi rin ito tinanggap.
Kaya naman, kahit lingid sa kagustuhan niya ang alagaan ang bata dahil nga kulang na kulang ang kinikita niya na para lang dalawa niyang anak, inalagaan niya pa rin ito dahil labis siyang nakokonsensya na ito’y ipamigay o iwan na lang din kung saan.
Sa katunayan, dahil nga hindi sapat ang kinikita niya, nagawa na niyang mangutang ng gatas sa tindahan ng kaniyang kumare. Hindi man niya alam kung paano ito babantayan habang naglalabada, nagtiwala siyang may rason kung bakit siya ang piniling mag-alaga rito.
Habang tumatagal ito sa kaniyang puder, unti-unting napamahal sa kaniya at sa mga anak niya ang naturang sanggol. Ito ang lalong nagpasaya sa kanilang mag-iina kahit hindi pa ito marunong magsalita at kumilos mag-isa.
Ngunit, isang umaga, siya’y ginising ng isa sa kaniyang mga kapitbahay at binalita sa kaniyang may isang ginang ang naghahanap sa isang nawawalang sanggol.
Bago pa siya makapagsipilyo, dumating na sa kaniyang bahay ang naturang ginang at siya’y agad na pinakiusapang ipakita ang bata.
“Kung may balat siya sa talampakan, siya ang anak kong ninakaw ng pamilyang galit sa akin,” sabi nito sa kaniya at nang tingnan niya nga ang paa ng bata, mayroon nga itong malaking balat dahilan para mapaiyak sa tuwa ang ginang.
Habang pinagmamasdan niya ito, hindi niya rin maiwasang hindi maiyak dahil nga napamahal na siya rito.
“Ah, eh, kukuhanin niyo na po ba siya sa amin?” mangiyakngiyak niyang tanong.
“Oo sana dahil sobra na akong nangungulila sa anak ko. Pero huwag kang mag-alala, hindi masasayang ang paghihirap mo sa pag-aalaga sa anak ko. Sobra akong nagpapasalamat dahil sa isang mabuting tao dinala ng Diyos ang anak ko,” iyak nito saka siya niyakap nang mahigpit.
Ayaw man niyang isauli ito, tinanggap niya na lang na wala talaga siyang karapatan sa naturang bata kaya buong puso niya itong ibinigay sa totoo nitong ina.
Buong akala niya’y doon na matatapos ang koneksyon niya sa sanggol na iyon, ngunit isang araw lang ang lumipas, dumalaw muli ang ginang sa kanilang bahay kasama ang naturang sanggol.
“Asahan mong madalas ka naming dadalawin mag-ina lalo na’t titira ka na sa subdivision namin!” sabi nito na ikinapagtaka niya.
“Ano ibig mong sabihin?” tanong niya rito.
“Ibinili kita ng bahay doon bilang pasasalamat sa pag-aalaga mo sa anak ko. Bukod pa roon, kukuhanin kitang sekretarya ko para magkaroon ka ng trabaho!” balita nito na labis niyang ikinapanghina sa sobrang tuwa.
“Diyos ko, totoo ba ‘yan?” tanong niya pa at imbis na siya’y sagutin, agad siyang pinasakay ng ginang kasama ang mga anak niya sa naghihintay na sasakyan upang dalhin sa naturang bahay.
Doon niya napatunayang hindi nga ito nagbibiro. Maganda at malaki ang bahay na bigay nito at kumpleto na rin sa gamit! Ang dating washing machine na hiling niya, natagpuan niya rin doon at may kadikit pang dryer!
Dito niya lubos na napagtanto kung gaano kabuti ang Panginoon sa buhay niya kaya wala siyang ibang nagawa kung hindi maiyak sa labis na pagpapasalamat.
At dahil nga may trabaho na rin siyang pagkakakitaan, unti-unti niyang natugunan ang pangangailangan ng mga anak nang hindi na namomroblema.