Hindi Niya Tinulungang Magbalot ng Regalo ang Kaniyang Lolong Nagpalaki sa Kaniya; Iyon na Pala ang Huling Hiling Nito
Lumaki man si Jonathan sa puder ng kaniyang lolo, hindi malapit ang loob niya rito. Simula kasi nang alagaan siya nito, wala na siyang ibang narinig dito kung hindi mga mura, pangmamaliit sa kaniyang mga magulang na nang-iwan sa kaniya, at panloloko nito na siya’y ampon lang dahil parehas na maputi ang kaniyang mga magulang ngunit siya’y morena na, medyo kulot pa.
Ito ang dahilan para hindi niya ito pagtuunan ng pansin ngayong nanghihina na ito. Pinagluluto man niya ito ng pagkain, pinag-iinitan ng tubig panligo at sumusunod sa utos nitong siya’y bumili ng gamot pero sa padabog na paraan naman. Hindi rin siya naglalaan dito ng oras para lang ito’y kwentuhan. Mas pinipili niya pang magkulong sa kaniyang silid at maglaro ng video games kaysa makita ang mukha nito o marinig ang nakakairita nitong boses.
Sa katunayan, nagagawa niya lang lumabas ng kaniyang silid kapag tinatawag lang siya nito. Kapag hindi niya ito narinig na sumigaw upang siya’y utusan, hindi talaga siya lumalabas ng kaniyang silid.
Nitong mga nakaraang araw, napansin niyang halos hindi na siya inuutusan ng lolo niyang ito. Madalas pa nga, siya na ang lumalabas mag-isa upang maghanda ng kanilang makakain at minsan, nagugulat na lang siyang may nakahanda ng pagkain sa kanilang hapag-kainan.
“Ano kayang mayroon sa kaniya? Pero sabagay, mas ayos na sa aking hindi niya ako tinatawag dahil ayokong makita ang pagmumukha ng isang dem*nyong katulad niya!” sabi niya sa sarili habang hinahanda ang kanilang pagkain.
Ngayong nalalapit na ang Pasko, mas dumalang pa ang pag-uutos nito sa kaniya at kahit napansin niyang dumalas ang hindi nito pagpapabili ng gamot sa kaniya, hinayaan niya lang ito sa pag-aakalang bumibili na ito ng sariling gamot dahil lumalabas itong mag-isa minsan.
Kaya lang, isang linggo bago mag-Pasko, nagulantang siya nang siya’y katukin nito sa kaniyang silid.
“Ano na namang kailangan mo?” inis niyang tanong dito nang pumasok ito sa kaniyang silid at nakangiting matanda ang bumungad sa kaniya.
“Ah, eh, pupwede mo ba akong tulungang magbalot ng mga regalo?” pakiusap nito sa kaniya.
“Kailan ka pa natutong magregalo sa iba? Ako nga na kasama mo rito sa bahay, ni hindi mo nabilhan kahit laruan noon!” sigaw niya, “Para kanino ba ‘yang pinapabalot mong mga regalo?” tanong niya pa rito.
“Para sa iba ko pang mga apo. Iyong sa’yo kasi, naibalot ko na. Tulungan mo na ako, sumasakit na kasi ang likod ko, eh,” uutal-utal nitong wika na ikinatawa niya lang.
“Bakit? Likod ba ang ginagamit sa pagbabalot ng regalo? Kung ako sa’yo, itigil mo na ‘yang pagpapanggap mo. Hindi ka madadala niyan sa langit pagkawala mo,” sagot niya pa dahilan para umalis na lang ito sa silid niya.
Lumipas ang dalawang araw na hindi na siya nito ginambala. Palagi niya na ring naaabutang may pagkain ang kanilang hapagkainan dahilan para hindi niya na ito tingnan sa sariling silid.
Hanggang sa isang araw, bigla niya na lang napagdesisyonang silipin kung anong ginagawa nito at siya’y biglang napasigaw nang makitang nakabulagta na ito. Hindi na ito humihinga habang may hawak pang gunting at gift wrapper.
Doon din ay napansin niya ang sandamakmak na regalong nakapatong sa kama nito. Buong akala niya’y para sa kanilang magpipinsan ang mga ito ngunit nang makita niya kung para kanino ang mga ito, nakita niyang lahat ay nakapangalan para sa kaniya.
May mensahe pa itong iniwan sa isa sa mga regalo na talagang napaiyak sa kaniya.
“Mahal naman talaga kita, apo. Pasensya na kung hindi ko ito naiparamdam nang maayos sa’yo. Gusto ko lang malaman mong ikaw ang nagbigay kulay sa buhay ko,” sabi nito dahilan para roon na niya magsimulang yakapin ang walang buhay na matanda at magsisisigaw dahil sa labis na pagsisisi.
Ngunit kahit anong pagsisisi ang gawin niya, hindi na niya naibalik ang buhay ng kaniyang lolo na talagang dumurog sa puso niya.
“Pasensya na, lolo, hindi kita nasamahan sa mga huling araw mo rito,” bulong niya bago ito tuluyang ibaon sa lupa.
Sa pag-aayos niya sa silid nito, nakita niyang hindi pala ito bumibili ng mga gamot at ginagamit ang perang nakukuha nito mula sa pensyon upang makabili ng ipangreregalo sa kaniya.
“Lolo! Ikaw ang kailangan ko, hindi ang mga bagay na ito!” muli niyang iyak sa labis na pangongonsenya.
Simula noon, tuluyan nang tumahimik ang buhay niya. Wala nang sumisigaw upang mag-utos sa kaniya, wala nang naghahanda ng pagkain niya paminsan, at wala nang tumatawag sa kaniyang “apo” na labis na dumudurog ng puso niya araw-araw.