Inday TrendingInday Trending
Pinilit ng Babaeng Ito na Maging Engrande ang Kaniyang Kasal Kahit na Ito’y Napakamahal; Leksyon pala ang Ibibigay Nito sa Kaniya

Pinilit ng Babaeng Ito na Maging Engrande ang Kaniyang Kasal Kahit na Ito’y Napakamahal; Leksyon pala ang Ibibigay Nito sa Kaniya

Isang linggo na lang at matutuloy na ang pinakahihintay na kasal nina Gerald at Klarisse. Mahigit dalawang taon din ang kinailangan nila upang malikom nila ang sapat na perang gagamitin para dito. Bukod sa kanilang pagtratrabaho ay nagtayo ng negosyo ang magkasintahan, para lang makaipon. Hindi kasi talaga pumayag si Klarisse na hindi engrande ang kanilang magiging kasal buhat nang mainggit siya sa napakagandang kasal ng kaniyang kaibigan at dating kaklaseng si Joyce na isa ring events and wedding organizer. Sa katunayan ay ito na rin ang kinuha niyang mag-asikaso ng kaniyang dream wedding, dahil talagang ang kasal nito ang naging inspirasyon niya upang ipilit sa kaniyang nobyo ang magara at mamahaling kasal kahit pa hindi naman talaga nila iyon kaya.

“Hello, Joyce, okay na ba ang lahat ng kailangan?” tanong ni Klarisse.

“Okay na, sis! Fully paid na ang lahat,” sagot naman ni Joyce sa kaniya.

Ikinatuwa naman ni Klarisse ang sinabi ng kaibigan. Sa totoo lang ay malaki rin ang perang inilabas niya para sa kasal na ito kaya naman talagang mataas ang kaniyang ekspektasyon. Malaki naman ang tiwala niya kay Joyce kaya naman panatag na siya sa mga susunod na araw.

“Itay, heto po yung invitation para sa kasal namin ni Gerald.” Iniabot ni Klarisse ang invitation card sa kaniyang ama bago ito niyakap, sabay halik nito sa kaniyang noo

“Maayos na ba ang lahat na kakailanganin niyo para sa kasal?” tanong pa nito sa kaniya.

“Opo, ‘tay. Excited na nga po ako, e,” sagot ni naman ni Klarisse. Ngumiti lang ang kaniyang ama upang hindi na sila magkatampuhan pa. Noong nakaraan kasi ay napagsabihan siya nito dahil napakamahal ng kasal na gusto niya, gayong para sa ama ay mas mahalaga pa ring magtabi sila para sa pag-uumpisa nila sa buhay mag-asawa. Nanghihinayang ito sa isang milyong pisong inilaan niya para lang sa kasal. Ngunit wala itong nagawa nang sabihin ni Klarisse na huwag na silang makialam pa dahil siya naman at si Gerald ang gagastos dito.

Lumipas ang isang linggo at araw na nga ng kasal nina Klarisse at Gerald… ngunit ganoon na lang ang kanilang pagkadismaya nang hindi ang inaasahan nilang engrandeng kasal ang abutan nila! Sa ayos pa lang sa simbahan ay halata na nilang tinipid ang mga ginamit na disenyo, kaya naman doon pa lang ay halos maiyak na si Klarisse. Umasa na lamang siya na maayos naman ang venue ng kaniyang reception, ngunit lalong nakadagdag sa kabang kaniyang nararamdaman nang simula noon ay hindi na niya ma-contact pa si Joyce samantalang kagabi ay nakausap niya pa ito!

Natapos na ang kasal sa simbahan. Nagtungo na sina Klarisse at Gerald sa kanilang venue. Pagpasok ng mag-asawa ay nadismaya sila sa kanilang nakita. Ang cheap ng kanilang venue! Malaki ito ngunit napakapangit naman ng lugar at ni hindi maayos ang mga disenyo roon. Ang mga pagkaing nakahanda sa mga bisita ay lutong bahay lamang at hindi pa gaanong masarap! Ni hindi rin maganda ang mga ginamit na kagamitan!

Labis ang lungkot na naramdaman ni Klarisse. Niloko siya ng kaniyang mismong kaibigan! Sobra-sobra ang budget na ibinigay niya rito ngunit ganoon lamang ang madadatnan nila! Dahil sa sobrang paghahangad niya ng engrandeng kasalan ay lalo tuloy naging magulo ang kanila sanang pinakamasayang araw ni Gerald bilang mag-asawa!

Sobrang hiya ang naramdaman ng mag-asawa sa kanilang mga bisita. Ipinagyayabang pa naman ni Klarisse na engrande ang magiging kasal nila, ngunit ganito lang ang kanilang aabutan! Dahil doon ay ni hindi man lamang nila na-enjoy ang kanilang kasal at natapos ang araw na iyon na namamaga ang mga mata ni Klarisse.

Kinabukasan ay agad na nagtungo si Klarisse sa baranggay upang ipa-blotter si Joyce dahil sa ginawa nitong panloloko sa kanila. Nakatanggap naman ng tawag si Klarisse kay Joyce na humihingi ng dispensa sa kaniyang ginawa at nagrarasong kinailangan lamang daw niyang gamitin ang kanilang pera. Hindi kayang patawarin ni Klarisse ang kaniyang kaibigan dahil sa ginawa nito. Pinaghirapan nilang mag-asawa ang pinanggastos dapat sa kasal ngunit nauwi lang ito sa wala.

Isang malaking leksyon ang natutuhan ni Klarisse sa pangyayaring ’yon. Mabuti na lamang at naibalik pa rin ni Joyce ang pera nila na hindi pa naman nito nagagastos lahat, kaya naman bumawi na lamang silang mag-asawa sa unang anibersaryo nila. Sa pagkakataong ito ay mas simple na lamang iyon, ngunit mas maayos at mas masaya.

Advertisement