Isang Pulubi ang Walang Saplot na Naglalakad sa Daan at Pinagtatawanan ng mga Tao; Magugulat Sila sa Gagawin ng Kapwa Nito Pulubi
Maririnig ang mga hagikhikan mula sa mga taong nagdadaraan sa pampublikong parkeng iyon. Paano kasi ay isang pulubing marungis at walang saplot sa katawan ang kanina pa naglalakad at pagala-gala sa naturang lugar.
Pinag-trip-an ito ng ilang kalalakihan, pinag-uusapan at pinandidirihan ng mga nagdaraang kababaihan habang binabato at sinasaktan ito ng ilang batang hindi man lang sinasaway ng kanilang mga magulang! Animo sila mga walang pusong pinanunuod lang ang kawawang pulubi na ang tanging kasalanan lang naman ay ang mawala sa pag-iisip nito buhat nang siya ay panawan ng anak at asawa dahil sa isang aksidente.
“Bakit kaya nagkaganyan ang babaeng ’yan? Nakakadiri. Hindi man lang iniintindi ng pamilya!” bulong pa ng isang babae kahit na ang totoo ay wala naman siyang alam sa buhay ng naturang pulubi.
“Sinabi mo pa. Dapat d’yan hindi nagpapagala-gala rito, e. Ipahuli kaya natin sa barangay?” suhestiyon naman ng kausap nito.
Maayos naman dati ang babaeng ito. May magandang trabaho, bagama’t ulila na sa kaniyang mga magulang. Masaya naman ang buhay nito kasama ang kaniyang asawa’t anak. Ngunit nagbago ang lahat nang maaksidente ang mga ito na naging dahilan ng kanilang pagkawala sa mundo. Kung tutuusin ay nakakaawa ang sinapit ng pulubing ito, ngunit wala ni isa man sa mga normal at mga taong nakasuot ng maaayos na damit ang nagpakita ng kabutihan sa kaniya o ni katiting man lang na awa—maliban na lang kay Aling Ising, isa ring kapwa nito pulubi na putol ang isang kamay at nagtitinda ng mga kendi at samalamig sa gilid ng kalsada, malapit sa parkeng iyon.
Nagsimulang maglakad si Aling Ising papalapit kay Mila—ang pulubing walang saplot—dala ang isa sa kaniyang damit at shorts na bagama’t iilang piraso na nga lang ay handa pa rin niyang ibigay sa nakakaawang si Mila.
Nang maabutan na niya ito ay agad niyang kinumbinsi si Mila na isuot ang hawak niyang saplot…
“Hija, isuot mo na ito. Malamig ang panahon ngayon at may darating daw na bagyo. Baka magkasakit ka,” nag-aalalang sabi ng good samaritan na si Aling Ising kay Mila.
Hindi man ito sumagot ay tinalima naman nito ang kaniyang sinabi. Pagkatapos ay nakagugulat na nagpasalamat ito sa kaniya.
“Salamat po, Aling Ising. Nagugutom po ako. May pagkain ka?” inosenteng tanong pa nito kay Aling Ising na agad namang ikinangiti ng huli.
“Aba, oo naman. Halika’t sumama ka roon sa aking puwesto at nang tayo’y makapagmeryenda,” sagot pa ng mabait na ald na hindi naman nakaligtas sa pandinig ng mga usisera.
Pinakain ni Aling Ising si Mila na agad naman nitong nilantakan na tila ba gutom na gutom. Halatang matagal na itong hindi nakakakain nang maayos at ngayon lamang muling nalamnan ng malinis at mainit na pagkain ang sikmura nito. Talagang nakakaawa ang kalagayan ni Mila, at ngayon lamang ito nakikita ng mga taong nanghuhusga sa kaniya at nagtatawa.
Ang totoo ay nagsimulang makaramdam ng hiya ang mga nakakita sa ginawa ng pulubi rin namang si Aling Ising. Paano kasi, sila itong mas may kakayahang makatulong sa nangangailangang si Mila ngunit dinaig pa sila ng matanda! Oo nga at kulang ito ng isang parte ng katawan, ngunit hindi tulad nila ay may puso ito at handang tumulong kahit pa maging siya ay nangangailangan din.
Dahil sa ginawa ni Aling Ising ay tila ba naengganyo rin ang iba na mag-abot ng tulong sa kanila. Naantig kasi ang puso ng mga nakakita sa ginawa ni Aling Ising at bagaman wala silang pakialam kay Mila kanina ay tila napukaw na ngayon ang puso nila.
“Ale, kaunting tulong po para sa inyong dalawa,” anang isang babaeng lumapit sa pwesto nila at nag-abot ng limang daang piso. Nagpasalamat naman si Aling Ising.
“Ito rin po, ale. Kaunti lang pero makakatulong pa rin,” sagot naman ng isa pang binata sabay abot ng dalawang daang piso. Muli ay nagpasalamat si Aling Ising.
Natutuwa siyang isipin na dahil lamang sa kaniyang pangunguna ay marami sa mga taong kanina lang ay walang ginagawa, ang ngayon ay nais nang tumulong sa kanila. Unti-unti kasing nagsilapit ang mga ito at nagbigay ng tulong sa kanila, malaki man o maliit iyon.
Isang patunay na dahil sa pangunguna ng isa ay maaaring makahatak tayo ng mga taong tutulad sa kabutihang nais nating gawin. Dahil doon ay nag-iwan ito ng leksyong huwag tayong mag-atubiling maglahad ng kamay sa mga nangangailangan at ipakita iyon sa iba upang buksan din nila ang kanilang mga palad upang ilahad sa nangangailangan.