Inday TrendingInday Trending
Muntik nang Mawala ang Paghanga ng Dalaga sa Kaniyang mga Magulang; Isang Pangyayari ang Magpapamulat sa Kaniya sa Katotohanan

Muntik nang Mawala ang Paghanga ng Dalaga sa Kaniyang mga Magulang; Isang Pangyayari ang Magpapamulat sa Kaniya sa Katotohanan

Labing pitong taong gulang na si Mayumi at nalalapit na ang kaniyang kaarawan kaya’t talagang pinaghahandaan ito ng kaniyang mga magulang. Nag-iisang anak lang si Mayumi, ngunit lumaki siya sa pangangalaga ng kaniyang Lola Fely. Ang mga magulang niya kasing sina Richard at Beverly ay parehong nagtratrabaho sa ibang bansa. Limang taong gulang pa lang si Mayumi noong iwan siya ni Richard at Beverly sa kaniyang lola at kada tatlong taon bago umuwi ang mga ito ng ‘Pinas. Naniniwala ang mag-asawa na mas maganda ang maibibigay nilang buhay para sa kanilang anak kung doon sila magtratrabaho.

Pasado alas-dose na ng hatinggabi sa Pilipinas nang tumawag si Beverly kay Mayumi. “Hello, anak? Buti at gising ka pa. Akala ko kasi, hindi na kita makakausap ngayong araw, e,” sabi ni Beverly sa anak.

“Hinihintay ko nga po kayong tumawag, e,” sagot ni Mayumi na bakas ang lungkot sa tinig.

“Anak, sana maintindihan mo si Mama at Papa, ha? Para sa ’yo naman kaya namin ginagawa ito. Isa pa, may sasabihin kasi kami sa ’yo…” Sandaling huminto ang ina ni Mayumi sa pagsasalita, ngunit doon pa lang ay may hinuha na ang dalaga sa sasabihin nito kaya hindi na siya nagsalita pa.

“Alam kong inaasahan mong makaka-uwi kami riyan ng papa mo sa susunod na buwan, dahil birthday mo. P-pero, hindi kasi kami pinayagan ng amo namin, ‘nak, sorry talaga. Babawi talaga kami ng papa mo sa ’yo,” dugtong pa nito na siya namang kumumpirma sa iniisip ni Mayumi.

“Okay lang po, sanay naman na po ako, e. Ayaw ko naman po talagang mag-party,” malamig ang tinig na sagot naman niya.

“Bakit naman ayaw mo, ’nak? Paano mo naman mae-enjoy ang birthday mo niyan? ’Wag kang mag-alala. Si Tita Maurice ang mag-aasikaso ng birthday mo,” ngunit pamimilit naman sa kaniya ng ina. Doon naman tuluyang naluha si Mayumi. Hindi niya kasi alam kung kailan maiintindihan ng kaniyang ina na hindi naman malalaking party o magaganda at mamahaling regalo ang gusto niya kundi sila mismo!

Makaraan ang isang buwan ay matutuloy pa rin ang party na hinanda ng Tita Maurice ni Mayumi para sa kaniya. Sa isang resort ito gaganapin. Engrande ang nasabing pagdiriwang na plinano at ginastusan ng mag-asawang Richard at Beverly para sa kanilang anak. Imbitado lahat ng kaibigan ni Maurice at pati na rin ang mga pinsan nito, ngunit walang kangiti-ngiti mula sa labi ni Mayumi. Sa totoo lang ay labis ang pagkadismayang nararamdaman niya ngayong gabi para sa mga magulang. Halos mawala ang paghanga niya sa mga ito dahil pakiramdam niya ay wala silang pakialam sa kaniya.

Nagsimula na ang nagho-host ng birthday party ni Mayumi. Isa-isa nitong pinababati ang malalapit na tao kay Mayumi, ngunit makikita sa mukha ni Mayumi na hindi siya masaya dahil hindi niya kasama ang kaniyang mga magulang.

“—At ang huling birthday message na matatanggap ng ating birthday celebrant ang siyang pinakaespesyal. Dahil manggagaling ito mula sa dalawang taong kaniyang pinakahihintay ngayong gabi!” pahiyaw na anunsyo ng host.

Naguluhan si Mayumi sa sinabi nito. Maya-maya ay nakita ni Mayumi ang kaniyang inang si Beverly na nakasuot ng magarang damit at palapit sa kinauupuan niya! Naiyak si Mayumi sa sopresang ginawa ng kaniyang nanay at niyakap niya ito. Maya-maya ay isang lalaking nakamaskara naman ang biglang naglahad ng kamay sa kaniyang harap at inaaya siya ng sayaw dahil mag-uumpisa na ang kaniyang eighteen roses…at ganoon na lang ang labis na tuwa ni Mayumi nang makilala niya kung sino ito.

“Papa!” hiyaw niya sabay yakap sa amang noon ay tuwang-tuwa naman siyang niyapos pabalik. Iyon na yata ang pinakamasayang birthday celebration na naranasan ni Mayumi sa kaniyang tanang buhay!

Pagkatapos ng party, doon ay ipinaliwanag sa kaniya ng kaniyang mga magulang na kinailangan nilang mag-resign sa trabaho makapunta lang sa kaniyang kaarawan. Doon ay napagtanto ni Mayumi na grabe pala ang sakripisyo ng mga ito para sa kaniya kaya naman nakaramdam siya ng pangongonsensiya dahil pinakitaan niya nang hindi maganda ang mga ito. Ganoon pa man ay siniguro naman ng kaniyang mga magulang na simula ngayon ay muli na silang magkakasama palagi dahil balak nilang magtayo na lamang ng negosyo sa ‘Pinas. Dahil doon ay siniguro ni Mayumi na babawi siya sa mga magulang at siya naman ang magpaparamdam sa kanila ng kaniyang labis na pagmamahal.

Advertisement